Seminaries and Institutes
Lesson 3: Si Jehova at ang Kanyang Ministeryo sa Buhay Bago Pa ang Buhay sa Mundo


3

Si Jehova at ang Kanyang Ministeryo sa Buhay Bago Pa ang Buhay sa Mundo

Pambungad

Ayon sa mga propeta sa panahong ito, itinuro ni Jesucristo “ang katotohanan tungkol sa kawalang-hanggan, at ang katotohanan tungkol sa buhay natin bago tayo nabuhay sa mundo, ang layunin ng buhay natin sa mundo, at ang potensiyal ng mga anak na lalaki at babae ng Diyos sa buhay na darating” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante na sa buhay bago pa ang buhay na ito, ang kanilang pananampalataya na magagawa ni Jehova (Jesucristo) ang Pagbabayad-sala ang nagbigay sa kanila ng kakayahan na madaig si Satanas sa Digmaan sa Langit. Malalaman din ng mga estudyante na sa daigdig bago pa ang buhay na ito, nakahihigit si Jehova sa lahat ng anak ng Diyos sa lahat ng banal na katangian.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Richard G. Scott, “Jesus Christ, Our Redeemer,” Ensign, Mayo 1997, 53–54, 59.

  • “The Father and the Son: A Doctrinal Exposition by the First Presidency and the Quorum of the Twelve Apostles,” Ensign, Abr. 2002, 13–18.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Apocalipsis 12:7–11; Moises 4:3

Ang ginampanan ni Jehova sa Digmaan sa Langit

Isulat sa pisara ang salitang digmaan, at itanong sa mga estudyante kung anong mga imahe ang naiisip nila tungkol dito. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na basahing mabuti ang Apocalipsis 12:7, 9 at tukuyin ang digmaang inilarawan doon (ang Digmaan sa Langit). Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang naunawaan nila sa nangyari sa digmaang iyon.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Anong uri ng digmaan [ang Digmaan sa Langit]? Ang gayon ding uri ng digmaan na namamayani sa mundo; ang nag-iisang uri ng digmaan na mapapasimulan ni Satanas at ng mga espiritung nilalang—digmaan ng mga salita, pagkakagulo ng mga opinyon, labanan ng mga ideolohiya; digmaan ng tama at ng mali” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:518).

Itanong sa mga estudyante:

  • Ayon kay Elder McConkie, paano natutulad ang Digmaan sa Langit sa digmaang pinasisimulan ni Satanas laban sa mga anak ng Diyos sa buhay na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 12:10 at sa isa pang estudyante ang Moises 4:3. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-cross-reference ang dalawang talatang ito sa pagsulat ng Moises 4:3 sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Apocalipsis 12:10 at vice versa. Ipaliwanag na “ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid” (Apocalipsis 12:10) ay si Satanas. Pagkatapos ay itanong:

  • Ayon sa Moises 4:3, paano pinalayas si Satanas sa daigdig bago pa ang buhay na ito?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Apocalipsis 12:11. Tulungan ang mga estudyante na maihayag ang alituntuning itinuro sa talatang ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Paano ninyo ibubuod ang itinuro sa talata 11 tungkol sa mga epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Dahil tiyak na isasagawa ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala, ang mga epekto nito ay may bisa na sa daigdig bago pa ang buhay na ito. Kaya’t tinukoy Siya na “[ang] Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanlibutan” [Apocalipsis 13:8; tingnan din sa Mosias 4:7; Moises 7:47].)

  • Paano ninyo magagamit ang nakatala sa Apocalipsis 12:11 upang matulungan kayo sa inyong personal na pakikidigma kay Satanas sa buhay na ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Madaraig natin si Satanas sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesucristo, na nagsagawa ng Pagbabayad-sala, at sa pamamagitan ng pagpapatotoo at pagiging tapat sa ating patotoo.)

Abraham 3:15–25; Doktrina at mga Tipan 138:55–56

Si Jehova ay nakahihigit sa atin sa lahat ng bagay

Sabihin sa mga estudyante na sa buhay bago pa ang buhay na ito, naghanda tayong pumarito sa mundo. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Ang Diyos mismo, nang makitang naliligiran siya ng mga espiritu at kaluwalhatian, at dahil Siya ay mas matalino, ay nakita na wastong magtatag ng mga batas na nagbibigay sa iba ng pribilehiyong umunlad na katulad niya. Ang kaugnayan natin sa Diyos ay naglalagay sa atin sa isang sitwasyon na madaragdagan ang ating kaalaman. Siya ay may kapangyarihang bumuo ng mga batas para maturuan ang di gaanong matatalino, upang sila ay mapadakilang kasama niya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 244).

Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa pahayag ni Joseph Smith tungkol sa nais ng Ama sa Langit para sa atin? (Nais ng Ama sa Langit na tayo ay espirituwal na sumulong at umunlad—upang maging higit na katulad Niya.)

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Abraham 3:24–25 para malaman ang mga sagot:

  • Sino ang “isang nakatayo sa kanila na tulad ng Diyos”? (talata 24).

  • Anong tungkulin ang ginampanan niya?

  • Ano ang sinabi niya na isang layunin ng buhay na ito?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang sagot sa klase. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 138:55–56 para malaman kung ano ang ginawa upang maihanda ang mga anak ng Diyos na magtagumpay sa buhay na ito. Upang matulungan ang mga estudyante na maihalintulad ang talatang ito sa kanilang sarili, itanong:

  • Ayon sa mga talatang ito, paano tayo inihanda na pumarito sa lupa?

Sabihin sa mga estudyante na isipin sandali ang mga katangiang taglay ng Tagapagligtas sa daigdig bago pa ang buhay na ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Abraham 3:19, 21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang itinuro tungkol kay Jesucristo. Matapos sumagot ang mga estudyante, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng mga sumusunod na pahayag nina Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) at Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa kanila na basahin ang mga pahayag at markahan ang mga salita at parirala na nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas:

Larawan
Elder Neal A. Maxwell

“Sa katalinuhan, at nagawa nakahihigit [si Jesucristo] sa indibiduwal at sa pinagsama-samang kakayahan at nagawa ng lahat ng taong nabuhay noon, nabubuhay ngayon, at mabubuhay pa lamang! (Tingnan sa Abr. 3:19.)” (Neal A. Maxwell, “O, Divine Redeemer,” Ensign, Nob. 1981, 8).

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Dahil nasa ilalim ng batas, at may kalayaan, ang lahat ng espiritu ng tao, habang naroon sa Walang Hanggang Presensya, ay nagkaroon ng mga kakayahan, talento, kapasidad, at abilidad ng lahat ng klase, uri, at antas. Sa napakahabang panahon sa buhay na iyon noon, walang hanggan at iba’t ibang talento at abilidad ang napahusay. …

“Pinagkalooban tayong lahat ng Panginoon ng kalayaan; binigyan niya tayo ng mga batas na tutulong sa atin na umunlad at sumulong at maging tulad niya; at pinayuhan at tinulungan niya tayo na tahakin ang landas na hahantong sa kaluwalhatian at kadakilaan. Siya ay sagisag at ganap na halimbawa ng lahat ng mabubuting bagay. Lahat ng kanais-nais na katangian at ugali ay taglay niya sa walang hanggang kaganapan nito. Lahat ng kanyang masunuring mga anak ay nagsimulang maging katulad niya sa anumang paraan. Nagkaroon ng marami at iba-ibang antas ng katalinuhan at kakayahan sa atin doon sa buhay na iyon noon tulad din dito sa buhay natin ngayon. Ang ilan ay napakahusay sa isang bagay, ang iba naman ay sa ibang bagay. Ang Panganay ang pinakamahusay sa ating lahat sa lahat ng bagay” (Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 1:23).

Isunod na itanong sa mga estudyante kung ano ang pinakanapansin nila sa mga pahayag na ito. Kung kinakailangan, itanong:

  • Ano ang nalaman ninyo mula sa dalawang Apostol na ito tungkol sa mga pambihirang katangian ni Jehova sa daigdig bago pa ang buhay na ito? (Dapat maunawaan ng mga estudyante na sa daigdig bago pa ang buhay na ito, nahigitan ni Jehova ang pinagsama-samang mga kakayahan at nagawa ng lahat ng anak ng Ama sa Langit.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na pag-isipan ang ministeryo ng Tagapagligtas sa buhay bago pa ang buhay na ito at isulat ang anumang naisip at nadama nila. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila. Tapusin ang lesson sa paghikayat sa mga estudyante na pag-isipan kung paano makatutulong sa kanila ang nalaman nila tungkol sa ministeryo at mga pambihirang katangian ng Tagapagligtas sa buhay bago pa ang buhay na ito na lalo Siyang mahalin at manampalataya sa Kanya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante