2018
Anim na Simbolo ng Paskua na Maaaring Makapagpabago sa Inyong Pananaw sa Pasko ng Pagkabuhay
April 2018


Anim na Simbolo ng Paskua na Maaaring Makapagpabago sa Inyong Pananaw sa Pasko ng Pagkabuhay

Kapag ginugunita natin ang simbolismo ng Paskua, ang ating pang-unawa at kagalakan sa realidad ng pagkabuhay na mag-uli ay lumalalim.

Larawan
table set with passover meal

Gustung-gusto ko kapag Pasko ng Pagkabuhay, isang pista-opisyal ito na gumugunita sa pagpapalaya ni Jesucristo sa mga anak ng Diyos mula sa pagkaalipin ng kamatayan at impiyerno.

Gayunman, 1500 taon bago pa naganap ang Pagkabuhay na Mag-uli, may isa pang katulad na banal na araw ng paggunita sa pagpapalaya ni Jehova sa mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto.

Ipinapaalala ng Pasko ng Pagkabuhay ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas; ibinabadya naman ito ng Paskua. Magkasamang mapalalalim ng mga ito ang ating pang-unawa sa Pagkabuhay na Mag-uli. Mababasa sa ibaba ang ilang pagkakaugnay ng Paskua at Pasko ng Pagkabuhay:

Paskua

Pasko ng Pagkabuhay

1. Ang Paskua ay nagtatampok sa handog na korderong lalaki na walang kapintasan (tingnan sa Exodo 12:5), na walang mga nabaling buto (tingnan sa Exodo 12:46).

1. Si Jesus ang Kordero ng Diyos (tingnan sa Juan 1:29), walang kasalanan at mga nabaling buto (tingnan sa Juan 19:36).

2. Ang tinapay na walang lebadura, at walang amag (tingnan sa Bible Dictionary, “Leaven”), ay bahagi ng kapistahan ng Paskua (tingnan sa Exodo 12:8, 15).

2. Si Jesus ang Tinapay ng Kabuhayan, na hindi masusumpungan ng karumihan (tingnan sa Juan 6:35).

3. Ang mapapait na gulay, na simbolo ng pagkaalipin ng mga Israelita, ay bahagi ng kapistahan ng Paskua (tingnan sa Exodo 12:8).

3. Bagama’t maaari tayong madala sa pagkaalipin ng kasalanan, gayunman dahil nilagok ni Jesus ang mapait na saro (tingnan sa D at T 19:18), makakaya nating kumawala rito sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22).

4. Dapat kumain nang dali-dali sa kapistahan ng Paskua (tingnan sa Exodo 12:11).

4. Ang katawan ng Tagapagligtas ay dali-daling inihanda para ilibing (tingnan sa Juan 19:31).

5. Nakaligtas sa kamatayan ang mga sumampalataya na nagpinta ng dugo ng kordero sa mga haligi ng kanilang mga pintuan (tingnan sa Exodo 12:7, 13).

5. Ang mga sumasampalataya na simbolikong umiinom ng dugo ng Kordero kada linggo sa oras ng sacrament at “lagi siyang [inaalaala]” (D at T 20:77, 79) ay maliligtas mula sa espirituwal at pisikal na kamatayan (tingnan sa Mosias 4:2).

6. Kinabukasan, pagkamatay ng mga panganay na anak, ipinahayag ang kalayaan ng mga bihag na Israelita (tingnan sa Exodo 12:29–32).

6. Kinabukasan, pagkamatay ng Panganay na Anak, ipinahayag ni Jesus ang kalayaan ng mga bihag sa Daigdig ng mga Espiritu (tingnan sa D at T 138:18, 31, 42).