“Paghahanap ng mga Koneksyon sa mga Banal na Kasulatan,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Paghahanap ng mga Koneksyon sa mga Banal na Kasulatan
Ipaliwanag
Ibahagi ang sumusunod na paliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang koneksyon ay pagkakaugnay ng mga ideya, tao, bagay, o pangyayari, at ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga koneksyon. (David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007], 3, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
Ipaliwanag na kapag natukoy natin ang mga koneksyon, magkakaroon tayo ng dagdag na kaalaman sa pamamagitan ng pagpansin sa mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga ideya, tao, bagay, o pangyayari. (Paalala: Makatutulong na iugnay ang training na ito sa “Paghahanap ng mga Huwaran sa mga Banal na Kasulatan.”)
Ipakita
Gamitin ang sumusunod na halimbawa o ang sarili mong halimbawa para maipakita ang kasanayang ito:
Ipakita ang sumusunod na passage, at bigyang-diin ang koneksyon ng pagkakaroon ng malilinis na kamay at dalisay na puso. (Paalala: Ang pagkakahilig ng mga salita ay idinagdag sa teksto sa ibaba para mabigyang-diin ang koneksyon.)
Mga Awit 24:3–4
“Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon? at sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
“Siyang may malilinis na kamay, at may pusong dalisay; na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo, at hindi sumusumpa na may panlilinlang.”
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang koneksyon ng pagkakaroon ng malilinis na kamay at dalisay na puso:
Posible para sa atin ang magkaroon ng malilinis na kamay ngunit hindi dalisay na puso. Mangyaring pansinin na kapwa malilinis na kamay at dalisay na puso ang kailangan para makaahon sa bundok ng Panginoon at makatayo sa Kanyang dakong banal.
Hayaan ninyong imungkahi ko na nalilinis ang mga kamay sa paghuhubad ng likas na tao at pagdaig sa kasalanan at masasamang impluwensiya sa buhay natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang mga puso ay napapadalisay kapag tinatanggap natin ang Kanyang nakapagpapatibay na kapangyarihang naghihikayat sa ating gumawa ng mabuti at maging mas mabuti. (David A. Bednar, “Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Liahona, Nob. 2007, 82)
Magpraktis
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng koneksyon habang pinag-aaralan nila ang isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito. O maaari mong piliin ang isa sa mga sumusunod na passage sa ibaba para pag-aralan nila. Pagkatapos ay maaaring itala ng mga estudyante ang isang kabatirang natamo nila sa pamamagitan ng pag-iisip tungkol sa isang koneksyon na nakita nila sa scripture passage. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi nang magkakapartner, sa maliliit na grupo, o sa klase ng mga koneksyon na nakita nila at mga natutuhan nila.
Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:
-
Moises 5:4–9; Juan 1:29; 1 Pedro 1:19 (Si Jesucristo at isang tupa)
-
Juan 5:19; 14:6 (Ang Ama at ang Anak)
-
Alma 42:9–10, 14–15 (Ang Pagkahulog at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo; katarungan at awa)
-
Moroni 7:40–44 (Pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao)
-
Doktrina at mga Tipan 130:18–21 (Katalinuhan at pagsunod)
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga koneksyon sa mga banal na kasulatan sa kanilang personal na pag-aaral. Sabihin sa kanila na pumasok sa susunod na klase na handang magbahagi ng anumang koneksyong nakita nila. Tandaan na mag-follow up at bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi ang natuklasan nila sa susunod na pagkikita ninyo. Maaari mong talakayin sa mga estudyante kung paano napag-ibayo ng paggamit ng kasanayang ito ang pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan.