“Pag-ugnay sa mga Banal na Kasulatan,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Pag-ugnay sa mga Banal na Kasulatan
Ipaliwanag
Maaari ninyong magkakasamang basahin ang 1 Nephi 19:23 at tukuyin kung paano “iniugnay [ni Nephi] ang lahat ng banal na kasulatan” sa kanyang mga tao para sa kanilang “kapakinabangan at kaalaman.” Ipaliwanag na ang iugnay ang mga banal na kasulatan ay ang ikumpara ang mga ito sa sarili nating buhay o sitwasyon. Ang pag-ugnay sa mga banal na kasulatan ay maaaring maging mas personal, na nagtutulot sa mga salita na mangusap nang tuwiran sa atin. Maaari mong idispley ang mga sumusunod na paraan para maiugnay ang mga banal na kasulatan:
-
Ikumpara ang mga katangian at pangyayari sa sarili mong mga karanasan sa buhay. Maaari mong itanong sa iyong sarili ang tulad nito: Anong mga sitwasyon sa buhay ko ang katulad ng sitwasyong inilarawan sa scripture passage na ito? Mayroon bang isang bagay sa mga talatang ito na makatutulong sa aking mga tanong, pangangailangan, hamon, o alalahanin?
-
Ihalili ang sarili mong pangalan sa isang tao na binanggit sa mga banal na kasulatan o bago ang isang talata ng payo o kautusan. Maaari mong itanong sa iyong sarili: Paano tumutulong ang paglalagay ng pangalan ko para maging personal ang mensaheng itinuturo sa akin ng Panginoon sa talatang ito?
Ipakita
Maaari mong gamitin ang isa sa mga sumusunod na halimbawa o ang sarili mong halimbawa para maipakita ang kasanayang ito.
-
Basahin o ibuod ang salaysay sa Exodo 16:4–5, 19–22 tungkol sa Israel na nagtitipon ng manna sa ilang.
-
Nagbigay rin si Nephi ng makatutulong na huwaran sa pag-ugnay sa mga banal na kasulatan. Maaari kang magbigay ng ilang konteksto para sa 1 Nephi 4:1–3 at pagkatapos ay basahin ito kasama ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano inihambing ni Nephi ang kuwento mula sa mga banal na kasulatan sa mga kalagayan nila ng kanyang mga kapatid. Ipaliwanag na ginamit ni Nephi ang paghahambing na ito para tulungan ang kanyang mga kapatid na magkaroon ng pananampalataya sa kapangyarihang magligtas ng Panginoon.
Magpraktis
Pumili ng isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito, o pumili mula sa mga passage na nakalista sa ibaba. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang passage at magpraktis na iugnay ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili. Maaaring ibahagi ng mga estudyante nang magkakapartner o sa maliliit na grupo ang natuklasan nila sa pamamagitan ng pag-ugnay ng mga katangian, pangyayari, at turo sa kanilang sariling buhay.
Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:
-
Daniel 3:12–18. Sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay tumangging sumamba sa isang ginintuang larawan.
-
Mateo 14:25–32. Iniligtas ni Jesus si Pedro nang magsimula itong lumubog sa tubig.
-
Enos 1:2–8. Nadama ni Enos ang bigat ng kanyang mga kasalanan at humingi ng kapatawaran.
-
Doktrina at mga Tipan 25:10, 13, 15. Inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban para kay Emma Smith.
-
Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–11, 13–14. Naghanap ng katotohanan si Joseph Smith.
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Hikayatin ang mga estudyante na magpraktis na iugnay ang mga banal na kasulatan sa kanilang buhay. Tandaan na mag-follow up at bigyan sila ng oras na ibahagi ang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng kasanayang ito. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang pag-ugnay sa mga banal na kasulatan para maunawaan nang mabuti ang mga banal na kasulatan. Humanap ng mga pagkakataon na patuloy na magamit ang kasanayang ito sa klase.