“Pag-unawa sa Simbolismo sa mga Banal na Kasulatan,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Pag-unawa sa Simbolismo sa mga Banal na Kasulatan
Ipaliwanag
Ipaliwanag na madalas gumagamit ang Panginoon ng mga simbolo para ituro sa atin ang tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang ebanghelyo. Ang simbolo ay kumakatawan para sa ibang bagay; ito ay kadalasang isang materyal na bagay na kumakatawan sa isang bagay na abstract. Halimbawa, ang gabay na bakal sa panaginip ni Lehi ay kumakatawan sa salita ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 15:23–24). Kung minsan ay gumagamit ang Panginoon ng mga simbolo para makipag-ugnayan sa atin sa mas malalim na antas. Ang pagtukoy at pag-unawa sa simbolismo sa mga banal na kasulatan ay maaaring mangailangan ng panahon at pagsisikap, ngunit malaki ang kapakinabangan nito.
Maaari mong idispley at ibahagi ang sumusunod na mga tip para maunawaan ang simbolismo sa banal na kasulatan:
-
Tukuyin ang mga simbolo sa pamamagitan ng paghahanap ng mga paghahambing.
-
Maghanap ng mga clue tungkol sa kahulugan ng mga simbolo sa teksto ng mga banal na kasulatan at sa mga footnote, chapter heading, Gabay sa mga Banal na Kasulatan o iba pang source.
-
Pag-isipan ang simbolismo. Maaari mong itanong sa iyong sarili: Paano nagkatulad ang dalawang bagay na ito? O paano natutulad ang bagay, tao, o pangyayaring ito sa ?
Ipakita
Maaari mong ipakita ang kasanayang ito gamit ang sumusunod na halimbawa o ang sarili mong halimbawa:
-
Tukuyin ang mga simbolo sa pamamagitan ng paghahanap ng mga paghahambing. Basahin ang Mga Awit 23:1, at ipaliwanag na inihambing ni David ang Panginoon sa isang pastol.
-
Maghanap ng mga clue. Ituro ang mga pariralang “inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan” at “inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran” sa Mga Awit 23:2–3. Ipaliwanag kung paano makapagbibigay ng ideya ang mga pariralang ito sa paghahambing.
Hanapin ang “Pastol” at “Mabuting Pastol” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Magbahagi ng iba pang mga scripture passage na nagbibigay ng mga pahiwatig at clue tungkol sa simbolismong ito, tulad ng Juan 10:14–15 at 1 Nephi 22:25.
-
Pag-isipan ang simbolismo. Itanong sa iyong sarili: Ano ang nalalaman ko tungkol sa mga pastol at ano ang ginagawa nila para sa kanilang mga tupa? Paanong katulad ng pastol ang Tagapagligtas sa atin?
Ipaliwanag na tulad ng isang pastol, tayo ay minamahal, pinangangalagaan, pinoprotektahan, ginagabayan, at pinapalakas ni Cristo. Kilala Niya ang bawat isa sa atin. Kusa Niyang ibinigay ang Kanyang buhay para sa atin.
Magpraktis
Pumili ng isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito na kinapapalooban ng simbolismo. O maaari kang pumili mula sa mga halimbawang ibinigay sa ibaba. Bigyan ng oras ang mga estudyante na basahin ang passage at gamitin ang mga tip na matatagpuan sa bahaging “Ipaliwanag” para maunawaan ang simbolismo. Anyayahan ang mga estudyante, bilang isang klase o sa maliliit na grupo, na ibahagi ang mga simbolong nahanap nila at ang mga natutuhan nila habang inuunawa nila ang simbolismo.
Mga karagdagang passage para mapraktis ang kasanayang ito:
-
Levitico 1:3–9; Mga Bilang 21:6–9
-
Mateo 5:13; Juan 6:48–51
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng simbolismo sa mga banal na kasulatan upang mapagbuti ang kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Tandaan na magbigay ng oras sa pagkikita ninyong muli para maibahagi ng mga estudyante ang anumang simbolo na nahanap nila at kung paano nakatulong sa kanila ang pag-iisip tungkol sa kahulugan ng mga simbolong ito para mas maunawaan at maipamuhay ang mga banal na kasulatan. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakatutulong ang kasanayang ito para maging kawili-wili sa kanila ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Patuloy na gamitin ang kasanayang ito sa klase.