“Paghahanap ng mga Tema sa mga Banal na Kasulatan,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Paghahanap ng mga Tema sa mga Banal na Kasulatan
Ipaliwanag
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mga tema ay napakahalaga, paulit-ulit, at nagkakaisang mga katangian o ideya, tulad ng mahahalagang hibla na hinabi sa buong teksto. Karaniwan, ang mga tema sa banal na kasulatan ay mas malawak at mas komprehensibo kaysa sa mga huwaran o koneksyon. Sa katunayan, ang mga tema ay nagbibigay ng background at konteksto para maunawaan ang mga koneksyon at huwaran. Ang proseso ng paghahanap at pagtukoy sa mga tema sa banal na kasulatan ay umaakay sa atin sa mga pangunahing doktrina at alituntunin ng kaligtasan. (David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adults Peb. 4, 2007], 5, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
Paalala: Maaaring makatulong na kumpletuhin ang “Paghahanap ng mga Koneksyon sa mga Banal na Kasulatan” at “Paghahanap ng mga Huwaran sa mga Banal na Kasulatan” bago gawin ang training sa kasanayang ito.
Ipakita
Ipakita ang mga sumusunod na passage, o ibigay ang mga ito bilang handout. Sama-samang basahin ang mga passage, at alamin kung paano naging tema si Jesucristo sa Aklat ni Mormon. Kapag nauunawaan natin na ang pinakamahalagang tema ng Aklat ni Mormon ay palakasin ang ating pananampalataya kay Jesucristo, babasahin natin ang bawat pahina na hinahanap Siya. (Paalala: Ang pagkakahilig ng mga salita ay idinagdag upang bigyang-diin ang temang ito.)
Pahina ng Pamagat ng Aklat ni Mormon—Moroni
-
“[Ang Aklat ni Mormon ay para sa] ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, ipinakikilala ang kanyang sarili sa lahat ng bansa.”
1 Nephi 6:4—Nephi
-
“Sapagkat ang kaganapan ng aking hangarin ay mahikayat ko ang mga tao na lumapit sa Diyos ni Abraham, at sa Diyos ni Isaac, at sa Diyos ni Jacob, at maligtas.”
Omni 1:26—Amaleki
-
“At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nais kong lumapit kayo kay Cristo, na siyang Banal ng Israel, at makibahagi sa kanyang pagliligtas, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos. Oo, lumapit sa kanya, at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya, at magpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin, at magtiis hanggang wakas; at yamang buhay ang Panginoon, kayo ay maliligtas.”
Mosias 3:17—Haring Benjamin
-
“At bukod dito, sinasabi ko sa inyo, na walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging dahil sa at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan.”
Helaman 5:9—Nephi, anak ni Helaman
-
“O tandaan, tandaan, mga anak ko, ang mga salitang sinabi ni haring Benjamin sa kanyang mga tao; oo, tandaan na walang ibang daan ni paraan man na ang tao ay maliligtas, tanging sa pamamagitan lamang ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo, na siyang paparito; oo, tandaan na siya ay paparito upang tubusin ang sanlibutan.”
3 Nephi 11:10–11—Jesucristo
-
“Dinggin, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.
-
“At dinggin, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan; at ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan, na kung saan aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula.”
Moroni 10:32—Moroni
-
“Oo, lumapit kay Cristo, at maging sakdal sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, sa gayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya ay maging sakdal kayo kay Cristo; at kung sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay sakdal kayo kay Cristo, hindi ninyo maitatatwa ang kapangyarihan ng Diyos.”
Magpraktis
Pumili ng mga passage mula sa aklat ng banal na kasulatan na pinag-aaralan mo na nagbibigay-diin sa isang tema. O maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na grupo ng mga scripture passage. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga passage, at maghanap ng tema. Pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi ang temang natuklasan nila at ang kanilang mga naisip at pananaw tungkol sa temang iyon.
Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:
-
Tema 1: Ang pagtitipon ng Israel
-
Isaias 5:26; Jeremias 30:3; 1 Nephi 15:12–17; 19:16; 22:25; Doktrina at mga Tipan 29:7; 39:11; Moises 7:62
-
-
Tema 2: Ang Panginoon ay nangungusap sa pamamagitan ng mga propeta
-
1 Mga Hari 17:13–16; Amos 3:7; Lucas 1:67–72; 1 Nephi 22:1–2; Doktrina at mga Tipan 1:14, 38; 21:4–6
-
-
Tema 3: Pagsunod sa Panginoon
-
Deuteronomio 30:19–20; 1 Samuel 15:22; Mateo 7:21; Juan 7:17; 1 Nephi 3:7; 17:3; Mosias 2:41; Doktrina at mga Tipan 82:10; 130:21
-
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga tema sa mga banal na kasulatan sa kanilang personal na pag-aaral. Mag-follow up sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na ibahagi ang mga temang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari mong itanong sa kanila kung paano napag-ibayo ng paghahanap ng mga tema ang kanilang pag-aaral at pang-unawa sa mga banal na kasulatan. Maghanap ng mga pagkakataon sa klase na marebyu at patuloy na magamit ang kasanayang ito.