Pagtuturo at Pagkatuto
Pagsusulat ng Makabuluhang mga Tala


“Pagsusulat ng Makabuluhang mga Tala,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)

Pagsusulat ng Makabuluhang mga Tala

Ipaliwanag

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar, na nagsabing:

Elder David A. Bednar

Ang pagsusulat ng ating natututuhan, naiisip, nadarama sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay isa pang uri ng pagninilay-nilay at isang malakas na paanyaya upang patuloy na magturo ang Espiritu Santo. (David A. Bednar, “Because We Have Them before Our Eyes,” New Era, Abr. 2006, 6; tingnan din sa Moises 6:5)

Ipaliwanag na ang pagsusulat ng makabuluhang mga tala ay maaaring kabilangan ng pagsulat ng mga personal na ideya, impresyon, patotoo, tanong, katotohanan, at paraan para maipamuhay ang mga turo ng ebanghelyo. Maaari tayong magsulat ng mga tala sa isang papel o sa isang digital notebook. Maaari din nating isulat ang mga ito sa margin ng aklat ng mga banal na kasulatan o magdagdag ng mga tala sa mga digital scripture (tingnan ang training sa kasanayan na “Pagdaragdag ng mga Tala sa mga Banal na Kasulatan”). Ang pagsusulat ng makabuluhang mga tala ay makatutulong sa atin na magtuon sa ating pag-aaral. Mapapanatili nito ang natutuhan natin at matutulungan tayo na maalala ang mga ito, at maaari itong humantong sa karagdagang paghahayag.

Ipakita

Isiping ibahagi ang mga tala na ginawa mo habang naghahanda kang magturo sa linggong ito. O maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga tala na ginawa nila sa isang notebook o sa kanilang banal na kasulatan. Anyayahan sila na ibahagi kung paano napag-ibayo ng pagtatala ang kanilang pag-aaral ng ebanghelyo.

Maaari mong ipakita sandali kung paano gamitin ang Notebooks feature sa Gospel Library. O maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumagamit ng feature na iyon na ipakita sa maliliit na grupo kung paano mag-access ng mga notebook at gumawa ng bagong notebook.

Paalala: Maaari kang makakita ng karagdagang resources at mga tip sa bahaging “Tulong” ng Gospel Library app, kabilang ang “Gospel Library User Guide (iOS)” at “Gospel Library User Guide (Android).”

Magpraktis

Bigyan ang mga estudyante ng oras na pag-aralan ang isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito o mula sa listahan ng mga karagdagang scripture passage na iminumungkahi sa ibaba. Hikayatin ang mga estudyante na:

  • Huminto paminsan-minsan.

  • Manalangin na tulungan sila ng Espiritu na maunawaan ang mga banal na kasulatan at maipamuhay ang mga katotohanang natutuhan nila.

  • Itala ang mga bagay na natutuhan, naisip, at nadama nila (sa isang papel na journal o notebook, kanilang mga banal na kasulatan, o Gospel Library).

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng kanilang karanasan.

Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:

  • Mga Awit 146:1–2, 5–8. Maaaring itala ng mga estudyante ang mga dahilan kung bakit kailangan nilang papurihan ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Maaari din nilang itala ang mga personal na papuri (o pasasalamat nila) sa Kanila.

  • Lucas 22:39–44 at Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Maaaring itala ng mga estudyante ang kanilang mga naiisip at nadarama tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

  • 1 Nephi 2:18–20. Maaaring itala ng mga estudyante kung paano nila naranasan o ng mga taong kilala nila ang magiliw na awa ng Panginoon.

  • Doktrina at mga Tipan 50:17–22. Maaaring itala ng mga estudyante ang ibig sabihin sa kanila ng matuto sa pamamagitan ng Espiritu. Maaari din nilang itala ang mga paraan na maaanyayahan nila ang Espiritu na ituro sa kanila ang katotohanan.

Mag-anyaya at Mag-Follow Up

Hikayatin ang mga estudyante na magsulat ng makabuluhang mga tala habang pinag-aaralan nila ang ebanghelyo. Tandaan na mag-follow up at bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa pagtatala sa susunod na pagkikita ninyo. Maghanap ng mga paraan para maanyayahan ang mga estudyante na itala ang kanilang natutuhan, naisip, at nadama habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan sa klase.