2018
Ang Katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli
April 2018


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2014.

Katunayan, pangalan ni Jesucristo lamang ang daan para maligtas ang sangkatauhan.

Larawan
cloths on a bench

Paglalarawan ni Yajaira Ramos

Isipin sandali ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa pagpapasiya sa huli ng tunay na pagkatao ni Jesus ng Nazaret at ng mga argumento at tanong sa buhay ng mga pilosopo. Kung totoong si Jesus ay literal na nabuhay na mag-uli, kung gayo’y isa Siyang banal na nilalang. Walang mortal ang may kapangyarihang buhayin ang kanyang sarili matapos mamatay. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, hindi maaaring si Jesus ay naging isa lamang karpintero, guro, rabbi, o propeta. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, si Jesus ay dapat maging Diyos, maging ang Bugtong na Anak ng Ama.

Samakatwid, ang itinuro Niya ay totoo; ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling.

Samakatwid, Siya ang Lumikha ng daigdig, tulad ng sinabi Niya.

Samakatwid, totoong may langit at impiyerno, tulad ng itinuro Niya.

Samakatwid, may daigdig ng mga espiritu na pinuntahan Niya pagkamatay Niya.

Samakatwid, paparito Siyang muli, tulad ng sabi ng mga anghel, at “maghahari … sa mundo” [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10].

Samakatwid, may huling Paghuhukom at Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat.

Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang mga pag-aalinlangan tungkol sa lubos na kapangyarihan, kaalaman, at kabaitan ng Diyos Ama—na ibinigay ang Kanyang Bugtong na Anak para matubos ang sangkatauhan—ay walang katotohanan. Ang mga pag-aalinlangan tungkol sa kahulugan at layunin ng buhay ay walang batayan. Katunayan, pangalan ni Jesucristo lamang ang daan para maligtas ang sangkatauhan. Ang biyaya ni Cristo ay totoo, na kapwa nagpapatawad at naglilinis sa nagsisising makasalanan. Tunay ngang ang pananampalataya ay higit pa sa imahinasyon o kathang-isip. May mahalagang katotohanan para sa lahat, at may layunin at di-nagbabagong mga pamantayang moral, tulad ng itinuro Niya.

Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang pagsisisi sa anumang paglabag sa Kanyang batas at mga utos ay posible at dapat gawin agad. Ang mga himala ng Tagapagligtas ay totoo, tulad ng Kanyang pangako sa Kanyang mga disipulo upang gawin din nila iyon at ang mas dakila pang mga gawain. Ang Kanyang priesthood ay talagang totoong kapangyarihan na “nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos. Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” [D at T 84:19–20]. Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, hindi kamatayan ang ating wakas, at bagaman “magibang ganito ang [ating] balat, [g]ayon ma’y makikita [natin] ang Dios sa [ating] laman.” [Job 19:26].