Pagtuturo at Pagkatuto
Paglalarawan sa mga Banal na Kasulatan sa Isipan


“Paglalarawan sa mga Banal na Kasulatan sa Isipan,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)

Paglalarawan sa mga Banal na Kasulatan sa Isipan

Ipaliwanag

Ipaliwanag na kapag inilarawan natin ang mga banal na kasulatan sa ating isipan, lumilikha tayo ng larawan sa isipan ng tungkol sa binabasa natin. Ang kasanayang ito ay makatutulong sa atin na mas makaugnay sa mga pangyayari, kuwento, at tao na nababasa natin sa mga banal na kasulatan. Ang mga sumusunod na ideya at aktibidad ay makatutulong sa atin na mailarawan sa isipan ang mga banal na kasulatan:

  • Hanapin ang mga salita at pariralang naglalarawan na makatutulong sa iyo na ilarawan sa iyong isipan ang mga pangyayari nang detalyado.

  • Gamitin ang mga detalyeng nahanap mo para mailarawan sa isipan kung ano kaya ang iniisip o nadarama ng mga tao sa mga banal na kasulatan.

  • Isipin ang iyong sarili na nasa kuwento sa banal na kasulatan, at isipin kung ano ang madarama at maiisip mo kung nararanasan mo ang mga pangyayaring inilalarawan.

  • Maghanap ng mga larawan at video sa Media Library, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, na makatutulong sa iyo na mailarawan sa isipan ang isang salaysay sa banal na kasulatan.

Ipakita

Para maipakita ang kasanayan na paglalarawan sa isipan, maaari mong gamitin ang isa sa mga sumusunod na ideya o gumawa ng sarili mong ideya.

Si Daniel sa yungib ng mga leon
  • Magbigay ng maikling konteksto sa kuwento tungkol kay Daniel at ang yungib ng mga leon (tingnan sa Daniel 6:1–15). Pagkatapos ay basahin ang Daniel 6:16–23, at ituro ang mga detalyeng naglalarawan na makatutulong sa mga estudyante na mailarawan sa isipan ang kuwento. Maaari mong idispley ang kalakip na larawan at sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam ni Daniel sa pagpasok sa isang yungib na puno ng mga leon.

    Maaari mong ibahagi kung paanong ang paglalarawan sa isipan ng karanasan ni Daniel (o sa karanasan ni Haring Dario) ay naging mas totoo at personal sa iyo. Maaari mo ring ibahagi kung paano ito nakatulong sa iyo na pahalagahan ang pananampalataya ni Daniel (at ni Dario) gayon din ang kapangyarihan ng Panginoon.

  • Ang isa pang opsiyon para maipakita ang kasanayang ito ay basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:44–45 at pagkatapos ay ipanood ang isang bahagi ng mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo” (Liahona, Nob. 2020, 91) mula sa time code na 12:28 hanggang 13:48. Tinutulungan tayo ni Elder Andersen na mailarawan sa isipan ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Maaari mong ibahagi kung paano nakakaimpluwensya ang paglalarawan sa isipan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa iyong pananampalataya sa Kanya at sa iyong pag-asa para sa araw na iyon.

15:1

Magpraktis

Pumili ng isang scripture passage mula sa babasahin para sa linggong ito para mapraktis ang kasanayang ito na paglalarawan sa mga banal na kasulatan sa isipan. O maaari kang pumili ng isang passage mula sa mga halimbawang ibinigay sa ibaba. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang passage at praktisin ang paglalarawan sa mga banal na kasulatan sa isipan gamit ang mga ideya sa bahaging “Ipaliwanag.” Maaari mong idispley ang mga ideyang ito. Matapos magpraktis ang mga estudyante, anyayahan sila na ibahagi ang kanilang karanasan sa isang kapartner o sa maliliit na grupo. Maaari nilang ibahagi ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

  • Mga salita at parirala mula sa mga banal na kasulatan na nakatulong sa kanila na lumikha ng isang larawan sa isipan

  • Isang personal na kaalaman na natamo nila mula sa paglalarawan sa isipan

  • Ang kanilang mga ideya tungkol sa kung paano nakatulong sa kanila ang isang larawan o video para madama nila na mas nakakaugnay sila sa mga banal na kasulatan

Paalala: Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang isang larawan o video ay isang interpretasyon ng mga banal na kasulatan at hindi eksaktong naglalarawan ng nangyari.

Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:

  • Exodo 14:10, 21–22. Sa kapangyarihan ng Panginoon, nahati ni Moises ang Dagat na Pula.

  • Mateo 14:24–32. Inanyayahan ni Jesus si Pedro na lumakad sa ibabaw ng tubig.

  • 3 Nephi 11:13–15. Nahipo ng mga Nephita ang mga sugat ng Tagapagligtas.

  • Doktrina at mga Tipan 110:2–4. Nagpakita si Jesucristo kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple.

Mag-anyaya at Mag-Follow Up

Hikayatin ang mga estudyante na ilarawan sa isipan ang mga banal na kasulatan habang nag-aaral sila. Sabihin sa kanila na pumasok sa susunod na klase na handang ibahagi ang natutuhan nila mula sa paggawa nito. Tandaan na mag-follow up sa susunod na klase at bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi at talakayin kung paano nakaimpluwensya ang kasanayang ito sa natutuhan nila sa mga banal na kasulatan.