“Paghahanap ng mga Huwaran sa mga Banal na Kasulatan,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Paghahanap ng mga Huwaran sa mga Banal na Kasulatan
Ipaliwanag
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang huwaran ay isang plano o modelo na magagamit bilang gabay sa paulit-ulit na paggawa o pagsasakatuparan ng isang bagay. (David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007], 4, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Huwaran,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org)
Ipaliwanag na madalas tayong makatuklas ng mga huwaran sa banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa paulit-ulit na mga salita, parirala, o ideya. Sa pagtukoy at pagsasabuhay ng mga huwaran, mas mauunawaan natin kung paano kumikilos ang Panginoon at kung paano Siya susundin.
Paalala: Maaaring makatulong na talakayin ang kasanayang ito kasama ang kasanayang “Paghahanap ng mga Koneksyon sa mga Banal na Kasulatan.”
Ipakita
Ipakita ang mga sumusunod na passage, at ituro ang mga salitang nakahilig upang maipakita ang isang huwaran kung paano sinagot ng Panginoon ang mga tanong ng isang grupo ng mga missionary tungkol sa mga detalye ng kanilang paglalakbay. Maaari mo ring ibahagi ang kaalaman sa ibaba mula kay Elder Bednar upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano makatutulong sa atin ang mga huwaran sa pagtukoy ng mahahalagang katotohanan sa banal na kasulatan.
(Paalala: Ang huwaran na ipinakita rito ay kumakatawan lamang sa isang paraan ng pagsagot ng Panginoon sa mga tanong tungkol sa mga detalye ng pagsusulong ng Kanyang gawain. Sa ibang mga pagkakataon, nagbigay Siya ng napakalinaw at partikular na tagubilin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 95:13–16; 136:10–18]).
-
“Subalit, katotohanan, ako’y mangungusap sa inyo hinggil sa inyong paglalakbay sa lupain kung saan kayo nanggaling. Gumawa ng sasakyang-dagat, o bumili, kung anuman ang inaakala ninyong makabubuti, hindi ito mahalaga sa akin, at kaagad kayong maglakbay sa lugar na tinatawag na St. Louis.”
-
“At hindi mahalaga sa akin, pagkaraan ng maikling panahon, kung mangyayari na nagampanan nila ang kanilang misyon, kahit na naglakbay sila sa pamamagitan ng tubig o sa pamamagitan ng lupa; ito ay ipaaalam sa kanila alinsunod sa kanilang pagpapasiya pagkaraan nito.”
-
“At pagkatapos ay makababalik na kayo upang magpatotoo, oo, maging magkakasama, o dala-dalawa, kung inaakala ninyong mabuti, hindi ito mahalaga sa akin; maging matapat lamang, at ipahayag ang mabubuting balita sa mga naninirahan sa lupa, o sa mga kongregasyon ng masasama.”
-
“At ang lahat ng salapi na maaaring matira, hindi mahalaga sa akin kung ito man ay kakaunti o marami, ay ipadala sa lupain ng Sion, sa kanila na aking itinalagang tumanggap.”
Ibinahagi ni Elder Bednar ang sumusunod na kaalaman tungkol sa huwarang ito sa Doktrina at mga Tipan 60–63:
Ang pahayag ng Panginoon na ang gayong mga bagay ay “hindi mahalaga sa akin” ay maaaring nakagugulat sa una. Malinaw na hindi sinasabi ng Tagapagligtas sa mga missionary na ito na wala Siyang malasakit sa ginagawa nila. Sa halip, binibigyang-diin Niya ang kahalagahan ng pag-una sa mga bagay na dapat unahin at pagtutuon sa mga bagay na tama. … Kailangan nilang manampalataya, magpasiya nang matwid, [at] kumilos alinsunod sa patnubay ng Espiritu. … Ang mahalaga ay ang gawaing iniatas sa kanila na isagawa; ang paraan kung paano sila nakarating roon ay mahalaga ngunit hindi kailangan. (David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007], 4, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
Magpraktis
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin sa linggong ito, at maghanap ng mga huwaran. O maaari kang pumili mula sa mga sumusunod na passage. Maaaring isulat ng mga estudyante ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pag-iisip ng tungkol sa isang huwarang natuklasan nila sa mga banal na kasulatan. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isang huwaran na nahanap nila at ang natutuhan nila.
Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:
-
2 Mga Hari 2:1–6 (Ang inulit na parirala na “Hindi kita iiwan” ay nagbibigay ng isang huwaran para sa pagsunod sa mga propeta ng Panginoon.)
-
Mateo 4:4, 7, 10 (Ang paulit-ulit na pagtukoy ng Tagapagligtas sa banal na kasulatan gamit ang pariralang “Sapagkat nasusulat” ay nagbibigay ng isang huwaran para mapaglabanan ang tukso sa pamamagitan ng pag-asa sa mga banal na kasulatan.)
-
Alma 32:27–43 (Nagbigay si Alma ng huwaran para sa pagpapalago ng pananampalataya.)
-
Doktrina at mga Tipan 50:13–29 (Ang Panginoon ay nagbigay ng huwaran para hindi malinlang.)
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga huwaran sa mga banal na kasulatan sa kanilang personal na pag-aaral. Sabihin sa kanila na pumasok sa klase sa susunod na handang magbahagi ng mga huwarang nahanap nila sa banal na kasulatan. Tandaan na mag-follow up at bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi ang natuklasan nila sa susunod na pagkikita ninyo. Maaari mong talakayin sa kanila kung paano napag-ibayo ng paggamit ng kasanayang ito ang pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan. Maghanap ng mga pagkakataon sa klase na marebyu at patuloy na magamit ang kasanayang ito.