Seminaries and Institutes
Lesson 21: Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan


21

Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan

Pambungad

Sa Kanyang tatlong taong ministeryo sa lupa, ipinagkaloob ni Jesucristo ang mga susi ng priesthood sa Kanyang Labindalawang Apostol. Gamit ang mga susing ito, ang Simbahan ni Jesucristo ay “[naitayo] sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta” (Mga Taga Efeso 2:20.) Tatalakayin sa lesson na ito kung paano, pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, patuloy na ginabayan at pinamahalaan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol at Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu Santo upang makatulong sila sa pagsasakatuparan ng tipang Abraham na tipunin ang nakalat na Israel.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Jeffrey R. Holland, “Mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag,” Ensign o Liahona, Nob 2004, 6–9.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 10:1–4; 16:19; 17:3–7; 18:18; Mga Taga Efeso 2:19–20; 4:11–14

Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at propeta

Magpakita ng isang susi o isang set ng mga susi sa mga estudyante, at itanong kung ano ang ibig sabihin kapag ginagamit natin ang mga salitang mga susi sa konteksto ng ebanghelyo. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga scripture passage sa sumusunod na scripture chain. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mahalagang pangyayari na inilarawan o binanggit sa bawat scripture passage.

  • Mateo 10:1–4 (Tumawag ng mga Apostol at inatasan sila)

  • Mateo 16:19 (Ang mga susi ng priesthood ay ipinangako kay Pedro [tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Susi ng Pagkasaserdote, Mga”; scriptures.lds.org].)

  • Mateo 17:3–7 (“Ibinigay ng Tagapagligtas, ni Moises, at ni Elias [Elijah] ang mga susi kina Pedro, Santiago, at Juan, sa bundok, nang magbagong-anyo sila sa kanyang harapan” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 122].)

  • Mateo 18:18 (Ang pagbanggit sa pagtatali at pagkakalag sa lupa at sa langit ay tumutukoy sa mga susi ng priesthood na ipinangako rin sa ibang mga Apostol.)

Maaari mong ipaliwanag na ang “mga susi” na nabanggit o tinukoy sa mga scripture passage ay kasing kahulugan ng kapangyarihang magbuklod (tingnan sa Boyd K. Packer, The Holy Temple [1980], 81–87).

Itanong sa mga estudyante:

  • Ano ang ibig sabihin ng mga susi ng priesthood?

  • Bakit mahalaga na hawak ng mga Apostol ang mga susi ng priesthood?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“‘Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga [mayhawak] ng priesthood upang gabayan, pangasiwaan, at pamahalaan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa mundo’ [Handbook 2: Administering the Church [2010], 2.1.1]. Bawat gawain o ordenansang isinasagawa sa Simbahan ay ginagawa sa ilalim ng direkta o hindi direktang awtoridad na ibinigay ng mayhawak ng mga susi para sa gawaing iyon. Gaya ng ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard, ‘Yaong may mga susi ng priesthood … ay literal na ginagawang posible para sa lahat ng matatapat na naglilingkod sa ilalim ng kanilang pamamahala na gamitin ang awtoridad ng priesthood at magkaroon ng access sa kapangyarihan ng priesthood’ [M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan sa Gawain ng Panginoon,” New Era, Abr. 2014, 4; Liahona, Abr. 2014, 48]” (“Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 49).

  • Sa anong mga paraan pinagpapala ng mga susi ng priesthood ang bawat miyembro ng Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 2:19–20. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Ano ang matututuhan natin mula sa scripture passage na ito tungkol sa pagkakatatag ng Simbahan ng Tagapagligtas? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo, na siyang pangulong bato sa panulok, ay itinatag ang Kanyang Simbahan sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at propeta.)

  • Ano ang nagagawa ng pundasyon at bato sa panulok para sa isang gusali? (Ang pundasyon ay nagpapatatag at sumusuporta sa gusali. Kapag inilagay ang unang bato sa isang pundasyon, ang bato sa panulok ang reference point o batayan para sa paglalagay ng lahat ng iba pang mga bato ng pundasyon at nagtatakda sa posisyon ng buong gusali. Ito rin ay tumutulong para maayos na mailagay o maiposisyon ang mga pader.)

Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa taong katabi nila ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa paanong paraan naging “pangulong bato sa panulok” ng Simbahan si Jesucristo?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng banal na kasulatang ito tungkol sa kaugnayan ng Tagapagligtas (ang bato sa panulok) at ng mga apostol at propeta (ang pundasyon)?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 4:11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga dahilan na ibinigay ni Pablo kung bakit kailangan natin ang mga apostol, propeta, at iba pang mga lider ng Simbahan para gabayan ang mga Banal.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Upang makapagtatag ng isang simbahang magpapatuloy sa ilalim ng Kanyang direksyon kahit wala na Siya sa mundo, si Jesus ay ‘napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.

“‘At nang araw na, ay tinawag niya ang kanyang mga alagad; at siya’y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol’ [Lucas 6:12–13].

“Sa huli’y ituturo ni Pablo na ginawa ito ng Tagapagligtas, kahit batid ang Kanyang tiyak na kamatayan, upang bigyan ang Simbahan, ng ‘[kasasaligang] mga apostol at … mga propeta’ [tingnan sa Mga Taga Efeso 2:19–20]. Ang mga Kapatid na ito at iba pang mga pinuno ng Simbahan ay maglilingkod ayon sa patnubay ng nabuhay na mag-uling Cristo.

“Bakit? Ang ilan sa mga dahilan ay ‘upang [mula ngayon] tayo’y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabi-kabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian’ [Mga Taga Efeso 4:14]” (“Mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 6–7).

  • Sa anong mga paraan ninyo nakita ang mga apostol at propeta sa makabagong panahong ito na nagpapalakas at nagpapatatag sa Simbahan?

Mga Gawa 2:1–6, 14–26; 4:1–13, 18–21; Mga Gawa 10:9–20, 25–28, 34–35, 44–48; Mga Gawa 15:1–20

Pinatnubayan ni Jesucristo ang mga Apostol sa pamamagitan ng Espiritu Santo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 1:1–2. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Ayon kay Lucas, paano patuloy na pinamumunuan ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo ang Kanyang mga Apostol matapos Siyang umakyat sa langit? (Nagbigay Siya ng mga kautusan at tagubilin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)

Magpatotoo na matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at Pag-akyat sa Langit, pinatnubayan ni Jesucristo ang mga Apostol sa pamamagitan ng paglilingkod ng Espiritu Santo. Upang matulungan ang mga estudyante na makakita ng mga halimbawa ng patnubay na ito, hatiin ang klase sa apat na grupo at bigyan sila ng mga sumusunod na assignment:

  • Pag-aralan ang Mga Gawa 2:1–6, 14–26, at alamin kung paano tinulungan ng Espiritu Santo si Pedro at ang mga Apostol sa araw ng Pentecostes.

  • Pag-aralan ang Mga Gawa 4:1–13, 18–21, at alamin kung paano tinulungan ng Espiritu Santo si Pedro sa pagtugon sa mga pinunong Judio.

  • Pag-aralan ang Mga Gawa 10:9–20, 25–28, 34–35, 44–48, at alamin kung paano inihayag kay Pedro ang isang mahalagang pagbabago sa Simbahan.

  • Pag-aralan ang Mga Gawa 15:1–20, at alamin kung paano nakaimpluwensya ang nakaraang paghahayag mula kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa desisyon ni Pedro at sa suporta na ibinigay ng iba pang mga lider ng Simbahan sa desisyong ito sa pulong sa Jerusalem.

Matapos ang sapat na oras, itanong sa mga tao mula sa bawat grupo na ibuod ang nabasa nila at ipaliwanag kung paano ginabayan ni Jesucristo ang mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng paglilingkod ng Espiritu Santo. Ipaliwanag na ginagawa ng Espiritu Santo ang Kanyang mga tungkulin ayon sa tagubilin ng Tagapagligtas (tingnan sa Juan 16:13–14).

Maaari mong gamitin ang 3 Nephi 19:7–9, 19–20 upang maipakita na tumanggap din ang mga pinuno ng Simbahan na nababasa natin sa Aklat ni Mormon ng tulong mula sa Espiritu Santo para sa kanilang paglilingkod.

Talakayin sa mga estudyante ang sumusunod na tanong:

  • Paano ninyo ipaliliwanag sa isang tao kung bakit mahalagang malaman na pagkatapos ng Kanyang kamatayan, patuloy na pinatnubayan ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol?

Pinapatnubayan ni Jesucristo ang mga lider ng Simbahan ngayon sa pamamagitan ng Espiritu Santo

Ipakita ang mga sumusunod na pahayag nina Pangulong Thomas S. Monson at Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan (o ipamahagi ang mga ito sa klase), at ipabasa ang mga ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Nagpapatotoo ako … na ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang pinuno ng Simbahang ito na nagtataglay ng Kanyang pangalan. Alam ko na ang pinakamatamis na karanasan sa buhay ay ang madama ang Kanyang mga pahiwatig habang ginagabayan Niya tayo sa pagsusulong ng Kanyang gawain” (Thomas S. Monson, “Paglingon at Pagsulong,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 88).

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Dumating [kay Pangulong Thomas S. Monson] ang paghahayag at inspirasyon sa harapan ko, na nagpapatunay sa akin na iginagalang ng Diyos [ang mga susi ng priesthood na hawak ng propeta]. Isa akong saksi” (Henry B. Eyring, “Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 24).

  • Paano inilalarawan ng mga pahayag na ito ang kaugnayan ng Simbahan sa Bagong Tipan at ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang sumusunod na katotohanan: Katulad ng pagpatnubay ni Cristo sa Kanyang mga Apostol sa panahon ng Bagong Tipan, pinapatnubayan Niya ang mga lider ng Simbahan ngayon sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, kabilang ang paglilingkod ng Espiritu Santo.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan at isipin kung bakit kailangang patnubayan ng Tagapagligtas ang mga lider ng Simbahan.

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Ang pundasyon ng mga apostol at propeta ng Simbahan ang magpapala sa lahat ng oras, ngunit lalo na sa oras ng pagsubok o panganib, sa oras na dama nating [parang] mga bata tayo, lito o hilo, marahil ay medyo takot, sa oras na ang kahalayan ng tao o masamang hangarin ng diyablo ay magtatangkang manggulo o magligaw. Para makapaghanda sa ganitong mga pagkakataon tulad sa ating panahon ngayon, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay inatasan ng Diyos at sinang-ayunan ninyo bilang mga propeta, tagakita at tagapaghayag. Kasama dito ang Pangulo ng Simbahan na sinang-ayunan bilang ang propeta, tagakita at tagapaghayag, at [senior] na Apostol, at sa gayo’y siya ang tanging binigyan ng karapatan na gamitin ang lahat ng susi sa paghahayag at pamamahala sa Simbahan. Sa panahon ng Bagong Tipan, sa panahon ng Aklat ni Mormon, at sa makabagong panahon ang mga opisyal na ito ang bumubuo ng saligang bato ng totoong Simbahan, na nakapaligid at tumatanggap ng lakas mula sa pangulong bato sa panulok na ‘bato ng ating Manunubos, na si [Jesu]cristo, ang Anak ng Diyos’ [Helaman 5:12]” (“Mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 7).

Isunod na itanong sa mga estudyante ang ilan o lahat ng mga sumusunod:

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “nakapaligid” ang mga namumunong lider ng Simbahan at kumukuha ng lakas mula sa pangulong bato sa panulok, na si Jesucristo?

  • Anong katibayan ang nakita ninyo o kailan ninyo nadama na pinapatnubayan ng Tagapagligtas ang mga namumuno sa Simbahan ngayon?

  • Sa paanong paraan nakatulong sa inyo ang pagdalo sa pangkalahatang kumperensya para mapalapit kay Cristo at mapatatag sa pundasyon na kinasasaligan ng mga apostol at propeta?

Idispley o isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong at pagkatapos ay isulat sa kanilang journal o scripture study journal ang plano nila upang bumuti pa sa aspetong iyon.

Ano ang magagawa ko para lumakas ang aking patotoo tungkol sa mga Apostol ng Tagapagligtas sa makabagong panahong ito?

Paano ako mas magtitiwala sa mga propeta sa makabagong panahong ito upang makasalig ako kay Jesucristo?

Mga Babasahin ng mga Estudyante