Seminaries and Institutes
Lesson 24: Siya ay Buhay!


24

Siya ay Buhay!

Pambungad

Hinggil sa Tagapagligtas na si Jesucristo, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith: “At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!” (D at T 76:22). Ang layunin ng lesson na ito ay matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Tagapagligtas ay buhay ngayon, na Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama, at sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya tayo ay magiging “mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (D at T 76:24; tingnan din sa Mga Taga Galacia 3:26).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 25:1; 76:19–24; 110:1–4

Si Jesucristo ay buhay ngayon

Basahin nang malakas ang sumusunod na karanasan ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901), na ikinuwento ng kanyang apong si Alice Pond:

Larawan
Pangulong Lorenzo Snow

“‘Sa maluwang na pasilyo patungo sa silid-selestiyal, nauuna ako ng ilang hakbang kay lolo nang patigilin niya ako at sinabing: “Sandali, Allie, may sasabihin ako sa iyo. Dito mismo nagpakita sa akin ang Panginoong Jesucristo noong mamatay si Pangulong Woodruff. Pinagbilinan Niya ako na muling iorganisa kaagad ang Unang Panguluhan ng Simbahan at huwag nang maghintay pa tulad ng ginagawa noon pagkamatay ng dating mga pangulo, at na ako ang papalit kay Pangulong Woodruff.”

“‘Pagkatapos ay lumapit nang isang hakbang ang lolo ko at iniunat ang kanyang kaliwang kamay at sinabi: “Dito Siya mismo nakatayo, mga tatlong talampakan ang taas mula sa sahig. Mukhang nakatayo Siya sa isang tuntungang yari sa solidong ginto.”

“‘Sinabi sa akin ni Lolo kung gaano kaluwalhating personahe ang Tagapagligtas at inilarawan ang Kanyang mga kamay, paa, mukha at maganda at puting kasuotan, na lahat ay napakaputi at napakakinang ng kaluwalhatian na hindi niya Siya halos matingnan.

“‘Pagkatapos ay lumapit ng isa pang hakbang [si Lolo] at inilagay ang kanyang kanang kamay sa ulo ko at sinabi: “Ngayon, apo, gusto kong alalahanin mo na ito ang patotoo ng lolo mo, na sinabi niya sa iyo mula mismo sa sarili niyang mga labi na talagang nakita niya ang Tagapagligtas, dito sa Templo, at nakipag-usap sa Kanya nang harapan”’ [Alice Pond, sa LeRoi C. Snow, “An Experience of My Father’s,” Improvement Era, Set. 1933, 677]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow [2012], 270).

  • Ano ang naisip ninyo habang nakikinig kayo sa kuwentong ito?

Sabihin sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng dalawang tala tungkol sa pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga kalalakihan sa mga huling araw: ang Kanyang pagpapakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay sa Hiram, Ohio (tingnan sa D at T 76), at ang isa naman ay ang Kanyang pagpapakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay sa Kirtland Temple (tingnan sa D at T 110). Isulat sa pisara ang sumusunod na tatlong tanong:

Ano ang nakita nila? Ano ang narinig nila? Ano ang nalaman nila?

Sabihin sa klase na hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito sa mga banal na kasulatan. Ipabasa sa kalahati ng klase ang Doktrina at mga Tipan 76:19–24 at ipabasa sa natitirang kalahati ng klase ang Doktrina at mga Tipan 110:1–4. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa klase na ibahagi ang nalaman nila. Isulat ang mga nalaman nila sa pisara sa ilalim ng angkop na mga tanong. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol kay Jesucristo? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang doktrina, kabilang ang sumusunod: Si Jesucristo ay isang buhay at niluwalhating nilalang; ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo ay magkaiba ng katauhan; sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagtanggap sa Kanyang ebanghelyo, tayo ay magiging mga anak na lalaki at babae ng Diyos; at si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama.)

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa mga doktrinang ito sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Alin sa mga katotohanang ito ang pinakamahalaga sa inyo? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na ang nalalabing bahagi sa lesson ay magtutuon sa dalawa sa mga doktrinang matatagpuan sa mga scripture passage na nabasa nila: “Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama” at “Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagtanggap sa Kanyang ebanghelyo, tayo ay magiging mga anak na lalaki at babae ng Diyos.”

Doktrina at mga Tipan 29:5; 38:4; 45:3–5; Alma 33:3–11

Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama

Isulat sa pisara ang salitang tagapamagitan at itanong sa mga estudyante kung alam nila ang ibig sabihin nito. (Kung kailangan, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng tagapamagitan ay isang taong mangungusap para tulungan ang ibang tao o magsusumamo para sa kapakanan ng ibang tao.) Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 110:4. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano naglilingkod ang Tagapagligtas bilang tagapamagitan? (Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga iniisip, maghanap ng mga pagkakataong magpatotoo na si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama.)

Ipakita ang mga sumusunod na tanong, o isulat ang mga ito sa pisara:

Ano ang mga katangian ni Jesucristo na nagpamarapat sa Kanya na maging Tagapamagitan natin?

Ano ang nais ni Jesus na pansinin ng Ama habang sumasamo Siya para sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner at magtulungan na mahanap ang mga sagot sa mga tanong na ito sa Mga Hebreo 4:15; Doktrina at mga Tipan 29:5; 38:4; at 45:3–5. Matapos mabasa ng mga estudyante ang mga scripture passage at natalakay ang mga tanong sa pisara, tawagin ang ilang estudyante na boluntaryong sasagutin ang mga ito.

