Pagtuturo at Pagkatuto
Paghahanap ng mga Paghahambing sa mga Banal na Kasulatan


“Paghahanap ng mga Paghahambing sa mga Banal na Kasulatan,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)

Paghahanap ng mga Paghahambing sa mga Banal na Kasulatan

Ipaliwanag

Ipaliwanag na ang paghahambing ay pagkukumpara ng mga pagkakaiba ng isang bagay o isang tao. Ang mga banal na kasulatan ay madalas maghambing ng mga ideya, pangyayari, at tao. Maaari tayong maghanap ng mga paghahambing sa isang talata, isang kabanata, o sa maraming iba’t ibang kabanata at aklat. Ang pag-iisip tungkol sa mga paghahambing na ito ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang mga turo sa banal na kasulatan at matuklasan ang mga alituntunin ng ebanghelyo para sa ating sariling buhay.

Ipakita

Para maipakita ang kasanayang ito, maaari mong gamitin ang isa sa mga sumusunod na halimbawa o ang sarili mong halimbawa. Maaari mo ring anyayahan ang isang estudyante na ipakita ang kasanayang ito. Kung gagawin mo ito, tiyaking abisuhan nang maaga ang estudyante at bigyan siya ng oras para maghanda.

Sama-samang basahin ang Moises 4:1–2 bilang klase, at paghambingin ang katangian ni Lucifer at ang katangian ng Tagapagligtas. Maaari mong bigyang-diin ang paulit-ulit na paggamit ni Lucifer ng salitang “ako” sa talata 1 at ang hangarin niyang mapasakanya ang karangalan at kaluwalhatian. Ihambing ito sa mapagpakumbaba at di-makasariling mga salita ng Tagapagligtas na “masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2).

Ang isa pang paraan para maipakita ang kasanayang ito ay paghambingin ang mga ginawa nina Laman, Lemuel, at Nephi. Isipin ang kanilang mga reaksyon nang iutos sa kanila ng Panginoon na lisanin ang kanilang tahanan sa Jerusalem at magtungo sa ilang (tingnan sa 1 Nephi 2:1–4). Ihambing ang pag-uugali at mga ginawa nina Laman at Lemuel sa 1 Nephi 2:11–13 sa pag-uugali at mga ginawa ni Nephi sa 1 Nephi 2:16. O sa halip na basahin ang mga talata, maaari mong ipanood ang video na “Nanalangin si Nephi para kina Laman at Lemuel—1 Nephi 2:8–24” mula sa time code na 0:00 hanggang 2:52. Maaari mong ibahagi ang natutuhan mo mula sa paghahambing ng mga pag-uugali at mga ginawa nina Laman at Lemuel sa mga pag-uugali at mga ginawa ni Nephi.

6:2

Magpraktis

Pumili ng isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito, o pumili mula sa mga passage na nakalista sa ibaba. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang passage at magpraktis sa paghahanap ng mga paghahambing ng mga ideya, pangyayari, at tao. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang paghahambing na natuklasan nila at kung ano ang natutuhan nila mula rito.

Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:

  • Ezekiel 34:2–6, 10–16. Ihambing ang mga pastol (mga pinuno) ng Israel kay Jesucristo bilang Pastol ng Kanyang mga tao.

  • Lucas 18:9–14. Ihambing ang mga panalangin at pag-uugali ng Fariseo at ng maniningil ng buwis.

  • Alma 36:12–14, 18–21. Ihambing ang nadama ni Alma bago at matapos siyang magsumamo sa pangalan ng Panginoon at magsisi ng kanyang mga kasalanan.

  • Doktrina at mga Tipan 76:50–54, 71–74, 79, 81–85, 101. Ihambing ang mga tugon sa ebanghelyo at patotoo tungkol kay Jesucristo ng mga taong magmamana ng kahariang selestiyal (tingnan sa talata 50–54), terestriyal (tingnan sa talata 71–74, 79), at telestiyal (tingnan sa talata 81–85, 101).

Mag-anyaya at Mag-Follow Up

Hikayatin ang mga estudyante na magpraktis sa paghahanap ng mga pagkukumpara at paghahambing sa mga banal na kasulatan sa kanilang personal na pag-aaral. Mag-follow up at maglaan ng oras sa susunod na mga klase para maibahagi ng mga estudyante ang natuklasan nila sa paggamit ng kasanayang ito. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakatutulong ang kasanayang ito para mas maunawaan nila ang mga banal na kasulatan. Patuloy na gamitin ang kasanayang ito sa klase.