Seminaries and Institutes
Lesson 26: Si Jesucristo ay Mamumuno Bilang Hari ng mga Hari at Hahatulan ang Sanlibutan


26

Si Jesucristo ay Mamumuno Bilang Hari ng mga Hari at Hahatulan ang Sanlibutan

Pambungad

Sa panahon ng Milenyo, si Jesucristo ay “mamamahala bilang Hari ng mga Hari at maghahari bilang Panginoon ng mga Panginoon, [at] ang bawat tuhod ay luluhod at ang bawat dila ay magpapahayag sa pagsamba sa Kanya. At bawat isa sa atin ay tatayo upang hatulan Niya ayon sa ating mga gawa at naisin ng ating mga puso” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3). Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan na hindi nila kinakailangang maghintay hanggang sa panahon ng Milenyo upang matamo ang ilan sa mga pagpapala nito.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Kabanata 45, “Ang Milenyo,” Mga Alituntunin ng Ebanghelyo [2009], 313–17.

  • Kabanata 46, “Ang Huling Paghuhukom,” Mga Alituntunin ng Ebanghelyo [2009], 319–24.

  • Kung mayroon: Chapter 37, “The Millennium and the Glorification of the Earth,” Doctrines of the Gospel Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2010), 104–6.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 65:1–6

Si Jesucristo ay maghahari sa mundo

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa isang papel ang mga bagay na palagi nilang ipinagdarasal. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila, kung komportable silang gawin ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 65. (Kung walang 2013 edition ng mga banal na kasulatan ang mga estudyante, ipaliwanag na ang bahaging ito ay isang paghahayag tungkol sa panalangin na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.) Ipaliwanag na sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon ang isang bagay na dapat nating ipagdasal, lalo na kapag nasaksihan natin ang katuparan ng mga pangyayaring ipinropesiya na magaganap sa mga huling araw.

Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 65:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang paglalarawan ng Panginoon tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:

  • Gaano kalayo lalaganap ang ebanghelyo ni Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hahayo hanggang sa mga dulo ng mundo. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

  • Ayon sa talata 2, ano ang batong tinibag mula sa bundok hindi ng mga kamay?

Matapos sumagot ang mga estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … ay ang kahariang itinatag ng Diyos ng langit na hindi kailanman mawawasak ni mapapalitan. … Sa unang bahagi ng ika-labingsiyam na siglo dumating ang araw … [na] itinatag ang Simbahan. Maliit ito, may anim na miyembro lamang, kumpara sa batong tinibag sa bundok, hindi ng mga kamay na puputol sa ibang mga bansa at lalaganap hanggang sa mapuno nito ang buong mundo. … Ngayon ang bato ay lumalaganap upang punuin ang mundo” (“The Stone Cut without Hands,” Ensign, Mayo 1976, 8, 9).

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maging bahagi ng kaharian ng Diyos sa lupa?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 65:3–4. Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang mga talata 5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Panginoon tungkol sa dapat nating ipagdasal. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat nating ipagdasal habang naghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito? (Kapag nasagot na ng mga estudyante ang tanong na ito, maaari mong sabihin sa kanila na ihambing ang talata 6 sa mga salita ng Panalangin ng Panginoon sa Mateo 6:10.)

  • Anong dalawang kaharian ang tinukoy sa talata 6? (Ang “kaharian ng Diyos” sa lupa [o ang Simbahan] at ang “kaharian ng langit.”)

  • Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng “kaharian ng Diyos” sa lupa? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na doktrina: Ang kaharian ng Diyos sa lupa, o ang Simbahan ni Jesucristo, ay lalaganap sa iba’t ibang dako ng buong mundo at ihahanda ang mga naninirahan sa lupa para sa paghahari sa Milenyo ni Jesucristo.)

(Paalala: Maaari mong bigyang-diin na sa panahon ng Milenyo, si Jesucristo ang mamamahala at mamumuno sa lipunan at sa simbahan sa buong mundo. [Kung mayroon, tingnan sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2001), 139–40.])

Kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara o ibigay ang mga ito bilang handout sa bawat estudyante (huwag isama ang nakasulat sa mga panaklong):

Larawan
handout, si Jesucristo at ang Milenyo

Si Jesucristo at ang Milenyo

Ano ang gagawin ni Cristo sa panahon ng Milenyo?

Isaias 9:6–7; 33:22; Apocalipsis 11:15; 1 Nephi 22:24

(Siya ang maghahari sa kaharian ng Diyos sa lupa. Siya ang magiging hukom at tagapagbigay ng batas at magliligtas sa atin.)

Saan naroon si Cristo sa panahon ng Milenyo?

Zefanias 3:15–17; Doktrina at mga Tipan 29:11; 45:59

(Siya ay maninirahan sa lupa sa gitna ng Kanyang mga tao.)

Paano maghahari si Cristo sa panahon ng Milenyo?

Apocalipsis 19:15; Doktrina at mga Tipan 38:21–22

(Si Cristo ay magiging hari at tagapagbigay ng batas.)

Ano ang magiging epekto ng paghahari ni Cristo?

Isaias 2:2–4; 1 Nephi 22:25–28; 2 Nephi 30:10–18

(Magkakaroon ng kapayapaan, pagkakaisa, at kabutihan sa mundo. Walang kapangyarihan si Satanas sa puso ng mga tao.)

(Paalala: Maaari mong ipaliwanag na ipapakita sa aktibidad na ito ang kahalagahan ng pag-aaral kung minsan ng mga banal na kasulatan ayon sa paksa. Kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan ayon sa paksa, maaari nating makita ang mga detalye—tulad ng mga pattern at tema—nang mas malinaw.)

Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-aapat na estudyante. Sabihin sa isang estudyante sa bawat grupo na pag-aralan ang mga scripture reference at sagutin ang tanong sa unang hanay ng chart. Sabihin sa isa pang estudyante sa grupo na gayon din ang gawin sa pangalawang hanay, at sa mga susunod pa. Sabihin sa mga estudyante na bigyang-pansin lalo na ang mga salita at parirala na tutulong para masagot ang mga tanong na naka-assign sa kanila. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang nalaman nila. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang nalaman nila sa iba pang mga kagrupo nila.

(Paalala: Kung mayroon nito sa paghahanda ng lesson, tingnan ang sumusunod na manwal para sa mga komentaryo sa 1 Nephi 22:26: Book of Mormon Student Manual [Church Educational System manual, 2009], 48.)

Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Mula sa tinalakay ninyo, ano ang pinakainaasam ninyo sa Milenyo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara: Ang Tagapagligtas ang maghahari sa lupa sa panahon ng Milenyo.)

  • Ano ang ilang paraan na matutulutan natin ang Tagapagligtas na maghari sa ating buhay ngayon?

  • Paano maaaring magbago ang ating buhay kung tutulutan natin si Cristo na maghari sa ating buhay?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Kapag iginapos si Satanas sa isang tahanan—kapag iginapos si Satanas sa buhay ng isang tao—nagsimula na ang Milenyo sa tahanang iyon, sa buhay na iyon” (The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball [1982], 172).

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang gagawin nila para maanyayahan ang Tagapagligtas na maghari sa kanilang buhay at pamilya.

Juan 5:22; Mateo 12:36–37; Apocalipsis 20:12–13; Mosias 4:30; Doktrina at mga Tipan 137:9

Si Jesucristo ang magiging hukom natin

Ipakita ang mga sumusunod na scripture reference, o isulat ang mga ito sa pisara:

Juan 5:22

Mateo 12:36–37

Apocalipsis 20:12–13

Mosias 4:30

Doktrina at mga Tipan 137:9

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang isasagot nila kung itinanong ng isang kaibigan ang mga sumusunod: “Sino ang magiging hukom natin sa Araw ng Paghuhukom?” at “Saan ibabatay ang paghatol sa atin?” Hayaang pag-aralan ng mga estudyante nang ilang minuto ang mga scripture passage na nakalista sa pisara at gumawa ng sagot sa tanong na ito. Pagkaraan ng ilang minuto, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang kanilang sagot sa katabi nila. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Ano ang nalaman ninyo tungkol sa Araw ng Paghuhukom? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ang hahatol sa atin.)

  • Saan ibabatay ng Tagapagligtas ang paghatol sa atin? (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod na doktrina: Hahatulan tayo ng Tagapagligtas batay sa ating mga salita, mga inisip, at mga hangarin ng ating puso.)

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Ang ating Guro ay nabuhay nang perpekto, walang-sala at dahil dito hindi na Niya dapat tugunin ang hinihingi ng katarungan. Siya ay perpekto sa lahat ng katangian, kabilang na ang pag-ibig, awa, tiyaga, pagsunod, pagpapatawad, at kababaang-loob. …

“Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng di-masayod na paghihirap at walang kapantay na pagdurusa, nakamtan ng Tagapagligtas ang karapatan na maging ating Manunubos, ating Tagapamagitan, ating Huling Hukom” (“Matitiyak ng Pagbabayad-sala ang Inyong Kapayapaan at Kaligayahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 42).

  • Paano nakaapekto sa nadarama ninyo tungkol sa Huling Paghuhukom ang nalaman ninyo na si Jesucristo ang “Huling Hukom”?

Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang sumusunod na tanong sa isang kard o kapirasong papel at ipaskil o ilagay ito sa lugar kung saan ito palaging makikita: Paano ko tutulutang maghari si Jesucristo sa buhay ko ngayon?

Mga Babasahin ng mga Estudyante

  • Mateo 25:31–46.

  • Kabanata 45, “Ang Milenyo,” Mga Alituntunin ng Ebanghelyo [2009], 313–17.

  • Kabanata 46, “Ang Huling Paghuhukom,” Mga Alituntunin ng Ebanghelyo [2009], 319–24.