“Paghahanap ng mga Sanhi-at-Bunga sa mga Banal na Kasulatan,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Paghahanap ng mga Sanhi-at-Bunga sa mga Banal na Kasulatan
Ipaliwanag
Maaari mong idispley ang mga salitang sanhi at bunga. Ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan makakakita tayo ng maraming sanhi-at-bunga. Ang sanhi ay maaaring anumang gawain o pangyayari na nagdudulot ng bunga—isang resulta o kahihinatnan. Ang paghahanap ng mga sanhi-at-bunga sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na matukoy ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang paghahanap ng mga sanhi-at-bunga ay makatutulong din sa atin na matukoy ang mga pangako, pagpapala, at babala ng Panginoon, at mga dahilan ng pagpaparusa Niya sa atin.
Ibahagi ang sumusunod na mga tip sa pagtukoy ng mga sanhi-at-bunga sa mga banal na kasulatan:
-
Tukuyin ang mga pagpili, pag-uugali, at gawa (mga sanhi) at ang mga resulta o epekto (mga bunga) na kasunod nito.
-
Hanapin ang mga salita at parirala na nagtuturo sa mga sanhi-at-bunga tulad ng yamang, sa gayon nakikita natin, dahil, kaya nga, at kung … kung gayon.
Ipakita
Gamitin ang isa sa mga sumusunod na halimbawa o ang sarili mong halimbawa para ipakita ang kasanayang ito.
-
Basahin ang Mateo 14:14 bilang klase. Tukuyin ang sanhi kung bakit pinagaling ng Tagapagligtas ang mga maysakit:
“Nakita [ni Jesus] ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila” (sanhi), “at pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila” (bunga).
Ang pagtukoy sa sanhi-at-bungang ito ay makatutulong sa atin na maunawaan na pinagpapala tayo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan dahil nahahabag Siya sa atin.
-
Basahin ang 2 Nephi 1:9 bilang klase. Maaari mong ituro ang salitang yamang at ipaliwanag na ang salitang ito ay maaaring magpahiwatig ng sanhi-at-bunga. Pagkatapos ay tukuyin ang mga kilos o ginawa (mga sanhi) na magreresulta sa pagtanggap ng mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon (mga bunga):
“Yamang ang yaong mga ilalabas ng Panginoong Diyos sa lupain ng Jerusalem ay sumusunod sa kanyang mga kautusan” (sanhi), “sila ay uunlad … [at] pagpapalain sa ibabaw ng lupaing ito” (bunga).
Ang pagtukoy sa sanhi-at-bunga na ito ay makatutulong sa atin na makita na kapag sinunod natin ang mga kautusan ng Panginoon, tayo ay Kanyang pauunlarin at pagpapalain.
Magpraktis
Pumili ng isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito, o pumili mula sa mga passage sa ibaba. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang passage, at maghanap ng mga sanhi-at-bunga. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga sumusunod nang magkakapartner o sa maliliit na grupo: (1) isang sanhi-at-bunga na natuklasan nila at (2) anong kaalaman ang natamo nila o anong alituntunin ang natutuhan nila mula rito.
Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:
-
Isaias 58:13–14
-
Lucas 5:18–25
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Hikayatin ang mga estudyante na magpraktis na hanapin ang mga sanhi-at-bunga sa mga banal na kasulatan sa kanilang personal na pag-aaral. Tandaan na mag-follow up at bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi ang natuklasan nila at kung paano nakatulong ang kasanayang ito para mas maunawaan nila ang mga banal na kasulatan. Humanap ng mga pagkakataon na patuloy na magamit ang kasanayang ito sa klase.