Isang Tinedyer na Maraming Talento
Maraming kayang gawin si J-Ephraim sa maayos na paraan—kabilang na ang ilan na maaaring hindi ninyo mapapansin sa una.
Mga larawang kuha ni Leslie Nilsson
Si J-Ephraim ay magiging isang chef sa hinaharap!
Sa edad na 14, pamilyar na si J-Ephraim mula sa Manila, Philippines, sa kusina. “Gusto kong maging chef balang-araw,” sabi niya. Isa sa mga paborito niyang lutuing putahe ang sinigang, isang pagkain na pinaghalo ang iba’t ibang karne at gulay na may pampaasim para gawing maasim-asim at masarap ang lasa.
Mahilig din siya sa gaming, pag-eehersisyo, pakikibarkada sa kanyang mga kaibigan, at paglalaro ng basketball.
Pero ang ilan marahil sa kanyang pinakamagagandang talento ay hindi ang mga talentong makikita ninyo sa isang sulyap.
Mga Hamon sa Pamilya
“Produkto ako ng isang watak-watak na pamilya,” paliwanag niya. Noong siyam na taong gulang si J-Ephraim, iniwan ng kanyang ama ang pamilya. Biglang kinailangan ng ina ni J-Ephraim na palakihin siyang mag-isa at ang dalawang nakababata niyang kapatid. Hindi naging madali ang lahat para sa sinuman sa kanila.
“Noong una ay galit-na-galit ako,” pag-amin ni J-Ephraim. Hindi rin siya nag-iisa. “Galit-na-galit at lungkot-na-lungkot ang buong pamilya namin.”
Kinailangang matuto ang bawat isa na mamuhay nang walang kapiling na ama. Kung minsan, ang sobrang stress at lungkot ay humahantong sa mga pagtatalo. Doon nagpasiya si J-Ephraim na linangin ang isa pang talento: ang maging isang tagapamayapa.
“Sinisikap kong maging isang tagapamayapa sa bahay namin, lalo na sa mga nakababata kong kapatid.” Maganda rin ang ibinubunga ng kanyang mga pagsisikap. Bagama’t siya ang unang umaamin na nagkakaroon pa rin ng mga pagtatalo, nagsasama-sama sila bilang isang pamilya para mabawasan ang pagtatalo at patuloy na mapatatag ang kanilang relasyon. “Malapit kami sa isa’t isa bilang pamilya!” sabi ni J-Ephraim.
May isa pang sikreto sa kanilang tagumpay. Tinukoy ni J-Ephraim ang simple pero malalim na dahilan kaya malapit sa isa’t isa ang kanyang pamilya: “Patuloy naming sinusunod ang mga turo ni Jesucristo,” sabi niya.
Mga Tagumpay ng Pamilya
“Ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya kami nananatiling nagkakaisa hanggang ngayon ay dahil nanatili kami sa Simbahan at patuloy naming sinusunod si Jesucristo,” sabi ni J-Ephraim. “Dumadalo kami sa sacrament meeting bawat Linggo at nagdaraos ng family home evening linggu-linggo.”
Ang pamamasyal nila nang magkakasama ay isang paraan lamang para manatiling malapit sa isa’t isa ang pamilyang ito.
Araw-araw din silang gumugugol ng quality time nang magkakasama. “Lagi naming sinusuportahan ang isa’t isa sa mga talento namin at sa mga pagpapasiyang ginagawa namin,” sabi niya. Nangangahulugan man iyan ng pagpapalipas ng oras sa parke, pagtulong sa homework ng isa’t isa, pagsisimba bilang pamilya, o paggugol ng oras sa kusina at pagtatawanan, alam nila ang kahalagahan ng patatagin ang kanilang pamilya nang kaunti pa bawat araw.
Natutuhan ni J-Ephraim at ng kanyang pamilya ang kahalagahan ng sama-samang pag-aaral—homework man iyan, mga banal na kasulatan, o mga bagong libangan.
Lakas kay Cristo
“Sa paglipas ng panahon ay napatawad ko na ang tatay ko,” sabi niya. Pagdating sa pagpapatawad, may naisip si J-Ephraim na isang bagay na nahihirapan ang marami na matutuhan sa buhay. “Kapag pinatawad ko ang isang tao, mawawala ang galit na iyon sa puso ko, at hindi ko na kailangan pang isipin iyon.”
Ngayon, inaamin ko, kadalasa’y mas madaling sabihin iyan kaysa gawin. Paano natin patatawarin ang isang tao kung tila wala tayong lakas na gawin iyon? Muli, tinukoy ni J-Ephraim si Jesucristo. “Ang kapangyarihan ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng lakas at patnubay na mapagtagumpayan ang mga balakid sa ating buhay,” sabi niya. “Sa mundo natin ngayon, napakaraming hamon at tukso na madaling makasira sa atin sa espirituwal, emosyonal, mental, at pisikal. Maaari iyang padaliin ni Cristo para sa atin.”
Maaaring malayo ang marating niya balang-araw dahil sa galing niya sa kusina. Pero dahil sa desisyon ni J-Ephraim na umasa kay Jesucristo bilang kanyang lakas, mas malayo pa ang mararating niya.
Ano ang Nagbibigay ng Pag-asa kay J-Ephraim
Sa nakalipas na ilang taon, nakasumpong ng malaking pag-asa at pampalakas-loob si J-Ephraim mula sa talatang ginamit din sa tema ng mga kabataan noong 2023: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13).
“Kapag naaalala ko ang talatang iyan, naaalala ko na maaari tayong gabayan ni Cristo sa anumang mga hamon na kinakaharap natin.”