2018
Rakotomalala Alphone, Sarodroa, Madagascar
April 2018


Mga Larawan ng Pananampalataya

Rakotomalala Alphonse

Sarodroa, Madagascar

Nang maging interesado si Rakotomalala sa ebanghelyo, ang pinakamalapit na simbahan ay nasa Antsirabe, isang lungsod 30 milya (50 km) mula sa kanyang nayon sa Sarodroa. Si Rakotomalala at ang isang kaibigan ay nakahanap ng paraan para maglakbay bawat Linggo.

Ngayon, ang Sarodroa ay may maliit na meetinghouse kung saan dumadalo ang higit sa 100 miyembro bawat Linggo. Nakita ni Rakotomalala na tinanggap ng kanyang nayon ang ebanghelyo. May apat nang misyonerong taga-Sarodroa ang naglingkod at patuloy na lumalago ang Simbahan.

Cody Bell, photographer

Noong nagkasakit ang lolo ko, pumunta ako sa Antsirabe upang makasama siya. Maraming beses na binisita ng mga misyonero ang kanyang tahanan. Ako at ang lolo ko ay hindi mga miyembro ng Simbahan, subalit gusto niyang binibisita ng mga misyonero. Isang gabi, binasbasan nila ang aking lolo, at pagkatapos ng isang family home evening, binigyan nila kami ng Aklat ni Mormon.

“Pakibasa po ang aklat na ito at itanong sa Diyos kung totoo ito,” sabi nila.

Nang bumalik ako sa Sarodroa, hindi ko gustong basahin ang Aklat ni Mormon dahil sa palagay ko ay hindi ito totoo. Pagkatapos, isang araw, nagkasakit ako nang matindi kaya hindi ako nakaalis ng bahay nang ilang araw. Habang naghahanap ng anumang magagawa, nakita ko ang Aklat ni Mormon at nagsimula akong magbasa.

Kalaunan, bumalik ako sa Antsirabe at nakipagkita sa mga misyonero. Mas tinuruan pa nila ako tungkol sa Aklat ni Mormon at tungkol kay Propetang Joseph Smith. Sinabi ko sa kanila na hindi natin kailangan ng mga propeta at na wala nang propeta ngayon. Hiniling ng mga misyonero na magdasal ako sa Diyos at magtanong kung may propeta ba ngayon. Nangako sila na sasagutin ako ng Diyos. Nagdasal ako at nadama ko na totoo ang mga sinabi ng mga misyonero.

Gusto kong pumunta sa simbahan, subalit wala akong pera na pampamasahe sa bus. Kinausap ko ang aking kaibigang babae na si Razafindravaonasolo at sinabi niya na maaari kaming magbisikleta. Nagbibisikleta kami nang dalawang oras patungong Sarodroa hanggang Antsirabe bawat Linggo. Kapag napagod na ako sa pagpadyak, aangkas ako sa likod at siya naman ang magpapadyak. Kapag napagod naman siya, magpapalit muli kami ng puwesto.

Kalaunan, ako at ang pamilya ni Razafindravaonasolo ay sumapi sa Simbahan. Nagsisimba kami sa Antsirabe hanggang magkaroon ng branch sa Sarodroa. Napakasaya namin na makapagsisimba na kami sa aming sariling nayon!

Ang ama ni Razafindravaonasolo ang tinawag na maging branch president. Isang araw ay kinausap niya ako at hinikayat akong maghandang magmisyon. Hindi ko naisip na magagawa kong maglingkod, subalit tiniyak niya ako na magagawa ko. Tinanggap ko ang tawag na maglingkod sa Madagascar Antananarivo Mission. Kasal na ako ngayon at mayroon nang dalawang anak. Nagpapasalamat ako para sa aking pamilya, at mas marami akong karanasan kaysa sa maibabahagi ko na tumulong sa akin na malaman na totoo ang Simbahan na ito.

Larawan
Rakotomalala and friend

Matapos sumapi sa Simbahan, naglingkod si Rakotomalala (kanan) sa Madagascar Antananarivo Mission, at naglingkod si Razafindravaonasolo (kaliwa) sa Democratic Republic of the Congo Kinshasa Mission.

Larawan
sitting inside the chapel

Noong 2013, itinayo ng mga miyembro sa Sarodroa ang maliit na kapilyang kahoy na ito upang gawing simbahan. Si Rakotomalala ay masayang makatulong na mapaganda ang gusali.

Larawan
rice fields

Karaniwang tanim sa Madagascar ang palay. Halos lahat ng taga-Saradroa ay nagtatrabaho sa mga palayan upang suportahan ang kanilang mga pamilya.

Larawan
constructing a chapel

Habang patuloy sa paglago ang Simbahan, nangailangan ang mga miyembro sa Sarodroa ng bagong kapilya. Dahil may bagong kapilyang katabi, si Rakotomalala at ang iba pa ay nagsumikap na gawing mga silid-aralan at opisina ng bishop ang dating kapilyang kahoy.

Larawan
sitting outside the chapel

Mula noong mga panahong nagbibisikleta sila nang dalawang oras patungo sa simbahan bawat Linggo, nanatiling mabuting magkaibigan sina Rakotomalala at Razafindravaonasolo. Nagpapasalamat sila para sa mga pagpapalang inihatid ng ebanghelyo sa kanila at sa kanilng mga pamilya.

Larawan
standing in front of a new chapel

Nakatayo sina Rakotomalala at Razafindravaonasolo sa harapan ng bagong kapilya sa Sarodroa. Ang kapilyang ito, na gawa sa konkreto at laryo, ay itinayo ng mga miyembro.