Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Nakatagong Kayamanan
Narito ang mga halimbawa ng matutuklasan mo kapag hinalungkat mo ang mga banal na kasulatan.
Lahat ng kautusan ay espirituwal?!
Sinabi ng Tagapagligtas kay Propetang Joseph Smith: “Lahat ng bagay sa akin ay espirituwal, at hindi kailanman ako nagbigay ng batas sa inyo na temporal” (Doktrina at mga Tipan 29:34).
Ang ibig sabihin ng temporal ay may kaugnayan sa pisikal na mundong ito. Hindi ba “temporal” na batas ang Word of Wisdom?
Kahit ang mga “temporal” na batas na iyon ay espirituwal din, kahit man lang sa dalawang kadahilanan:
-
Kapag sinusunod mo ang anumang kautusan, mas napapalapit ka sa Espiritu Santo. Mas nadarama mo ang presensya ng Diyos at ang Kanyang pagmamahal. Malinaw na espirituwal na mga pagpapala iyan!
-
Kahit ang karamihan sa mga “temporal” na batas ay may lakip na partikular na espirituwal na mga pagpapala. Halimbawa, ang Word of Wisdom ay nangangako ng pisikal na kalusugan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18, 20), pero nangangako rin ito na “makatatagpo ka ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga nakatagong kayamanan” (Doktrina at mga Tipan 89:19).
Hindi natin lubos na nauunawaan ang lahat ng paraan na makaaapekto ang espirituwal na kalusugan sa pisikal na kalusugan—at ang pisikal sa espirituwal. Sa huli, lahat ng kautusan ay espirituwal hindi lamang dahil ang Diyos ay espirituwal kundi dahil tayo rin ay espirituwal.
Ano kaya ang magiging reaksyon mo sa isang mission call noong 1830?
Kung magmimisyon ka ngayon, lagi kang may kompanyon at tirahan. Saan ka man tawagin, mayroon nang Simbahan doon. Malalaman mo kaagad kung gaano katagal ka inaasahang maglingkod.
Walang ganyan dati sa mga unang missionary ng ipinanumbalik na ebanghelyo!
Ang mga lalaking tumanggap ng tawag noong mga unang taon ng 1830s ay madalas maglakbay nang mag-isa at walang gaanong temporal na suporta nang dalhin nila ang kapapanumbalik na ebanghelyo kung saan wala pang sinumang nakarinig tungkol doon. Hindi nila alam kung hanggang kailan sila maglilingkod—basta lang, “Humayo kayo at ipalaganap ang ebanghelyo hanggang sa patigilin kayo.”
At pormal lang na naitatag ang Simbahan noong 1830—bawat missionary ay isang bagong binyag din!
May mga hamon pa rin ang pagmimisyon. Si Parley P. Pratt ay hindi kailanman nag-alala tungkol sa mga panggagambala sa internet, halimbawa. Pero ang buong proseso ay mas maayos, mas ligtas, at mas organisado ngayon. Dapat tayong magpasalamat sa mga naunang missionary na iyon na naglatag ng pundasyon at nagpadali nang husto para madala natin ang ebanghelyo sa bawat bansa.
Kapag humingi ka ng payo sa Panginoon, maging handang tanggapin ito!
Maraming kuwento sa banal na kasulatan ang mga positibong halimbawa. Ipinapakita ng mga ito sa atin kung ano ang gagawin. Pero ang ilang pangyayari sa mga banal na kasulatan ay iyong tinatawag na “mga babala”—mga halimbawa ng hindi dapat gawin.
Isa na rito ang malungkot na kuwento ni James Covel, isang pastor na tinuruan ng ebanghelyo at nagsabi na susundin niya ang anumang utos na ibinigay sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Ang bahagi 39 ng Doktrina at mga Tipan mismo ang hiniling niya: isang personal na paghahayag para sa kanya na nagsabi kung ano ang nais ng Panginoon na gawin niya at ano ang magiging mga pagpapala niya sa paggawa nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 39:10–13).
Ang bahagi 40 ang nakalulungkot na katapusan: Hindi niya iyon ginawa. “Kanyang tinanggap ang salita nang may kagalakan,” sabi ng Panginoon, “subalit kapagdaka ay tinukso siya [kaagad] ni Satanas; at ang takot na mausig at ang mga alalahanin ng sanlibutan ang naging dahilan upang kanyang itatwa ang salita” (Doktrina at mga Tipan 40:2).
Hindi tinupad ni Brother Covel ang tipang ginawa niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 40:3). Marahil ay maaari tayong makisimpatiya sa kanya—Hiniling sa kanya na gawin ang napakahirap na desisyon na lisanin ang isang simbahan kung saan siya naging pastor sa loob ng 40 taon! Pero may matututuhan din tayo sa kanyang pagkakamali.