Kapag ipinaliwanag ng mga estudyante ang natutuhan nila, tiyakin na nauunawaan nila ang sumusunod: Si Jesucristo ang karapat-dapat na magsumamo sa Ama para sa atin dahil Siya ay ganap na matwid at dahil diyan matutugunan Niya ang mga hinihingi ng katarungan para sa ating mga kasalanan. Siya ay kwalipikadong magsumamo para sa atin dahil sa Kanyang kabutihan, Kanyang perpektong buhay, at Kanyang dugo, na itinigis Niya para sa atin. Dahil nagkasala tayo hindi tayo maaaring magsumamo para sa ating sarili (tingnan sa Alma 22:14).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:3–5 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Ipaliwanag na ang gawain at kaluwalhatian ng Ama sa Langit ay ang kadakilaan ng Kanyang mga anak. Dahil dito, kapag namagitan si Jesus para sa mga naniniwala sa Kanya, tumutulong Siya na maisakatuparan ang gawain ng Ama habang nagbibigay rin ng kaluwalhatian sa Ama (tingnan din sa Mateo 10:32).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang gawain ni Jesucristo bilang ating Tagapamagitan, ipabasa sa kanila ang mga salita ni Zenos sa Alma 33:3–10. Sabihin sa kanila na tukuyin ang mga parirala na paulit-ulit na binanggit ni Zenos (iba’t ibang pagkakasabi ng “kayo ay maawain” at “dininig ninyo ang aking panalangin”). Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang nalaman ni Zenos tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng karanasan niya sa pagdarasal nang taimtim?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 33:11. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Sino ang sinabi ni Zenos na dahilan kung bakit naging lubos na maawain sa kanya ang Ama sa Langit?

  • Bakit iwinawaksi ng Diyos Ama ang Kanyang paghatol sa atin?

  • Paano nakatutulong ang turo ni Zenos sa inyo na mas maunawaan at mapahalagahan ang ginagampanan ng Tagapagligtas bilang Tagapamagitan sa sarili ninyong buhay?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Napakahalaga sa akin, na anumang oras at anumang sitwasyon ay makakalapit ako sa trono ng biyaya sa pamamagitan ng panalangin, na pakikinggan ng aking Ama sa Langit ang aking kahilingan, na ang aking Tagapamagitan, siya na walang ginawang kasalanan, na ang dugo ay natigis, ay isasamo ang aking kahilingan. (Tingnan sa D at T 45:3–5.)” (“I Know in Whom I Have Trusted,” Ensign, Mayo 1993, 83).

Sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag sa kanyang sariling salita ang alituntuning itinuro ni Elder Christofferson. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano makatutulong sa inyo sa oras ng kapighatian ang pagkakaroon ng sariling patotoo tungkol sa turong ito?

Mosias 5:5–15

Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagtanggap sa Kanyang ebanghelyo, tayo ay magiging mga anak na lalaki at babae ng Diyos

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:24, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa. Ituro ang mga salitang “sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya … [tayo] ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.”

Itanong sa mga estudyante:

  • Ano ang ibig sabihin ng maging “mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos”? (D at T 76:24; tingnan din sa D at T 25:1).

Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na bagama’t lahat tayo ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit, ang katagang “mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” ay tumutukoy sa mga “isinilang na muli.” Sabihin sa mga estudyante na nakasaad sa Aklat ni Mormon ang proseso ng pagiging isinilang na muli.

Ipakita ang sumusunod na chart o kopyahin ito sa pisara (huwag isama ang mga nakasulat sa panaklong):

Ano ang handang gawin ng mga tao ni Haring Benjamin?

Ano ang ibinunga ng kanilang mga ginawa?

(Makipagtipan na susundin ang lahat ng kautusan ng Diyos)

(Taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo)

(Manampalataya kay Cristo)

(Nabago ang kanilang mga puso)

(Isinilang sila kay Cristo)

(Si Cristo ay naging Ama nila sa tipan)

Ibuod nang maikli ang mensahe ni Haring Benjamin sa Mosias 2–4. Pagkatapos ay ipaliwanag na ang mga salita ni Haring Benjamin ay nagkaroon ng malaking epekto sa kanyang mga tao, at ang Espiritu ng Panginoon ay gumawa ng “malaking pagbabago” sa kanilang mga puso (tingnan sa Mosias 5:2). Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Mosias 5:2–8, 15 at alamin ang mga sagot sa mga tanong na nasa chart. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong:

  • Ayon sa nalaman ninyo tungkol sa mga tao ni Haring Benjamin, paano kayo nagiging mga anak na lalaki o anak na babae ni Cristo? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: “Kapag tinanggap natin si Jesucristo at nakipagtipan na susundin ang mga kautusan ng Diyos, tayo ay nagiging mga anak na lalaki at anak na babae ni Cristo.)

Kapag tinalakay ng mga estudyante ang mga talatang ito, maaaring kinakailangang tulungan sila na maunawaan ang doktrina na naging mga anak tayo ni Cristo. Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang Tagapagligtas ay naging ating Ama … dahil siya ang magbibigay sa atin ng buhay, buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagbabayad-salang ginawa niya para sa atin. …

Ipinaliwanag niya na, “Naging mga anak tayo, anak na lalaki at anak na babae ni Jesucristo, sa pamamagitan ng ating mga tipan ng pagsunod sa kanya” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo. [1954–56], 1:29).

  • Ayon sa Mosias 5:15, anong mga pagpapala ang matatanggap natin bilang mga anak na lalaki o anak na babae ni Jesucristo?

  • Ano ang mga naisip o nadama ninyo tungkol sa pagiging isang anak na lalaki o anak na babae ni Jesucristo?

Sa pagtapos mo ng lesson na ito, hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano pinagpala ang buhay nila dahil alam nilang buhay ang Tagapagligtas, na Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama, at tayo ay maaaring maging mga pinagtipanang anak na lalaki o anak na babae ni Cristo.

Mga Babasahin ng mga Estudyante