2018
Nakadaramang Muli ng Kapanatagan
April 2018


Nakadaramang Muli ng Kapanatagan

Judy Rascher, Colorado, USA

Hindi ako handa para sa tawag ng aking kapatid na lalaki. “Pumanaw na si nanay,” sabi niya. “Bumagsak siya at nabagok ang kanyang ulo.”

Nagulat ako. Wala na ang inay ko, at kausap ko lang siya noong gabi bago nangyari iyon. Palagi kong tinatanong ang aking sarili kung bakit nangyari ito. Hindi ko maunawaan kung bakit niya ako kailangang iwan. Nagalit ako! Kinimkim ko ang aking galit nang ilang linggo.

Kalaunan, nagpasiya ako kung sino ang dapat sisihin. Ito ay kasalanan ng Diyos. Kinuha Niya siya agad mula sa akin. Hindi nakita ng aking nanay ang maraming mahahalagang pangyayari sa aking buhay, at naisip ko na dahil ito sa Kanya. Hindi pa ako miyembro ng Simbahan noon, subalit ako ay isang tapat na Kristiyano. Sa halip na umasa sa Diyos para sa lakas, ako ay tumalikod sa Kanya at inalis Siya sa buhay ko.

Sobrang nangulila ako sa aking nanay. Habang lumalaki ako, ang aking tahanan kasama ang aking mga magulang ay isang ligtas na lugar. Kahit saanman ako o anuman ang ginagawa ko, bawat pagkakataon na makipag-usap ako sa aking nanay o makasama siya, panatag ang pakiramdam ko. Ngayon, ang “panatag” na pakiramdam na minahal ko ay wala na.

Lumipas ang mga taon, at halos lubos nang nawala ang aking pananampalataya. Sinikap kong maunawaan kung bakit kinailangang mamatay ng aking nanay, subalit walang nagbigay sa akin ng kapayapaan. Pagkatapos, sa loob ng mga isang linggo, ang sumusunod na saloobin ay paulit-ulit na pumasok sa aking isipan: kailangan kong umasa sa kalangitan para sa pang-unawa. Sinabi ko ito sa aking minamahal na kaibigan na miyembro ng Simbahan. Tinanong niya ako kung nais kong matuto pa tungkol sa kanyang pananampalataya.

Hindi ko nabatid kaagad, subalit ginising ng Espiritu ang aking kaluluwa mula sa mahimbing na tulog. Habang mas natuto ako tungkol sa ebanghelyo, mas nadama ko na natagpuan kong muli ang isang panatag na lugar. Ang pakiramdam ng pagiging “panatag” ay bumalik.

Nabinyagan ako noong Mayo 2013. Nagpapasalamat ako na bumalik ang aking pananampalataya. Hindi ko na tinalilikuran ang Diyos. Sa halip, niyayakap ko Siya. Malungkot pa rin ako dahil sa biglaang pagpanaw ng nanay ko, ngunit dahil sa aking pananampalataya sa Diyos, alam ko na isang araw ay “mapapanatag” ako kasama ang aking nanay at ang aking pamilya magpakailanman.