2018
Ang Huli at Malungkot na Paglalakbay ng Tagapagligtas
April 2018


Ang Huli at Malungkot na Paglalakbay ng Tagapagligtas

Larawan
the saviors final lonely journey PDF 1
Larawan
the saviors final lonely journey PDF 2
Larawan
the saviors final lonely journey PDF 3

Buong buhay Niya sa mundo, maraming landas ang tinahak ng Tagapagligtas—ang paglalakbay Niya mula sa Bethlehem patungong Egipto noong bata pa, ang 40 araw na paglalakbay Niya sa ilang, ang marami Niyang paglalakbay sa mga lungsod, nayon, at tahanan upang magturo, magpagaling, at magkaloob ng pagpapala sa panahon ng Kanyang ministeryo, at iba pa. Ngunit may paglalakbay na kinailangang haraping mag-isa ng Tagapagligtas, at isang paglalakbay ito na Siya lamang ang may kayang tumahak.

“Sa Linggo ng Pagkabuhay ipinagdiriwang natin ang pinakahihintay at pinakamaluwalhating kaganapan sa kasaysayan ng mundo.

“Iyon ang araw na nagbago ang lahat.

“Sa araw na iyon, nagbago ang buhay ko.

“Nagbago ang buhay ninyo.

“Ang tadhana ng lahat ng anak ng Diyos ay nagbago.”

Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 107.

Pagdurusang Walang Katulad

Larawan
Jesus in Gethsemane

O Ama Ko, ni Simon Dewey

“Walang mortal na isipan ang makauunawa sa buong kabuluhan ng ginawa ni Cristo sa Getsemani.

“Alam nating lumabas ang maraming patak ng dugo mula sa bawat butas ng kanyang balat nang inumin niya ang mapait na sarong ibinigay sa kanya ng kanyang Ama.

“Alam nating nagdusa siya, kapwa sa katawan at espiritu, nang higit kaysa kayang tiisin ng tao, maliban sa kamatayan.

“Alam natin na sa paraang hindi natin maunawaan, tinugon ng kanyang pagdurusa ang mga hinihingi ng katarungan, tinubos ang nagsisising mga kaluluwa mula sa mga pasakit at parusa ng kasalanan, at kinaawaan ang mga naniniwala sa kanyang banal na pangalan.

“Alam natin na napahandusay siya sa lupa sa sobrang sakit at pagdurusa sa napakabigat na pasaning naging dahilan para siya ay manginig at magnais na kung maaari ay hindi niya lagukin ang mapait na saro.”

Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “The Purifying Power of Gethsemane,” Ensign, Mayo 1985, 9.

Personal na Pagsasabuhay: Bagama’t hindi natin laging nauunawaan, ang Tagapagligtas ay dumanas ng lahat ng uri ng pagdurusa sa Pagbabayad-sala. Nauunawaan Niya ang lahat ng sakit sa katawan, mula sa pagkabali ng buto hanggang sa pinakamalalang karamdaman. Naranasan Niya ang madilim at kawalan ng pag-asa ng isipang puno ng alalahanin na gaya ng depresyon, pagkabalisa, adiksyon, kalungkutan, at pagdadalamhati. At nadama Niya ang bawat espirituwal na sugat dahil inako Niya ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, ‘Sa sandali ng kahinaan maaari nating ibulalas, ‘Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.’ Ngunit lubos itong nalalaman at nauunawaan ng Anak ng Diyos, dahil naranasan at pinasan Niya ang mga pasanin ng bawat isa sa atin” (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Liahona, Mayo 2014, 90).

Siya Lamang ang May Kakayahan

Larawan
carrying the cross

Prosesyon Papunta sa Kalbaryo, ni Bernardo Cavallino, sa Chrysler Museum of Art

“Ang Kanyang ginawa ay Diyos lamang ang makagagawa. Bilang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman, nagmana si Jesus ng mga banal na katangian. Siya lamang ang tanging ipinanganak sa lupa na makagagawa ng pinakamahalaga at makalangit na gawain. Bilang tanging walang-bahid-dungis na Tao na nabuhay sa mundo, hindi Siya saklaw ng kamatayang espirituwal. Dahil sa Kanyang pagkadiyos, taglay rin niya ang kapangyarihan laban sa kamatayang pisikal. Gayon Niya ginawa para sa atin ang hindi natin magagawa para sa ating sarili. Pinagtagumpayan Niya ang kamatayang pisikal. Dahil din sa Kanya ay napasaatin ang pinakadakila at matiwasay na aliw na handog ng Espiritu Santo.”

Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang Pagbabayad-sala: Ang Ating Pinakadakilang Pag-asa,” Liahona, Ene. 2002, 20.

Personal na Pagsasabuhay: Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, kinalag ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan at tinubos tayong lahat mula sa ating mga kasalanan nang sa gayon ay magtamo ng buhay na walang-hanggan ang bawat tao. Siya lamang ang may kakayahang isakatuparan ang gayong nakasisindak at imposibleng tungkulin. Kapag nahaharap tayo sa mahihirap na pagsubok, makakukuha tayo ng lakas-ng-loob sa kaalamang tunay na kayang gawing posible ng Tagapagligtas ang mga bagay na imposible.

Hindi Siya Tumalikod

Larawan
the burial

Ang Paglilibing, ni Carl Heinrich Bloch

“Sa burol na tinatawag na Kalbaryo, habang nakamasid ang walang magawang mga disipulo, ipinako ang Kanyang sugatang katawan sa krus. Walang awa Siyang inalipusta at hinamak at pinagtawanan. …

“Lumipas ang mga oras ng paghihirap habang unti-unti Siyang pumapanaw. Mula sa Kanyang tuyot na mga labi nagmula ang mga katagang, ‘Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga.’ …

“Sa huling sandali, maaari sana itong talikuran ng Panginoon. Ngunit hindi Niya ito ginawa. Pinagtagumpayan Niya ang lahat ng bagay upang mailigtas Niya ang lahat ng bagay. Ang Kanyang walang buhay na katawan ay mabilis ngunit magiliw na inilagak sa isang hiram na libingan.”

Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Siya’y Nagbangon!” Liahona, Mayo 2010, 89.

Personal na Pagsasabuhay: Dumanas Siya ng labis na pagdurusa, kalungkutan, at kawalan ng pag-asa, gayunman nakapagtiis hanggang katapusan ang Tagapagligtas at tinahak ang Kanyang paglalakbay sa buhay na ito nang kapuri-puri—maging sa paghiling sa Kanyang Ama na patawarin ang mga nagpako sa Kanya sa krus. Dahil sa Kanyang perpektong halimbawa, magagawa nating harapin ang sarili nating mga pagsubok at paghihirap nang kapuri-puri, at sa tulong Niya magagawa rin nating makapagtiis hanggang wakas.

Ang Maraming Saksi sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli

Larawan
Mary at the tomb

Babae, Bakit Ka Umiiyak? Ni Mark R. Pugh

“Naniniwala ako sa maraming saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na ang mga karanasan at patotoo ay matatagpuan sa Bagong Tipan—si Pedro at ang kanyang mga kasama sa Labindalawa at ang minamahal at dalisay na si Maria ng Magdala, bukod pa sa iba. Naniniwala ako sa mga patotoong matatagpuan sa Aklat ni Mormon—ni Nephi na Apostol at ng hindi pinangalanang mga tao sa lupaing Masagana, bukod pa sa iba. At naniniwala ako sa patotoo nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na, matapos ang marami pang patotoo, ay nagpahayag ng dakilang pagsaksi sa huling dispensasyong ito ‘na siya ay buhay! Sapagkat siya ay aming nakita.’ Sa sulyap ng Kanyang matang nakakakita sa lahat, sumasaksi ako na si Jesus ng Nazaret ang nabuhay na mag-uling Manunubos, at pinatototohanan ko ang lahat ng iba pang bunga ng katotohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Nawa’y maniwala at mapanatag kayo sa patotoong iyan.”

Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2014, 114.

Personal na Pagsasabuhay: Bagama’t hindi tayo kabilang sa mga nakasaksi sa pagkabuhay na mag-uli at perpektong katawan ng Manunubos, tayo ay maaari pa ring tumayong mga saksi Niya ngayon. Maaari nating ituon ang ating buhay sa Kanya sa tuwina, anumang oras o lugar tayo naroroon. Sa tuwing inaalay natin ang ating mga puso’t kamay sa pagtulong sa iba; nagpapakita ng kahinahunan, kabaitan, at respeto sa lahat; nagtatanggol sa katotohanan; at nagbabahagi ng ating mga patotoo sa ebanghelyo, tayo ay tumatayong mga tunay na saksi ni Jesucristo.

Hindi Natin Kailangang Maglakad na Mag-isa

Larawan
Christ walking along the shores

Detalye mula sa Sabayan Mo Ako sa Paglakad, ni Greg Olsen, hindi maaaring kopyahin

“Isa sa mga napakalaking kasiyahan sa panahong ito ng Paskua ay dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo, at malungkot na daan nang nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon. Dahil sa Kanyang malungkot na paglalakbay tayo ay may karamay sa ating mga munting pagdurusa—ang mahabaging pagkalinga ng ating Ama sa Langit, ang palagiang pagsubaybay ng Pinakamamahal na Anak, ang lubos na kaloob ng Espiritu Santo, mga anghel sa langit, mga kamag-anak sa magkabilang panig ng tabing, mga propeta at apostol, guro, lider, at kaibigan. Lahat ng ito at marami pa ang ibinigay sa atin para makasama sa ating mortal na paglalakbay dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Dahil sa nangyari sa Calvario alam natin ang katotohanan na hindi tayo iiwang mag-isa o walang tulong, kahit ganoon minsan ang pakiramdam natin. …

“… Maging tapat sana tayo kay Jesucristo ‘sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan,’ dahil tiyak na ganoon Siya naging tapat nang Siya ay namatay para sa atin at nang kailangan Niyang lubusang mapag-isa.”

Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 88.

Personal na Pagsasabuhay: Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, isaisip ang huli at malungkot na paglalakbay ng Tagapagligtas. Isinakripisyo Niya ang lahat ng mayroon Siya nang sa gayon kayo at bawat tao sa mundo ay maaaring maging malinis at magtamo ng buhay na walang-hanggan. Matuto mula sa Kanyang perpektong halimbawa. Lagi Siyang isaisip at isapuso. At laging tandaan na hindi kayo nag-iisa kailanman. Dahil natiis Niya nang buong-buo at nag-iisa ang Kanyang paglalakbay, hindi Niya kayo iiwanang mag-isa. Walang-hanggan at hindi magbabago ang Kanyang pagmamahal sa inyo, at handa Siyang pagkalooban kayo ng kapayapaan, kapanatagan, at pag-asa sa pagpapatuloy ng inyong sariling paglalakbay. Ang Kanyang kaloob na Pagbabayad-sala ay walang katapusan, at ito’y inialay sa inyo.