Pagtuturo at Pagkatuto
Pagtukoy sa Antecedent


“Pagtukoy sa Antecedent,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)

Pagtukoy sa Antecedent

Ipaliwanag

Ipaliwanag na kapag binabasa natin ang mga banal na kasulatan, nakakakita tayo ng maraming panghalip, tulad ng ako, siya, ito, sila, at marami pang iba. Ang salitang tinutukoy ng isang panghalip ay tinatawag na antecedent. Ang tamang pagtukoy sa mga antecedent ay mahalaga sa pag-unawa sa maraming passage ng banal na kasulatan. Kapag nag-aaral ng mga banal na kasulatan:

  • Tukuyin ang mga panghalip na maaaring kailanganing linawin.

  • Suriin ang mga naunang talata upang mahanap ang antecedent.

  • Saliksikin ang mga kabanata o section heading kung kinakailangan para sa mga clue.

Ipakita

Para maipakita ang kasanayang ito, maaari mong gamitin ang sumusunod na halimbawa o gamitin ang sarili mong halimbawa.

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang 2 Nephi 3, at ipaliwanag na ang kabanatang ito ay maaaring magdulot ng pagkalito kapag hindi nauunawaan kung sino ang tinutukoy. Ipakita ang mga sumusunod na parirala mula sa 2 Nephi 3, na binibigyang-diin ang mga panghalip na kailangang linawin:

“At ngayon, ako ay nangungusap sa iyo, Jose, aking bunso” (talata 1).

“Isang piling tagakita ang ibabangon ko mula sa bunga ng iyong balakang” (talata 7).

Para malaman kung sino ang “ako” na tinutukoy sa talata 1, kinakailangang balikan ang 2 Nephi 1:1, 6, 9 o 2 Nephi 2:17. Matapos basahin ang mga talatang ito, nakita natin na si Lehi ang nagsasalita.

Ipaliwanag na ang talata 4–6 sa 2 Nephi 3 ay tumutulong din sa atin na mas maunawaan ang mga panghalip sa talata 7. Binanggit ni Lehi ang isang propesiya na itinala ni Jose ng Egipto kung saan nangungusap ang Panginoon kay Jose. Ang kaalamang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang “ko” sa talata 7 ay tumutukoy sa Panginoon at ang “iyong” ay tumutukoy kay Jose ng Egipto. Sinasabi ng Panginoon kay Jose ng Egipto na ibabangon Niya balang-araw ang isa sa mga inapo ni Jose na magiging dakilang propeta at tagakita. Ang footnote para sa “tagakita” ay tumutukoy kay Joseph Smith bilang ang “piling tagakita” na iyon ng Panginoon.

Magpraktis

Pumili ng isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito, o pumili ng isa mula sa mga passage na nakalista sa ibaba. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang passage at maghanap ng mga panghalip na kailangang matukoy ang mga antecedent para maunawaan. Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga panghalip at antecedent na nakita nila. Maaari din nilang ibahagi kung paano makatutulong sa atin ang pagtukoy sa mga antecedent upang mas maunawaan ang kahulugan ng scripture passage.

Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:

  • Mga Kawikaan 3:15 (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong: Ano ang antecedent ng “siya” at “kanya”? Tingnan sa talata 13. Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang salitang karunungan ay inilalarawan bilang babae at ang tinutukoy ng “siya” at “kanya” sa talata 15.)

  • Juan 1:6–12 (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong: Ano ang mga antecedent ng “niya” at “kanya” sa passage na ito? Tingnan sa talata 6–7, 10. Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang “Ilaw” sa talata 7–9 ay tumutukoy kay Jesucristo.)

  • Helaman 14:18 (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong: Ano ang tinutukoy ng “nito” sa pariralang “Oo, at isasakatuparan nito ang hinihingi ng pagsisisi”? Tingnan sa talata 17.)

  • Doktrina at mga Tipan 88:18–19 (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong: Ano ang tinutukoy ng “nito”? Tingnan sa talata 17.)

Mag-anyaya at Mag-Follow Up

Hikayatin ang mga estudyante na magpraktis sa pagtukoy ng mga antecedent sa mga banal na kasulatan sa kanilang personal na pag-aaral. Mag-follow up at maglaan ng oras sa susunod na mga klase para maibahagi ng mga estudyante ang natuklasan nila sa paggamit ng kasanayang ito. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakatutulong ang kasanayang ito para mas maunawaan nila ang mga banal na kasulatan. Patuloy na gamitin ang kasanayang ito sa klase.