Seminaries and Institutes
Lesson 10: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin


10

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Pambungad

Ipinahayag ni Jesucristo, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (John 14:6). “[Si Jesus] ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3). Ang lesson na ito ay nagbibigay-diin sa paanyaya ni Jesucristo sa lahat na sumunod sa Kanya at maging mga disipulo Niya. Pag-aaralan din sa lesson na ito kung ano ang ibig sabihin ng pagtahak sa landas ng pagiging disipulo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dieter F. Uchtdorf, “Ang Landas Tungo sa Pagkadisipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 75–78.

  • Joseph B. Wirthlin, “Magsisunod sa Akin,” Liahona, Hulyo 2002, 15–17.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 1:35–47; 2 Nephi 26:33; Alma 5:33–34

Inaanyayahan ni Jesucristo ang lahat na maging mga disipulo Niya

Anyayahan ang isang estudyante na maikling ibahagi ang isang pangyayari noon na papunta siya sa isang lugar pero nagkamali siya ng nilikuan o napunta sa ibang daan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin ang Juan 14:6 at ipahayag sa sarili nilang mga salita ang doktrina na itinuro ni Jesus sa talatang ito. (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang maunawaan na ang tanging paraan na makababalik tayo sa piling ng Ama sa Langit ay sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo.)

Sabihin sa mga estudyante na matapos mabinyagan si Jesucristo at tuksuhin sa ilang, inanyayahan Niya ang iba na sumunod sa Kanya. Ang mga sumunod sa Tagapagligtas noon at ngayon ay tinatawag na mga disipulo. Sabihin sa mga estudyante na magbanggit mula sa Juan 1:35–47 ng mga pangalan ng ilan sa pinakaunang disipulo ng Tagapagligtas at kung ano ang nakahikayat sa kanila na sumunod sa Kanya.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Ang mga salitang disipulo at disiplina ay kapwa nagmula sa isang salitang-ugat sa Latin na—discipulus, na ibig sabihin ay estudyante. Binibigyang-diin nito ang paggamit o pagsasagawa. Ang pagdisiplina at pagkontrol sa sarili ay di-nagbabago at permanenteng mga katangian ng mga tagasunod ni Jesus. …

“Ano ang pagiging disipulo? Una sa lahat ito ay pagsunod sa Tagapagligtas” (“Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 20).

  • Ano ang ipinapahiwatig ng kahulugang ito ng pagiging disipulo tungkol sa kung ano ang buhay ng mga naunang disipulo ni Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin at paghambingin ang 2 Nephi 26:33 at Alma 5:33–34 upang makita kung sino pa ang inanyayahan ni Jesus na lumapit sa Kanya. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang itinuturo ng mga scripture passage na ito tungkol sa paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Inaanyayahan ni Jesucristo ang lahat ng tao na lumapit sa Kanya at maging mga disipulo Niya.)

  • Ayon kay Alma, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga taong tatanggapin ang paanyaya na lumapit sa Kanya?

  • Ano ang kahulugan ng mga pangakong ito sa inyo?

Mateo 4:18–22; Lucas 5:11; 9:57–62; 14:25–33

Pagiging disipulo ni Jesucristo

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang Mateo 4:18–22 at Lucas 5:11 at tukuyin ang mga sakripisyong ginawa ng ilan sa mga pinakaunang disipulo ni Jesucristo para tanggapin ang tawag na sumunod sa Kanya. Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano ninyo ilalarawan ang tugon ng mga naunang disipulong iyon sa utos ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya? (Talakayin ang kahulugan ng mga salita at parirala tulad ng “pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat,” “pagdaka’y,” at “iniwan.”)

  • Anong mahahalagang katotohanan ang idinagdag ng mga scripture passage na ito sa ibig sabihin ng pagiging isang disipulo ni Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay nangangailangan ng pagsunod at pagsasakripisyo.)

Magbigay sa mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Joseph B. Wirthlin

“Ang mga lambat, sa pangkalahatan, ay binibigyang kahulugan bilang mga gamit para hulihin ang isang bagay. Sa isang … mahalagang pagkakaunawa, maaari nating bigyang kahulugan ang lambat bilang isang bagay na nang-aakit o pumipigil sa atin sa pagsunod sa [paanyaya] ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos na buhay.

“Ang mga lambat, sa ganitong pagkakaunawa, ay maaaring ang ating mga trabaho, mga libangan, mga katuwaan, at higit sa lahat ng bagay, ang ating mga tukso at mga kasalanan. Sa madaling salita, ang isang lambat ay anumang bagay na humihila sa atin palayo sa ating Ama sa Langit o sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. …

“Imposibleng maitala ang maraming lambat na maaaring makasilo sa atin at pumigil sa atin na sumunod sa Tagapagligtas. Ngunit kung taos-puso tayo sa ating paghahangad na sumunod sa Kanya, kailangang kaagad nating iwan ang nakasasalabid na mga lambat ng sanglibutan at sumunod sa Kanya.

“… Ang ating buhay ay kaagad na napupuno ng mga tipanan, pakikipagpulong, at mga gawain. Napakadaling masilo ng napakaraming lambat at kung minsan, ang mungkahi na kumawala tayo sa mga ito ay maaaring nakababahala o nakakatakot pa para sa atin.

Kung minsan, naiisip natin na habang lalo tayong nagiging abala, lalo tayong nagiging mahalaga—na tila ba ang “pagiging abala” ang sukatan ng ating halaga. Mga kapatid, maaari nating igugol ang buong buhay sa pagmamadaling magawa ang mga nakatalang walang katapusang mga bagay na sa kahuhulihan, ay wala ring halaga.

“Na marami tayong nagagawa ay maaaring hindi gaanong mahalaga. Na ating ituon ang lakas ng ating mga isip, ating mga puso, at ating mga kaluluwa sa yaong mga bagay na may kahalagahan sa kawalang hanggan—ito ang kailangang-kailangan” (“Magsisunod sa Akin,” Liahona, Hulyo 2002, 15–16).

  • Kung ang isda, mga lambat, at mga bangka na iniwan ng mga mangingisda ay sumasagisag sa mga bagay na inaalala nila, anong mga bagay ang iuutos ng Tagapagligtas na iwan ninyo upang makasunod sa Kanya?

  • Bakit mahirap kung minsan na iwanan ang mga temporal na bagay?

  • Paano malalaman ng isang tao kung nasilo na siya sa uri ng nagkakasalabid na mga lambat na binanggit ni Elder Wirthlin?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isang pagkakataon na tumugon sila sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya (marahil ay noong talikuran nila ang mga dati nilang gawi o nang tanggapin nila ang isang tungkulin sa Simbahan). Pagkatapos ay itanong:

  • Paano pinagpala ang inyong buhay sa pagtugon sa paanyayang ito?

Ipakita ang mga sumusunod na scripture reference at tanong, o isulat ang mga ito sa pisara:

Lucas 9:57–62—Ano ang maaaring makahadlang sa atin sa pagsunod sa Tagapagligtas?

Lucas 14:25–27, 33—Ano ang iniuutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo?

Lucas 14:28–32—Paano nauugnay ang mga salitang maipagtatapos, matapos, tapusin sa mga kinakailangan sa pagiging disipulo?

Hatiin sa tatlong grupo ang klase at bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga scripture passage at ang kaugnay na tanong. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano sinasagot ng scripture passage na binasa nila ang kanilang mga tanong. Matapos matalakay ang lahat ng tatlong scripture passage, itanong:

  • Ano ang kinakailangan sa pagiging disipulo ang ipinakita sa analohiya ng Tagapagligtas? (Habang tinatalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, ipaunawa sa kanila ang sumusunod na katotohanan: Kinakailangan sa pagiging disipulo ang ating patuloy na kahandaang iwan ang lahat at sumunod kay Jesucristo.)

Ipaliwanag na bagama’t ang pagiging disipulo ay nagpapahiwatig na patuloy nating pag-iibayuhin ang ating katapatan at pagtupad sa pangakong sundin ang Tagapagligtas, hindi Niya iniuutos na tumakbo tayo nang higit na mabilis kaysa sa lakas natin (tingnan sa Mosias 4:27).

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang unang hakbang sa landas ng pagkadisipulo ay nagsisimula, sa kabutihang-palad, sa mismong kinatatayuan natin! Hindi natin kailangang gumawa ng paunang hakbang bago gawin ang unang hakbang na iyon. Hindi mahalaga kung mayaman o mahirap tayo. Hindi hinihingi na tayo ay maging edukado, mahusay magsalita, o matalino. Hindi kailangang tayo ay perpekto o magaling magpahayag o mapinong kumilos.

“Ikaw at ako ay makalalakad sa landas tungo sa pagkadisipulo ngayon. Magpakumbaba tayo, manalangin sa ating Ama sa Langit nang buong puso, ipahayag ang ating hangaring mapalapit sa Kanya at matuto sa Kanya.

“Manampalataya. Maghanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong. Magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan [tingnan sa Mateo 7:7]. Paglingkuran ang Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Maging aktibong miyembro ng inyong ward o branch. Palakasin ang inyong pamilya sa matapat na pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Magkaisa sa puso at isipan bilang mag-asawa at bilang pamilya.

“Panahon na para iayon ang inyong buhay upang magkaroon ng temple recommend at gamitin ito. Panahon na para magkaroon ng makabuluhang family home evening, basahin ang salita ng Diyos, at mangusap sa ating Ama sa Langit sa mataimtim na panalangin. Panahon na para puspusin ang ating puso ng pasasalamat para sa Panunumbalik ng Kanyang Simbahan, sa mga buhay na propeta, sa Aklat ni Mormon, at sa kapangyarihan ng priesthood na nagpapala sa ating buhay. Panahon na para tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo, maging Kanyang mga disipulo, at mamuhay sa Kanyang landas” (“Ang Landas Tungo sa Pagkadisipulo, ” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 77).

  • Saan nagsisimula ang landas ng pagkadisipulo ayon kay Pangulong Uchtdorf?

  • Ayon kay Pangulong Uchtdorf, kailan ang panahon para magsimula sa pagtahak sa landas ng pagkadisipulo?

Isulat sa pisara ang sumusunod:

Ngayon na ang panahon para …

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang isang paraan na gagawin nila bilang disipulo ni Jesucristo para makumpleto ang pangungusap na ito. Hikayatin sila na kumilos agad sa anumang maisip nila, dahil ang ideyang iyon ay malamang na mula sa Espiritu Santo. Magpatotoo na kapag ginawa nila ang unang hakbang na ito, tutulungan sila ng Panginoon na maging mga disipulo Niya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante