2018
Panalangin: Ang Susi sa Patotoo at sa Panunumbalik
April 2018


Panalangin: Ang Susi sa Patotoo at sa Panunumbalik

Mula sa isang mensahe noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2003.

Sundan ang halimbawa ni Joseph Smith at ang huwaran ng Panunumbalik Bumaling sa mga banal na kasulatan. Lumuhod at manalangin. Humiling nang may pananampalataya. Makinig sa Espiritu Santo.

Larawan
clasped hands

Larawan mula sa Getty Images

Bilang mga lider ng Simbahan, madalas itanong sa amin: “Paano ako magkakaroon ng patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo?”

Ang pagkakaroon ng patotoo at pagbabalik-loob ay nagsisimula sa pag-aaral at panalangin, kasunod ng pamumuhay ng ebanghelyo nang may pasensiya at tiyaga, at pag-anyaya at tiwala sa Espiritu. Ang buhay ni Joseph Smith at ang huwaran ng Panunumbalik ay magagandang halimbawa ng prosesong ito. Habang [ibinabahagi ko] … [ang] mga kaganapan sa Panunumbalik [sa inyo], hanapin ang mga hakbang na humahantong sa patotoo. …

Malaking Pagtatalo

Si Joseph Smith ay isinilang noong Disyembre 23, 1805, sa Sharon, Vermont, USA. Napabilang siya sa pamilyang madasalin at palaaral ng Biblia. Bata pa’y interesado na siya sa relihiyon at natuklasan niya ang “malaking pagtatalo” ukol sa mga doktrina ni Cristo, na “nakikipagtalo ang mga saserdote laban sa saserdote, at mga nagbalik-loob laban sa kapwa nagbalik-loob” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:6).

Ang pagkalitong ito’y … nagsimula ilang siglo na ang nagdaan sa tinatawag na [Malawakang Apostasiya]. Ang araw ni Cristo ay “hindi darating,” sabi ni Apostol Pablo, “maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas” (II Mga Taga Tesalonica 2:3).

Ilang dekada matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, pinatay ang Kanyang mga Apostol, pinasama ang Kanyang mga turo, at inalis sa lupa ang priesthood. Ngunit nang makita ni Pablo ang [araw natin], siya’y nagpropesiya na “sa kaganapan ng mga panahon, [titipunin ng Diyos] ang lahat ng mga bagay kay Cristo” (Mga Taga Efeso 1:10). Ibabalik Niya sa lupa ang tunay na Simbahan ni Cristo.

Nakahanap si Joseph ng Sagot

[Nakita ni] Joseph … , sa edad na 14, … ang sarili sa gitna ng “pagtatalutalo ng mga opinyon [ukol sa relihiyon].” Madalas niyang itanong sa sarili, “Kung mayroon mang tama sa [mga simbahang ito], alin ito, at paano ko ito malalaman?” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:10).

Bumaling si Joseph sa Biblia para sa mga kasagutan. “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo,” sabi sa Sulat ni Santiago, “humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5).

Larawan
joseph praying

Detalye mula sa The Desires of My Heart II, ni Walter Rane

Sa pagsunod sa bilin ni Santiago, nagpunta si Joseph sa isang kakahuyan malapit sa kanyang tahanan at nagdasal. Sa pagtawag sa Diyos, “isang haligi ng liwanag … [ang bumaba],” na higit pa sa liwanag ng araw, at “dalawang Katauhan” ang nagpakita. “Ang isa sa kanila ay nagsalita … , tinawag [si Joseph] sa [kanyang pangalan], at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).

Nakipag-usap kay Joseph ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Sinagot nila ang kanyang tanong. Itinuro nila sa kanya na nawala sa mundo ang tunay na Simbahan ni Cristo. Nalaman ni Joseph na ang mga miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ay magkahiwalay na nilalang, kilala Nila siya sa pangalan, at handa Silang sagutin ang mga dalangin niya. Nabuksan ang langit, lumipas ang pagtalikod sa katotohanan, at nanumbalik ang espirituwal na kaalaman.

Gaya ni Joseph, marami sa atin ang naghahangad ng liwanag ng katotohanan. Gaya ni Joseph, dapat nating saliksikin ang mga banal na kasulatan, magdasal … magpakumbaba, at matutong sumampalataya.

Si Moroni at ang mga Laminang Ginto

Sa loob ng tatlong taon kasunod ng kanyang Unang Pangitain, … [sinabi ni Joseph na madalas siyang nakaramdam ng panlulumo dahil sa kanyang mga] kahinaan at mga kamalian. Ngunit hindi siya nawalan ng pananampalataya o nakalimot sa bisa ng dalangin.

