Seminaries and Institutes
Lesson: 12: Mga Himala sa mga Daan ng Palestina


12

Mga Himala sa mga Daan ng Palestina

Pambungad

“Binagtas [ni Jesucristo] ang mga daan sa Palestina na nanggagamot ng maysakit, nagbibigay ng paningin sa bulag, at nagpapabangon ng patay” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Ang mga himala ay mahalagang bahagi ng mahabaging ministeryo ng Tagapagligtas dito sa lupa, ngunit ang mga ito rin ay katibayan ng Kanyang kapangyarihan at awtoridad, nagpapatunay sa ipinahayag Niya na Siya ang Mesiyas. Sa pagsampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay makapagpapatotoo o makadarama ng pagmamahal, habag, at kapangyarihan ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga himala.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dallin H. Oaks, “Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 6–17.

  • Sydney S. Reynolds, “Diyos ng mga Himala,” Liahona, Hulyo 2001, 12–13.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Marcos 1:39–42; 2:1–12; 5:1–8, 19, 22–43; 8:1–9; Lucas 7:11–15; 3 Nephi 17:5–9

Ang Tagapagligtas ay gumawa ng mga himala sa panahon ng Kanyang mortal na ministeryo

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na parirala: pinayapa ang dagat, binuhay ang patay, at nagpalayas ng masasamang espiritu. Itanong sa mga estudyante kung alin sa mga himalang ito na ginawa ng Tagapagligtas ang sa palagay nila ay pinakadakila sa tatlo. Matapos sumagot ang mga estudyante, idagdag sa listahan sa pisara ang nilikha ang mundo at itanong kung alin sa mga ito ang pinakadakila. Ulitin ang aktibidad na idinadagdag ang nagpabalik-loob ng mga tao at, sa huli, nagdusa at namatay para sa ating mga kasalanan.

Itanong sa mga estudyante kung ano ang kahulugan ng salitang himala. Matapos sumagot ang mga estudyante, ipakita ang sumusunod na depinisyon at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“[Ang himala ay] isang di pangkaraniwang pangyayari na sanhi ng kapangyarihan ng Diyos. Ang mga himala ay mahahalagang bagay sa gawain ni Jesucristo. Kabilang [sa mga ito] ang pagpapagaling, pagbabalik ng buhay sa patay, at pagkabuhay na mag-uli. Ang mga himala ay bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pananampalataya ay kinakailangan upang makita ang mga himala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Himala”; scriptures.lds.org).

  • Ano ang ilang iba pang halimbawa ng mga himalang ginawa ni Jesus noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Bakit mahalagang malaman kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng Tagapagligtas?

Ilista ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara, at sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa na pag-aaralan: Marcos 1:40–42; Marcos 5:1–8, 19; Marcos 8:1–9; Lucas 7:11–15; at 3 Nephi 17:5–9. Sabihin sa kanila na tukuyin sa mga talata na binasa nila ang isang himala na ginawa ng Tagapagligtas at kung ano ang ipinapakita nito tungkol sa Kanyang kapangyarihan. Matapos ang sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong himala ang nabasa mo, at ano ang ipinapakita nito tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas?

  • Paano makatutulong sa pagkakaroon ninyo ng pananampalataya sa Tagapagligtas ang pag-unawa ninyo sa kapangyarihan Niya na gumawa ng mga himala? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ilang siglo bago isinilang ang Tagapagligtas, nakita ng mga propeta na gagawa Siya ng mga himala sa panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa [tingnan sa 1 Nephi 11:31; Mosias 3:5–6]. Ang kaalamang ito ay nakatulong sa mga taong nabuhay bago ang Kanyang pagsilang na magkaroon ng mas malakas na pananampalataya sa Kanya.)

Sabihin sa mga estudyante na tingnan muli ang talata na pinag-aralan nila at alamin ang dahilan kung bakit gumawa si Jesus ng mga himala. Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa binasa ninyo, ano ang ibinigay na dahilan kung bakit ginawa ng Tagapagligtas ang himalang iyon? (Hayaang sumagot ang ilang estudyante. Ang pagkahabag o pagkaawa ng Tagapagligtas ay nabanggit sa bawat halimbawa. Sabihin sa mga estudyante na kapag natutuhan nila ang pagtukoy ng mga pattern at tema tulad nito sa mga banal na kasulatan, mapapalalim nila ang kanilang kaalaman sa mga banal na kasulatan.)

  • Sa paanong paraan naipakita sa mga himalang ito ang pagkahabag ng Tagapagligtas?

  • Ngayong alam na natin na gumagawa kung minsan ng mga himala ang Tagapagligtas dahil sa Kanyang malaking pagkahabag sa atin, ano ang epektong nagagawa nito sa atin? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, bigyang-diin na kapag sumasampalataya tayo kay Jesucristo, matatanggap natin ang epekto ng Kanyang dakilang kapangyarihan at madarama ang Kanyang pagkahabag sa atin.)

Tapusin ang bahaging ito ng lesson sa pagpapabasa sa isang estudyante ng Mga Gawa 10:38 habang ang iba naman ay tahimik na sumasabay sa pagbasa. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante:

  • Ano ang ibig sabihin ng pinagaling ni Jesus ang “lahat ng mga pinahihirapan ng diablo”? (Ang pariralang ito ay tumutukoy marahil sa mga himala ni Jesus ng nagpapalayas ng mga diyablo gayon din sa pinakadakilang himala sa lahat—ang espirituwal na pagpapagaling na dinala ni Jesus sa mga pinahihirapan ng kasalanan. Ipaliwanag na bagama’t ang pisikal na pagpapagaling ay mahalagang bahagi ng ministeryo ng Tagapagligtas, ang mga epekto nito ay pansamantala lamang. Ang pagpapala ng espirituwal na pagpapagaling ay walang hanggan.)

Marcos 2:1–12; 5:22–43

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay nagdudulot ng mga himala sa ating buhay

Sabihin sa mga estudyante na bagama’t mahalagang malaman na gumawa si Jesus ng mga himala nang “[bagtasin] Niya ang mga daan sa Palestina” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” 2), mas mahalaga marahil na malaman na patuloy Siyang gumagawa ng mga himala ngayon. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 12:12, 18 at pagkatapos ay isulat ang isang alituntunin ng ebanghelyo na nalaman nila mula sa mga talatang ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila. (Dapat kabilang sa mga sagot ang sumusunod na katotohanan: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, masasaksihan natin ang Kanyang mahimalang kapangyarihan sa ating buhay.)

Upang matulungan ang mga estudyante sa mapag-aralan pa ang katotohanang ito, isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Marcos 2:1–12; Marcos 5:22–24, 35–43; at Marcos 5:25–34. (Paalala: Maaari mong ipaliwanag na ang mga talatang ito ay naglalaman ng isa pang halimbawa ng isang pattern o tema sa mga banal na kasulatan.) Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Mag-assign sa bawat grupo ng isa sa mga scripture passage, at alamin kung paano ipinakita ang pananampalataya kay Jesucristo. Matapos ang sapat na oras, itanong:

  • Anong katibayan ng pananampalataya kay Jesucristo ang nakita ninyo?

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na “Pagpapagaling ng Maysakit.”

Larawan
handout, Healing the Sick

Pagpapagaling ng Maysakit

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na kailangan ang pananampalataya upang magkaroon ng mga himala:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Ang pananampalataya ay kailangan sa pagpapagaling sa pamamagitan ng mga kapangyarihan ng langit. Itinuturo pa nga sa Aklat ni Mormon na ‘kung walang pananampalataya sa mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila’ (Eter 12:12) [tingnan din sa 1 Nephi 7:12; D at T 35:9]. Sa bantog na pananalita tungkol sa pangangasiwa sa maysakit, sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: ‘Ang pangangailangan sa pananampalataya ay madalas hamakin. Ang maysakit at ang pamilya kadalasan ay tila lubos na umaasa sa kapangyarihan ng priesthood at kaloob na magpagaling na inaasahan nilang taglay ng mga kalalakihang nangangasiwa, samantalang ang mas mabigat na responsibilidad ay nasa taong binabasbasan. … Ang pangunahing elemento ay ang pananampalataya ng indibiduwal kapag ang taong iyon ay may malay at pananagutan. Ang “pinagaling ka ng iyong pananampalataya” [Mateo 9:22] ay madalas banggitin ng Guro kaya halos maging koro na ito ng isang awitin’ [“President Kimball Speaks Out on Administration to the Sick,” New Era, Okt. 1981, 47]” (“Pagpapagaling ng Maysakit,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 49).

Ipinaalala rin sa atin ni Elder Dallin H. Oaks na ang mahalagang bahagi ng pagsampalataya ay ang kahandaang tanggapin ang kalooban ng Diyos:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Kapag ginamit natin ang walang alinlangang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos at itinangi ang Kanyang pangako na diringgin at sasagutin Niya ang panalangin ng pananampalataya, lagi nating tandaan na ang pananampalataya at kapangyarihan ng priesthood na magpagaling ay hindi magbubunga ng anumang taliwas sa kalooban Niya na nagmamay-ari ng priesthood na ito. Ang alituntuning ito ay itinuro sa paghahayag na nagbilin sa mga elder ng Simbahan na ipatong ang kanilang mga kamay sa maysakit. Nangako ang Panginoon na ‘siya na may pananampalataya sa akin na mapagaling, at hindi itinakda sa kamatayan, ay mapagagaling’ (D at T 42:48; idinagdag ang pagbibigay-diin). Gayundin, sa isa pang makabagong paghahayag sinabi ng Panginoon na kapag ang isang tao ay ‘humihingi alinsunod sa kalooban ng Diyos … mangyayari maging gaya ng kanyang hiningi’ (D at T 46:30) [tingnan din sa I Ni Juan 5:14; Helaman 10:5].

“Sa lahat ng ito nalaman natin na maging ang mga lingkod ng Panginoon, na gumagamit ng Kanyang banal na kapangyarihan sa isang sitwasyon kung saan sapat ang pananampalatayang mapagaling, ay hindi makapagbibigay ng basbas ng priesthood na magpapagaling sa isang tao kung hindi ito naaayon sa kalooban ng Panginoon.

“Bilang mga anak ng Diyos, batid ang Kanyang dakilang pag-ibig at sukdulang kaalaman kung ano ang mainam para sa ating walang hanggang kapakanan, nagtitiwala tayo sa Kanya. Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ang pananampalataya ay pagtitiwala. Nadama ko ang pagtitiwalang iyan sa mensaheng ibinigay ng pinsan ko sa burol ng isang babaeng tinedyer na namatay sa malubhang karamdaman. Sinambit niya ang mga salitang ito, na ikinamangha ko noong una at nagpasigla sa akin kalaunan: ‘Alam ko na kalooban ng Panginoon na mamatay siya. Naalagaan siya nang husto. Nabigyan siya ng mga basbas ng priesthood. Nasa temple prayer roll ang pangalan niya. Daan-daan ang nanalangin na manumbalik ang kanyang kalusugan. At alam ko na sapat ang pananampalataya ng pamilyang ito na gagaling siya maliban kung kalooban ng Panginoon na iuwi na siya ngayon.’ Nadama ko ang pagtitiwalang iyon sa mga salita ng ama ng isa pang natatanging babaeng tinedyer na namatay [sa kanser] kamakailan. Ipinahayag niya, ‘Ang pananampalataya ng aming pamilya ay na kay Jesucristo, at hindi batay sa mga kahihinatnan.’ Ang mga turong iyon ay akma sa akin. Ginagawa natin ang lahat para gumaling ang isang mahal sa buhay, pagkatapos ay nagtitiwala tayo sa Panginoon sa kahihinatnan niyon” (“Pagpapagaling ng Maysakit,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 50).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na kailangan ang pananampalataya para magkaroon ng mga himala, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang pahayag sa handout na mula sa mensahe ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pagkatapos ay itanong:

  • Anong mahahalagang katotohanan ang itinuro ni Elder Oaks tungkol sa pananampalataya?

Para sa mga karagdagang kaalaman mula kay Elder Oaks, maaari mong basahin o ibahagi sa sarili mong mga salita ang ikalawang pahayag sa handout. Maaari mong banggitin na ang pahayag na ito ni Elder Oaks ay para sa mga mayhawak ng priesthood. Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang sinabi ni Elder Oaks na kailangan sa atin kapag nanalangin tayo nang may pananampalataya para magkaroon ng himala?

  • Bakit mahalagang tandaan na ang hinihiling natin ay dapat naaayon sa kalooban ng Ama sa Langit?

Magpatotoo na nangyayari pa rin ang mga himala ngayon. Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Nangyayari ang mga himala araw-araw sa gawain ng ating Simbahan at sa buhay ng ating mga miyembro. Marami sa inyo ang nakakita na ng mga himala, marahil higit pa sa inaakala ninyo” (“Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 6).

  • Sa palagay ninyo, bakit hindi natin laging nakikita ang mga himala na nangyayari sa ating buhay? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na kakaunti ang himalang kakikitaan ng kamangha-manghang pagpapakita ng kapangyarihan ng Panginoon. Maraming nangyayaring maliliit na himala at nangyayari ito nang pribado. [Tingnan sa Sydney S. Reynolds, “Diyos ng mga Himala,” Liahona, Hulyo 2001, 12–13.])

  • Ano ang inihahayag ng maliliit at mga pribadong himala tungkol sa pagmamalasakit ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa atin?

  • Anong mga halimbawa ng “maliliit” o “araw-araw” na himala ang maiisip ninyo? (Kung walang sagot, maaari mong ibahagi ang ilan sa binanggit ni Sister Sydney S. Reynolds ng Primary general presidency sa “Diyos ng mga Himala” [Liahona, Hulyo 2001, 12–13].)

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang sagot sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang maaari mong gawin upang mas mahiwatigan at mas lubos na makapagpasalamat para sa mga himala ng Panginoon—maliit at malaking himala—sa iyong buhay?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan nang may panalangin kung paano nila gagawin ang isinulat nila. Tapusin ang lesson sa pagtatanong kung may sinuman sa iyong mga estudyante ang gustong magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa pagmamahal na nadama nila mula sa Kanya at para sa Kanya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante