Seminaries and Institutes
Lesson 16: Ang Tagapagligtas ay Nagbayad-sala para sa mga Kasalanan ng Buong Sangkatauhan


16

Ang Tagapagligtas ay Nagbayad-sala para sa mga Kasalanan ng Buong Sangkatauhan

Pambungad

“Inialay ni [Jesucristo] ang Kanyang buhay para sa kasalanan ng lahat ng sangkatauhan. Siya ang dakilang kaloob para sa lahat ng mabubuhay sa ibabaw ng mundo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol, ” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang “Pagbabayad-sala ang mahalagang [bahagi] na iyon sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit na kung wala ay hindi maisasagawa ang plano” (“Siya’y Buhay! Luwalhati sa Kanyang Ngalan!” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 76). Ang lesson na ito ay magtutuon sa matinding pagdurusa ng Tagapagligtas, na nagsimula sa Getsemani at nagwakas sa krus, at maglalarawan kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na madaig ang ating mga kasalanan at mapalakas tayo sa ating araw-araw na buhay sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • David A. Bednar, “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 40–47.

  • Jeffrey R. Holland, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 32–38.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Marcos 14:33–36; Lucas 22:39–44; 2 Nephi 9:21

Bukal sa kalooban ni Jesucristo ang magdusa para sa Pagbabayad-sala

Maaari mong simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na kantahin ang “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115) o isa pang himno tungkol sa Tagapagligtas. Pagkatapos, kapag nagsimula na ang lesson, itanong:

  • Paano kayo naihanda ng pagkanta ng “Ako ay Namangha” (o iba pang himno tungkol sa Tagapagligtas) sa pag-aaral ninyo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Marcos 14:33–36, at hanapin ang mga pariralang naglalarawan ng pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani. Ilista sa pisara ang mga pariralang nahanap ng mga estudyante.

  • Anong kahulugan ang ipinararating sa inyo ng mga pariralang ito?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Lucas 22:39–44; 2 Nephi 9:21; at Mosias 3:7 para sa mga karagdagang detalye tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Kanyang nagbabayad-salang sakripiyo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-cross reference ang mga talatang ito sa kanilang banal na kasulatan.

  • Anong mahahalagang katotohanan ang itinuro ng mga talatang ito tungkol sa pagdurusang tiniis ni Jesus para sa atin? (Dapat kabilang sa mga sagot ang sumusunod na katotohanan: Dahil sa pagdurusa ni Jesucristo sa Getsemani, lumabas ang dugo sa bawat butas ng Kanyang balat.)

Ipaliwanag sa mga estudyante na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay kinapapalooban ng pagdurusa Niya para sa ating mga kasalanan sa Getsemani at sa krus, ang pagtigis ng Kanyang dugo, ang Kanyang kamatayan sa krus, at ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli mula sa libingan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Hindi natin alam, hindi natin masasabi, walang mortal na isipan ang makakaunawa sa buong kabuluhan ng ginawa ni Cristo sa Getsemani.

“Alam nating lumabas ang maraming patak ng dugo [malalaking patak] mula sa bawat butas ng Kanyang balat nang inumin Niya ang mapait na sarong ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama.

“Alam nating nagdusa Siya, kapwa sa katawan at espiritu, nang higit kaysa kayang tiisin ng tao, maliban sa kamatayan. …

“Alam natin na napahandusay Siya sa lupa sa sobrang sakit at pagdurusa sa napakabigat na pasaning naging dahilan para Siya manginig at magnais na kung maaari ay hindi Niya lagukin ang mapait na saro” (“Ang Nagpapadalisay na Kapangyarihan ng Getsemani,” Liahona, Abr. 2011, 17).

  • Ano ang inyong damdamin tungkol sa pagdurusang tiniis ni Jesucristo sa Getsemani at sa krus?

Juan 15:13; I Ni Pedro 3:18; Doktrina at mga Tipan 19:15–19

Nagdusa si Jesus upang tayo ay hindi na kailangang magdusa tulad Niya

Itanong ang sumusunod:

  • Sa palagay ninyo, bakit handang magdusa si Jesus para sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang Juan 15:13; I Ni Pedro 3:18; at Doktrina at mga Tipan 19:15–19, at alamin ang mga dahilan kung bakit bukal sa kalooban ni Jesucristo ang magdusa para sa Pagbabayad-sala. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari mong ibuod ang kanilang mga sagot at isulat ito sa pisara, tulad ng sumusunod:

Upang ipakita ang Kanyang malaking pagmamahal sa atin.

Upang hindi tayo magdusa nang lubos para sa ating mga kasalanan.

Upang makapagsisi tayo at mapatawad sa ating mga kasalanan.

Upang luwalhatiin ang Ama.

Upang makabalik tayo sa Diyos.

Upang madala tayo sa Diyos.

Kapag itinanong mo ang sumusunod, bigyan ang mga estudyante ng oras na mapag-isipan nang mabuti ang kanilang mga sagot bago sila pasagutin. (Ipaalala sa mga estudyante na kapag natuto silang pag-isipan nang mabuti ang nalaman nila sa mga banal na kasulatan, madalas na maghahayag sa kanila ang Espiritu ng mga karagdagang katotohanan.)

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng mga dahilang ito ng pagdurusa ni Jesucristo tungkol sa Kanya?

  • Paano personal na nauugnay sa inyo ang mga dahilang ito?

Bigyang-diin sa mga estudyante na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, si Jesucristo ang Humalili sa atin—Siya ang pumalit sa atin, pinasan Niya ang mga pasanin natin, nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo: “Yaong hindi nakakilala ng kasalanan [gayon nga, si Jesus ay walang nagawang kasalanan] ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo’y maging sa kaniya’y katuwiran ng Dios” (II Mga Taga Corinto 5:21). Tila ganito ang paanyaya sa bawat isa sa atin ng ating Panginoon at Tagapagligtas: “Magsilapit kayo sa akin. Aalisin ko ang inyong mga kasalanan, at ibibigay ko sa inyo ang aking katuwiran.”

Magpatotoo na dahil isinagawa ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan kung tayo ay magsisisi. Dahil sa Kanyang sakripisyo para sa atin, naihanda ang daan para sa atin upang makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit sa isang walang-hanggang pamilya. Isinakatuparan ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal sa Ama sa Langit at sa atin. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila mas pagsisikapang matamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala at magamit ang mga ito sa kanilang buhay.

Alma 7:11–13

Ipinagkakaloob sa atin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang Kanyang biyaya o nagbibigay-kakayahang kapangyarihan

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Neal A. Maxwell

“Nang lubos na maramdaman ang pagdurusa, napakatindi nito, napakasakit nito na hindi Niya sukat-akalain! …

“Ang lahat ng kasalanan ng lahat ng tao—noon, ngayon, at sa hinaharap—ay pinasan ng perpekto, walang kasalanan, at mapagmahal na Kaluluwang iyon! Lahat ng ating kahinaan at karamdaman ay kasama rin sa Pagbabayad-sala. (Tingnan sa Alma 7:11–12; Isa. 53:3–5; Mat. 8:17.) …

“… Ang Kanyang pagdurusa—ay, napakatindi na parang walang katapusan—na dahilan ng Kanyang pagsamo habang nakabayubay sa krus, at ito ay pagsamo ng isang pinabayaan. (Tingnan sa Mat. 27:46.)” (“Willing to Submit,” Ensign, Mayo 1985, 72–73).

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Elder Maxwell ng “di-masusukat na paghihirap ng Pagbabayad-sala”?

  • Bukod pa sa ating mga kasalanan, ano pa ang tinukoy ni Elder Maxwell na nag-aambag sa pagdurusa ng Tagapagligtas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 7:11–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang iba pang mga kalagayan sa buhay na ito na pinagdusahan ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila, at ilista ang kanilang mga sagot sa pisara. (Dapat kabilang sa mga sagot ang mga pasakit, hirap, tukso, karamdaman, sakit, at kamatayan.) Talakayin ang kahulugan ng mga kalagayang ito at kung paano tayo mapagpapala ni Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag naranasan natin ang mga ito.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang Tagapagligtas ay nagdusa hindi lamang para sa ating mga kasamaan kundi para din sa di-pagkakapantay-pantay, kawalang-katarungan, sakit, kalungkutan, at mga paghihirap ng damdamin na madalas dumating sa atin. Walang sakit sa katawan, walang paghihirap ng kaluluwa, walang pagdurusa ng espiritu, walang karamdaman o kahinaan na naranasan natin sa paglalakbay sa buhay na ito na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Kayo at ako sa sandali ng kahinaan ay maaaring magsabing, ‘Walang nakauunawa. Walang nakaaalam.’ Walang tao, marahil, ang nakaaalam. Ngunit ang Anak ng Diyos ay lubos na nakaaalam at nakauunawa, dahil Kanyang dinanas at pinasan ang ating mga pasanin bago pa natin naranasan ang mga ito. At dahil binayaran Niya at pinasan ang pasaning iyan, lubos Niya tayong nauunawaan at maiuunat Niya ang Kanyang bisig ng awa sa napakaraming aspeto ng ating buhay. Maaabot Niya tayo, maaantig, matutulungan … at mapalalakas nang higit sa makakaya natin at matutulungan tayong gawin ang hindi natin kayang gawing mag-isa” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 19).

Itanong sa mga estudyante kung paano nila ibubuod ang mga turo ni Elder Bednar. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano naglalaan ng paraan para sa atin ang mga pagpapala na nakakamtan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala para tayo makabalik sa piling ng Ama sa Langit? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, ipaliwanag na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makatatanggap tayo ng kapanatagan at lakas sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang mapagtiisan ang “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” [Alma 7:11].)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan, o biyaya ng Tagapagligtas, sabihin sa kanila na pag-aralan ang bawat isa sa mga sumusunod na scripture passage at maghandang ibahagi ang nalaman nila. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga scripture reference na ito.)

II Mga Taga Corinto 12:7–10

Mosias 3:19

Mosias 24:10–15

Alma 31:24–25, 31–33, 38

Eter 12:27

Matapos ang sapat na oras, itanong:

  • Isipin kung paano napalakas ni Jesucristo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ang mga taong inilarawan sa mga scripture passage na ito. Kailan kayo napalakas sa gayon ding paraan o ang isang taong kakilala ninyo?

  • Bakit mahalaga na maunawaan natin na matutulungan tayo ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Jesucristo?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Talagang kailangang palakasin ng bawat isa sa atin ang ating pag-unawa sa kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang maging di-matitinag na pundasyon ito na mapagtatatagan ng ating buhay. …

“Masigla ko kayong hinihikayat na magplano ng personal na pag-aaral upang higit na maunawaan at mapahalagahan ang walang katulad, walang hanggan, at walang katapusang mga bunga ng sakdal na pagtupad ni Jesucristo sa Kanyang banal na pagkahirang bilang ating Tagapagligtas at Manunubos” (“Siya’y Buhay! Luwalhati sa Kanyang Ngalan!” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 77).

Sa pagtapos mo sa lesson na ito, hikayatin ang mga estudyante na magkaroon ng plano na personal na pag-aralan ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Mga Babasahin ng mga Estudyante