Noong Setyembre 21, 1823, sa edad na 17, paluhod [si Joseph na] humingi ng “kapatawaran ng lahat ng [kanyang] mga kasalanan” … at [para malaman ang kanyang] “katayuan sa harapan ng [Diyos]” (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:29). Habang nagdarasal, … nagliwanag, “hanggang sa ang silid ay magliwanag nang higit pa kaysa katanghaliang tapat” (talata 30). Sa liwanag [na iyon] ay may isang katauhang nakasuot ng bata na “napakatingkad ng kaputian” (talata 31). Tinawag niya si Joseph sa pangalan at nagpakilalang siya si Moroni. Sinabi nitong “ang Diyos ay may gawaing ipagagawa [kay Joseph],” at sinabi sa kanya ang tungkol sa sinaunang tala na “nakasulat sa laminang ginto,” na nang naisalin, ay naging Aklat ni Mormon. Nasa aklat ang kabuuan ng ebanghelyo. (Tingnan sa mga talata 33–34.) … [Itinuro kay] Joseph [na ang] … talaang iyon, [ay] nakabaon … [sa] malapit [na] burol… ng Cumorah.

Kinabukasan, natagpuan ni Joseph ang mga lamina, ngunit hindi pa panahon para ilabas ang mga ito. Sinabihan ni Moroni si Joseph na makipagkita sa kanya roon, sa gayunding araw bawat taon sa susunod na apat na taon (tingnan sa mga talata 52–53). Sumunod si Joseph. Taun-taon siyang nagpunta sa burol kung saan “tinagubilinan” [talata 54] siya ni Moroni hinggil sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo. …

Natanggap ni Joseph ang mga lamina noong Setyembre 22, 1827, sa edad na 21. Natanggap din niya ang sinaunang instrumento sa pagsasalin nito, na tinawag na Urim at Tummim. Gamit ang sagradong tagapagsalin na ito, at sa tulong ng Espiritu Santo, sinimulan ni Joseph ang pagsasalin. …

Nagsimula ang Panunumbalik

Sa edad na 23, isinasalin ni Joseph ang mga lamina nang mabasa [niya at ng kanyang tagasulat], [si] Oliver [Cowdery,] ang isang talata hinggil sa pagbibinyag para sa ikapapatawad ng mga kasalanan. … Gusto nilang matuto pa. Alam ni Joseph ang gagawin.

Noong Mayo 15, 1829, nagpunta sa kakahuyan [sina Joseph at Oliver] para magtanong sa Panginoon. Habang nagdarasal, nagpakita si Juan Bautista sa isang “ulap ng liwanag” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:68). Siya ang nagbinyag sa Tagapagligtas noong nasa mundo ito [at] hawak niya ang mga susi ng priesthood na kailangan para maisagawa ang ordenansa sa pamamagitan ng awtoridad ng Diyos.

Ipinatong … ni Juan … ang kanyang mga kamay sa [mga ulo nina Joseph at Oliver] at iginawad sa kanila ang Aaronic Priesthood (tingnan sa D at T 13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–69). … Noong patapos ang Mayo o mga unang araw ng Hunyo 1829, ang Melchizedek, o mas mataas, na Priesthood ay iginawad kina Joseph at Oliver nina Apostol Pedro, Santiago, at Juan.

Larawan
conferring the Aaronic Priesthood

Restoration of the Melchizedek Priesthood, ni Walter Rane

Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay natapos din sa buwan … ng Hunyo [ng taong iyon], at nalathala ang aklat … noong Marso 26, 1830. … Makaraan [ang ilang araw] … noong Abril 6, pormal nang inorganisa ang Simbahan. … Tulad ng propesiya ni Pablo, ang sinaunang Simbahan ni Cristo ay muling naitatag sa lupa.

Ngunit di pa tapos ang Panunumbalik. [Ang Kirtland Temple, ang unang templong itinayo sa dispensasyong ito, ay] inilaan … noong Marso 27, 1836. Makaraan ang isang linggo, noong Abril 3, isang pulong ang idinaos doon. Kasunod ng taimtim na dalangin, [nagpakita kina] Joseph at Oliver ang Panginoong Jesucristo. … Sina Moises, Elias, at Elijah ay nagpakita rin [sa Kirtland Temple] at iginawad ang mga susi ng kaharian … kay Joseph (tingnan sa D at T 110).

Larawan
in the Kirtland Temple

Detalye mula sa Jesus Christ Appears to the Prophet Joseph Smith and Oliver Cowdery, ni Walter Rane

Isang Huwaran para sa Atin na Sundin

Mga kapatid, nakikita ba natin ang huwaran? Bawat mahalagang pangyayari ng Panunumbalik—ang Unang Pangitain, ang pagpapakita ni Moroni at paglitaw ng Aklat ni Mormon, ang panunumbalik ng priesthood, [at] ang pagpapakita ni Jesucristo … [sa] Kanyang banal na templo—ay pinangunahan ng panalangin. …

[Maraming beses na] nadama ko ang di maitatatwang patotoo ng Espiritu ng Diyos, na nagaalab sa aking puso, na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay totoo. … [Kung hindi ninyo alam ang mga bagay na ito sa inyong mga sarili,] ipinapayo kong tanggapin ninyo ang paanyaya ni Moroni sa Aklat ni Mormon: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:4–5). …

… Sundan ang halimbawa ni Joseph Smith at ang huwaran ng Panunumbalik. Bumaling sa mga banal na kasulatan. Lumuhod at manalangin. Magtanong nang may pananampalataya. Makinig sa Espiritu Santo. At sa ngalan ni Jesucristo, ipinangangako ko, kung “magtatanong [kayo] … [sa Ama sa Langit] nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa mga kautusan [ng Panginoon], tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito” (1 Nephi 15:11).