Seminaries and Institutes
Lesson 20: Ang Tagapagligtas ay Nagministeryo sa Kanyang ‘Iba Pang mga Tupa’


20

Ang Tagapagligtas ay Nagministeryo sa Kanyang “Iba Pang mga Tupa”

Pambungad

Tulad ng mababasa sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” ang Tagapagligtas ay “naglingkod … sa Kanyang ‘ibang mga tupa’ (Juan 10:16) sa sinaunang Amerika” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3; tingnan din sa 3 Nephi 11:1–17). Kapag pinag-aralan natin ang mga tala sa Aklat ni Mormon tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas, malalaman natin kung paano Siya nagministeryo sa Kanyang mga disipulo sa lahat ng bansa at nagnais na matulungan at mapangalagaan ang bawat isa sa kanila.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Ronald A. Rasband, “Bawat Isa,” Liahona, Ene. 2001, 29–30.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 10:14–16; 3 Nephi 15:16–21; 16:1–3

Itinuro ni Jesucristo sa mga Judio ang tungkol sa Kanyang “ibang mga tupa”

Larawan
mapa ng daigdig

Magpakita ng isang globe o mapa ng daigdig at ipatukoy sa isang estudyante kung saan isinakatuparan ni Jesucristo ang Kanyang ministeryo sa mga Judio (ang makabagong bansa ng Israel sa Gitnang Silangan). Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Juan 10 at mabilis na basahin ang ilan sa mga talata nito, at alamin ang itinuro ni Jesus tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang kaugnayan sa mga taong sumusunod sa Kanya. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. (Dapat maibahagi ng mga estudyante na Siya ang Mabuting Pastol, kilala Niya ang Kanyang mga tupa, nakikilala nila ang Kanyang tinig, tinitipon Niya sila sa Kanyang kawan, at iba pa). Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 10:14–16 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Itanong sa mga estudyante:

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang “ibang mga tupa”?

  • Sino ang “ibang mga tupa” na binanggit ni Jesus?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 15:16–21. Pagkatapos ay itanong:

  • Anong mahahalagang katotohanan ang inihayag ni Jesus sa mga Nephita tungkol sa Kanyang “ibang mga tupa”? (Ang isang katotohanan ay nang magsalita si Jesus sa mga Judio tungkol sa “ibang mga tupa,” tinutukoy Niya ang ibang mga tao na sumunod sa Kanya, kabilang na ang mga inapo ni Lehi na naninirahan sa lupain ng Amerika.)

  • Bakit hindi alam ng mga Judio sa Jerusalem ang tungkol sa Kanyang “ibang mga tupa”?

Ituro sa mapa ang mga lupain ng Amerika, at pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 16:1–3 at Mosias 27:30. Matapos ang sapat na oras, itanong:

  • Saan pa sinabi ng Tagapagligtas na ihahayag Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang mga tao?

  • Bakit mahalagang malaman na bibisitahin ng Tagapagligtas ang Kanyang “mga tupa” sa ibang mga bansa? (Malinaw na ipaliwanag na bagama’t dinalaw mismo ng Tagapagligtas ang ibang mga tao o bansa, kadalasang inihahayag ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapahiwatig ng Espiritu Santo. Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pamamagitan ng pagmiministeryo sa Kanyang mga tupa, tumutulong si Jesus na maisakatuparan ang tipan ng Kanyang Ama na tipunin silang pabalik sa Kanyang kinaroroonan.)

Magpatotoo na mahal tayong lahat ni Jesucristo at ipakikita Niya ang Kanyang sarili sa lahat ng yaong nabibilang sa Kanyang mga tupa. Hangad Niyang tipunin ang lahat ng anak ng Ama sa Langit, saanman sila naroon, pabalik sa kinaroroonan ng Ama.

3 Nephi 11:8–17

Si Jesucristo ay nagministeryo sa Kanyang mga tagasunod nang isa-isa

Basahin nang malakas ang 3 Nephi 11:8–17, at sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin o ilarawan sa isipan na kunwari ay naroon sila sa templo sa lupaing Masagana. Matapos mong magbasa, itanong sa mga estudyante kung ano ang pinakahinangaan nila tungkol sa mga salita at kilos ng Tagapagligtas sa mga talatang ito. Kung kinakailangan, itanong ang ilan o lahat ng mga sumusunod na tanong:

  • Ano sa palagay ninyo ang nais ni Jesucristo na malaman ng mga taong naroon sa templo noong araw na iyon tungkol sa Kanya? (Kabilang sa iba pang mga katotohanan, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Ang Tagapagligtas ay nagministeryo sa Kanyang mga tagasunod nang “isa-isa” [3 Nephi 11:15; tingnan din sa sa 3 Nephi 17:21].)

Sinasabing mayroong mga 2,500 katao roon (tingnan sa sa 3 Nephi 17:25), ano ang itinuturo sa atin ng paanyaya ng Tagapagligtas sa bawat tao na hipuin ang mga sugat sa Kanyang tagiliran, mga kamay, at paa tungkol sa Kanyang pagmamahal para sa bawat isa sa atin?

  • Paano naaangkop sa bawat isa sa atin ngayon ang paanyaya ni Jesucristo sa 3 Nephi 11:14?

  • Sa palagay ninyo, paano makakaapekto sa inyo ang makita at mahipo ang mga sugat ng Tagapagligtas?

Para sa halimbawa na nagpapakita ng pagmamalasakit ng Panginoon sa bawat isa sa atin, maaari mong ibahagi ang sumusunod na karanasan na ikinuwento ni Elder Ronald A. Rasband ng Panguluhan ng Pitumpu:

Larawan
Elder Ronald A. Rasband

“Sa mga huling buwan ng aming misyon … , nagkaroon kami ng karanasan na minsan pang nagturo sa malalim na alituntuning ito na ang bawat isa sa atin ay kilala at mahal ng Diyos.

“Paparating noon si Elder Neal A. Maxwell sa New York City para sa ilang gawain sa Simbahan at sinabihan kaming nais din niyang magkaroon ng kumperensya sa misyon. Tuwang-tuwa kami sa pagkakataong ito na makarinig mula sa isa sa mga piling lingkod ng Panginoon. Inatasan akong pumili ng isa sa aming misyonero na magbibigay ng pambungad na panalangin sa pulong. [Maaaring] basta ko na lamang [piliin] ang isa sa mga misyonero upang manalangin, ngunit nadama kong dapat kong pag-isipan at ipanalangin ang isa na nais ng Panginoon na hilingan ko ng panalangin. Sa pagtingin sa listahan ng mga misyonero, isang pangalan ang naging kapansin-pansin sa akin: Elder Joseph Appiah ng Accra, Ghana. Siya ang nadama kong nais ng Panginoon na magbigay ng panalangin sa pulong.

“Bago sumapit ang kumperensya ng misyon, nagtakda ako ng panayam kay Elder Appiah at sinabi sa kanya ang inspirasyong natanggap ko na siya ang mananalangin. Sa pagkagulat at kababaang-loob na nabanaag sa kanyang mga mata, nagsimula siyang umiyak. Sa pagkabigla sa kanyang reaksiyon, sinimulan kong sabihin sa kanya na ayos lang at hindi niya kailangang manalangin, nang sabihin niya sa akin na ikalulugod niyang manalangin, na ang kanyang damdamin ay sanhi ng pagmamahal niya kay Elder Maxwell. Sinabi niya sa akin na ang Apostol na ito’y lubhang espesyal sa mga Banal sa Ghana at sa kanyang sariling mag-anak. Si Elder Maxwell ang tumawag sa kanyang ama upang maging pangulo ng distrito sa Accra at siya ang nagbuklod sa kanyang ina at ama sa Templo sa Salt Lake.

“Wala akong alam sa naikuwento ko tungkol sa misyonerong ito ni tungkol sa kanyang mag-anak, ngunit batid ng Panginoon at binigyang-inspirasyon ang isang pangulo ng misyon [para sa] isang misyonero upang magbigay ng habambuhay na alaala at nakapagpapalakas na patotoo” (“Bawat Isa,” Liahona, Ene. 2001, 29–30).

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na basahing muli ang 3 Nephi 11:15–17. Pagkatapos ay itanong:

  • Kailan ninyo nadama na kilala kayo nang personal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

  • Ano ang ginawa ng mga tao na nasa templo pagkatapos makatanggap ng personal at indibiduwal na patotoo tungkol sa pagiging Diyos ng Tagapagligtas?

Itanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanila na gustong magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa pagmamahal na nadama nila mula sa Kanya. Magpatotoo na kahit hindi natin pisikal na nahawakan ang mga kamay at paa ng Tagapagligtas, nagmiministeryo pa rin Siya sa atin sa personal na paraan. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila mapapasalamatan ang Ama sa Langit at si Jesucristo para sa pagmamahal na personal nilang nadama mula sa Kanila.

3 Nephi 11–28

Ang Tagapagligtas ay nagministeryo sa mga Nephita

Upang matulungan ang mga estudyante na malaman ang iba pang mahahalagang aspeto ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita, bigyan sila ng ilang minuto na mabasa nang mabilis ang mga chapter heading para sa 3 Nephi 11–28. Sabihin sa klase na tukuyin at isulat ang mahahalagang aspeto ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita. Habang nagsasaliksik ang mga estudyante, maglibot sa loob ng klase at tingnan ang mga nakita nila. Kung nahihirapan silang mahanap ang mga sagot, hikayatin silang tingnan ang isa sa mga sumusunod na scripture passage (ang mga salitang nasa panaklong ay para lamang sa paggamit ng titser):

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nahanap nila sa pagsasaliksik nila sa banal na kasulatan. Habang ipinapaliwanag ng mga estudyante ang mga aspeto ng ministeryo ng Tagapagligtas na natukoy nila, maaari mong gamitin ang ilan o lahat ng mga sumusunod na tanong upang makatulong sa talakayan sa klase:

  • Ano ang maaaring epekto ng aspetong ito ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mga tao?

  • Bakit makatutulong na kilalanin at pag-aralan kung ano ang ginawa ni Jesucristo bilang lider o guro?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong at isulat ang mga naisip nila:

  • Isinasaalang-alang ang pinag-aralan natin ngayon, ano sa palagay ninyo ang ipagagawa sa inyo ng Ama sa Langit upang matularan ang halimbawa ni Jesucristo sa paglilingkod ninyo sa mga taong nakapalibot sa inyo, kabilang na ang mga estranghero, kapamilya, mga kaibigan, o yaong pinaglilingkuran ninyo sa tungkulin ninyo sa Simbahan?

Tapusin ang lesson na nagpapatotoo sa mga katotohanang naituro sa klase ngayon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante