Seminaries and Institutes
Lesson 11: Si Jesucristo ay Naglilibot na Gumagawa ng Mabuti


11

Si Jesucristo ay Naglilibot na Gumagawa ng Mabuti

Pambungad

Itinuturo sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” na “[si Jesus] ay ‘naglilibot na gumagawa ng mabuti’ (Mga Gawa 10:38), gayon pa man ay kinamuhian siya dahil dito” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating tularan ang Kanyang halimbawa sa paggawa ng kabutihan kahit may posibilidad na makaranas tayo ng pag-uusig. Sa lesson na ito, tatalakayin ng mga estudyante kung bakit dapat nating pakitaan ang mga taong nagmalupit sa atin dahil sa ating paniniwala ng gayon ding pagmamahal at paggalang na ipinakita ni Jesus sa Kanyang mga taga-usig. Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, tayo ay bibiyayaan ng tapang na maipamuhay at maipagtanggol ang ating pananampalataya at matutulungan natin ang iba na mas mapalapit sa Panginoon.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dallin H. Oaks, “Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 25–28.

  • Jeffrey R. Holland, “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 6–9.

  • Robert D. Hales, “Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 72–75.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 5:43–47; 9:9–13; 12:22–30; Marcos 3:1–6; 11:15–19; Juan 11:43–53

Si Jesucristo ay inusig dahil sa paggawa ng mabuti

Simulan ang klase sa pagtatanong sa mga estudyante ng sumusunod:

  • Kapag naiisip ninyo ang perpektong buhay ng Tagapagligtas, ano ang pinakatumimo sa inyo sa lahat ng kabutihang ginawa Niya sa buhay na ito?

Matapos sumagot ang mga estudyante, basahin (o ibahagi sa sarili mong mga salita) ang sumusunod na kuwento ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa dalawang sister missionary:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“May paghanga at panghihikayat sa lahat [na] kakailanganing maging matatag sa mga huling araw na ito, sinasabi ko sa lahat at lalo na sa mga kabataan ng Simbahan na kung hindi pa kayo natatawag, balang-araw ay kakailanganin ninyong ipagtanggol ang inyong pananampalataya o tiisin pa ang ilang harapang pang-aabuso dahil lamang sa miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga sandaling iyon ay mangangailangan kapwa ng tapang at paggalang ninyo.

“Halimbawa, isang sister missionary ang sumulat sa akin kamakailan: ‘Nakita namin ng kompanyon ko ang isang lalaki sa isang upuan sa liwasang-bayan na nanananghalian. Habang papalapit kami, tumingin siya at nakita niya ang aming missionary name tag. Bakas ang galit sa kanyang mukha, lumundag siya at umakmang sasampalin ako. Nakailag ako kaagad, pero idinura naman niya sa akin ang kinakain niya at pinagsalitaan kami ng masama. Lumakad kami palayo na walang kibo. Sinikap kong punasin ang pagkain sa mukha ko, nang bigla kong maramdaman ang tama ng isang tumpok ng mashed potato sa likod ng ulo ko. Kung minsan mahirap maging missionary dahil noon din ay gusto kong bumalik, pitserahan ang maliit na lalaking iyon, at sabihing, “ANO’NG SABI MO?” Pero hindi ko ginawa iyon’” (“Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 6).

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mateo 5:43–47, at alamin ang alituntuning itinuro ni Jesus sa Kanyang Sermon sa Bundok na sinunod ng mga sister missionary na ito. (Maaari mong imungkahi na, habang nagbabasa ang mga estudyante, gamitin nila ang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na paghalili ng pangalan para maging mas personal ang mensahe sa mga talatang ito. Upang mapraktis ang kasanayang ito, dapat ihalili nila ang kanilang sariling pangalan para sa mga salitang kayo at ikaw.)

  • Ano ang isang alituntunin na itinuro ni Jesus sa mga talatang ito? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung nais nating sundin ang mga turo ni Jesucristo, dapat nating matutuhang mahalin ang ating mga kaaway at maging mabait sa mga taong umuusig sa atin.)

  • Bakit mahirap ipamuhay ang alituntuning ito ng ebanghelyo?

Isulat ang sumusunod na pahayag sa pisara:

“[Si Jesus] ay ‘naglilibot na gumagawa ng mabuti’ (Mga Gawa 10:38), gayon pa man ay kinamuhian siya dahil dito” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2).

Ipaliwanag na bagama’t tinanggap ang Tagapagligtas ng maraming tao sa Galilea at Judea, at maraming nakakita sa Kanyang mabubuting gawa bilang patunay sa Kanyang pagiging Diyos, hinamak at inusig Siya ng iba dahil sa Kanyang mabubuting gawa.

Sa pisara, ilista ang mga sumusunod na scripture passage sa ilalim ng “si Jesus ay naglilibot na gumagawa ng mabuti”:

Mateo 9:9–13

Mateo 12:22–30

Marcos 3:1–6

Marcos 11:15–19

Juan 11:43–53

Hatiin sa maliliit na grupo ang klase, at bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga scripture passage na nakalista sa pisara para pag-aralan. Sabihin sa mga estudyante na tumukoy sa bawat talata ng mabuting ginawa ni Jesus at kung paano tumugon ang mga tao rito. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ipaliwanag na ang mga scripture passage na ito ay naghahayag ng huwaran sa buhay ng Panginoon at may matututuhan tayo rito. Itanong ang sumusunod:

  • Ano ang napansin ninyo tungkol sa paraan ng pagtugon ng Tagapagligtas sa pag-uusig na naranasan Niya?

Hikayatin ang mga estudyante na ilarawan sa kanilang isipan ang mga pangyayaring nakatala sa scripture passage na pinag-aralan nila. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano kaya ang maiisip o mararamdaman ninyo kung nakita ninyo si Jesus sa pangyayaring iyon?

  • Ano sa palagay ninyo ang nais ni Jesus na matutuhan ninyo sa Kanyang mga salita at kilos noong panahong iyon? (Ang sumusunod ay isang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante: Kapag sinisikap nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paggawa ng mabuti, kailangan nating tiisin kung minsan ang pag-uusig.)

Mateo 5:9–12, 21–24, 38–41; 6:14–15; 7:1–5, 12

Pagtugon sa pag-uusig

Sabihin sa mga estudyante na sa Kanyang Sermon sa Bundok, pinayuhan ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo kung ano ang gagawin kapag sila ay inusig. Kopyahin sa pisara ang sumusunod na parirala at mga scripture reference, at mag-assign sa bawat estudyante ng kahit isang scripture passage. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin sa scripture passage na binasa nila ang isang alituntunin na itinuro ni Jesus na gagabay sa kanilang pakikihalubilo sa iba.

Paano tumugon sa pag-uusig

Mateo 5:9–12

Mateo 5:21–24 (tingnan din sa 3 Nephi 12:22)

Mateo 5:38–41; 7:12

Mateo 6:14–15 (tingnan din sa D at T 64:9–10)

Mateo 7:1–5

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang mga alituntuning nahanap nila at kung paano magagamit ang mga ito sa pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao. (Kapag sumagot na ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Inaasahan ng Ama sa Langit na tutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo kapag tayo ay inusig dahil sa ating mga paniniwala.)

Ipakita ang mga sumusunod na pahayag ni Jeffrey R. Holland at Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Ipagtanggol ang inyong mga paniniwala nang may paggalang at habag, ngunit ipagtanggol pa rin ito” (Jeffrey R. Holland, “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 9).

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Ang mga tagasunod ni Cristo ay dapat maging halimbawa ng paggalang. Dapat nating mahalin ang lahat ng tao, pakinggan silang mabuti, at isaalang-alang ang tapat nilang pinaniniwalaan. Hindi man tayo sumasang-ayon, hindi rin tayo dapat nakikipagtalo. Ang pananaw at pagsasalita natin ukol sa mga kontrobersyal na paksa ay hindi dapat maging dahilan ng pagtatalo. Dapat nating ipaliwanag at panindigan ang ating pinaniniwalaan nang may katalinuhan at impluwensyahan sa kabutihan ang mga tao. …

“Kung hindi manaig ang ating pinaniniwalaan, tanggapin natin nang maluwag sa kalooban ang di magandang bunga nito at igalang pa rin ang mga sumasalungat sa atin” (Dallin H. Oaks, “Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 27).

Talakayin sa mga estudyante ang mga pagsubok at pagpapala ng pagsunod sa payo nina Elder Holland at Elder Oaks. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:9–12.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang mga ipinangako ni Jesus na maaaring maghikayat sa atin na mas tumugon ayon sa paraan Niya kapag inuusig tayo dahil sa ating mga paniniwala sa relihiyon?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila maipamumuhay ang isa o higit pang mga turo ng Tagapagligtas sa Sermon sa Bundok sa pakikipag-ugnayan nila sa mga tao sa kasalukuyan o paano sana nila ipinamuhay ito sa naranasan nila noon. Itanong kung may mga estudyanteng gustong magbahagi sa klase ng mga iniisip nila.

Bigyan ang bawat estudyante ng isang kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Robert D. Hales

“Mali ang iniisip ng ilang tao na ang mga sagot na tulad ng pananahimik, kababaang-loob, pagpapatawad, at mapagpakumbabang pagpapatotoo ay walang kuwenta o mahina. Ngunit, ang ‘mahalin [natin] ang [ating] mga kaaway, pagpalain [natin] sila na sumusumpa sa [atin], gawan [natin] ng mabuti sila na napopoot sa [atin], at ipanalangin sila na may masamang hangarin sa paggamit sa [atin] at umuusig sa [atin]’ (Mateo 5:44) ay kailangan ng pananampalataya, lakas, at higit sa lahat, ng katapangang Kristiyano. …

“Kapag hindi tayo gumanti—kapag [iniharap] natin ang kabilang pisngi at nilabanan ang galit—pumapanig din tayo sa Tagapagligtas. Ipinapakita natin ang Kanyang pagmamahal, na siyang tanging kapangyarihang daraig sa [kaaway] at sasagot sa mga nagpaparatang sa atin nang hindi sila ginagantihan ng pagpaparatang. Hindi iyan kahinaan. Iyan ang katapangang Kristiyano. …

“Sa pagtugon natin sa iba, bawat sitwasyon ay magiging kaiba. Sa kabutihang-palad, alam ng Panginoon ang nasa puso ng mga nagpaparatang sa atin at kung paano tayo epektibong makatutugon sa kanila. Kapag naghahangad ng patnubay ng Espiritu ang mga tunay na disipulo, tumatanggap sila ng inspirasyon na akma sa bawat sitwasyon. Sa bawat sitwasyon, ang mga tunay na disipulo ay tumutugon sa mga paraang mag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon. …

Bilang mga tunay na disipulo, ang una nating dapat isipin ay ang kapakanan ng iba, hindi ang patunayan na tayo ang tama. Ang mga tanong at pambabatikos ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong tulungan ang iba at ipakita na mahalaga sila sa ating Ama sa Langit at sa atin. Dapat ang layunin natin ay tulungan silang maunawaan ang katotohanan, hindi ipagtanggol ang ating sarili o manalo sa isang debate tungkol sa Diyos. Ang ating taos-pusong mga patotoo ang pinakamabisang sagot na maibibigay natin sa mga nagpaparatang sa atin” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 72, 73–74).

Bigyan ng oras ang mga estudyante na basahin at markahan ang mga alituntuning itinuro ni Elder Hales. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Kung kinakailangan, talakayin ang ilan o lahat ng sumusunod na tanong:

  • Paano makakaapekto ang mga pakikitungo natin sa ibang tao sa pakikipag-ugnayan nila sa Diyos? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag tinularan natin ang halimbawa ng pagpapakita ng pagmamahal at kabaitan ni Cristo sa mga taong kumakalaban sa atin, mapapalakas natin ang pakikipag-ugnayan nila sa Diyos gayon din ang sa atin.)

  • Paano naging bahagi ng tipan sa binyag na ginawa natin sa Ama sa Langit ang paraang ito ng pakikitungo natin sa iba? (Isa itong mahalagang paraan ng pagtayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar [tingnan sa Mosias 18:9].)

Itanong sa mga estudyante kung nagkaroon na sila ng anumang karanasan kung saan natulungan nila ang isang tao na mas mapalapit sa Panginoon dahil tinularan nila ang halimbawa ng Tagapagligtas at sinunod ang Kanyang mga turo. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Hikayatin ang mga estudyante na suriin ang pakikitungo nila sa iba, tukuyin ang isang bagay na mas mapagbubuti pa nila, at isulat kung paano nila isasagawa ang mga alituntuning tinalakay ngayon sa pakikitungong iyon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante