2018
Ang Bahaging para sa Atin
March 2018


Ang Bahaging para sa Atin

“Masaya Ako’t Inanyayahan Mo Ako”

Larawan
—Two teens (boy and girl) talking on phones.

Mga paglalarawan ni Alyssa Petersen

Noong unang makipagdeyt ako kay Nate, nagulat ako nang malaman kong hindi siya Latter-day Saint. Napakagalang niya, ngunit pagdating ko sa bahay, hindi ako sigurado kung makikipagdeyt ulit ako sa kanya.

Nang sumunod na linggo, tumawag si Nate na inaalam kung nais kong lumabas kami sa New Year’s Eve. “Sori, Nate,” sabi ko. “Linggo ng gabi iyan, at manonood kami ng pamilya ko ng isang broadcast mula sa Unang Panguluhan.” Naramdaman ko ang isang kislap ng pahiwatig at idinagdag, “Maaari mo kaming samahan sa panonood kung gusto mo.” Nagulat ako nang sumagot siya ng oo.

Nadama ko ang Espiritu nang buong lakas dahil hinihikayat tayo ng propeta na magtakda ng mga mithiing maglalapit sa atin kay Cristo. Nakinig si Nate sa lahat ng salitang binigkas. Nang makauwi na siya, napanatag at napayapa ako. Kinabukasan, tinawagan niya ako.

“Gusto kong magpasalamat sa pag-anyaya mo sa akin kagabi,” sabi niya. “Lahat ng kaibigan ko ay magpa-party, at ayokong pumunta dahil alam kong may hindi magagandang bagay na mangyayari roon. Masaya ako’t inanyayahan mo ako. Ang ganda ng pakiramdam ko.”

Nadama ko na sinasabi sa akin ng Espiritu na tama ang ginawa ko. Ang pagiging palakaibigan ang nakatulong kay Nate na madama ang mga pagpapala ng pamumuhay nang matuwid. Alam kong may malasakit ang Diyos sa ating lahat at lagi Niya tayong tutulungang piliin ang tama.

Rachel H., Texas, USA

Naligaw sa Tijuana

Isang taon, nagpunta kami ng pamilya ko sa Tijuana, Mexico, para dalawin ang ilang miyembro doon at ihatid ang ilang mga gamit sa mission home. Gayunman, nang matawid namin ang hangganan sa pagitan ng California, USA, at Mexico, kami ay naligaw. Wala ni isa man sa amin ang may dala ng cell phone, kaya naman walang paraan para matawagan namin ang sinuman upang hingan ng tulong.

Sa huli, nagmungkahi ang kapatid ko na pumarada muna kami sa tabi ng kalsada at magdasal. Pumikit kaming lahat at nagsiyuko nang magdasal siya. Nang matapos siya, nagmulat ako at ang una kong nakita ay isang taxi na may sticker—ng San Diego California Temple! Napasigaw ako, “Ang templo!”

Isa sa mga kapatid kong babae ang dali-daling lumabas ng kotse at tinakbo ang taxi, na huminto sa daloy ng trapiko. Sandali niya itong kinausap at pagkatapos ay tumakbong pabalik at sinabi sa amin na sinabi nitong sundan namin siya. Sinundan namin siya sa pagsikut-sikot niya sa daloy ng trapiko at sa pagbagtas sa mga kalsada sa Tijuana hanggang sa makarating kami sa mission home.

Pinatibay ng karanasang ito ang patotoo ko na buhay ang Ama sa Langit at binabantayan tayo. Napakasarap ng pakiramdam ng matapat na nagdarasal bilang isang pamilya, at tunay ngang pinakikinggan ng Diyos ang ating mga dalangin.

Corbin D., California, USA

Gawa na Ba Talaga ang Family History Ko?

Larawan
family history chart

Gusto ko talagang makatulong sa paggawa ng family history ko, ngunit ang aking ama ay may pitong henerasyon sa kanyang family tree, at kumpleto na ang lahat ng ordenansa sa templo. Sa loob ng 11 taon, wala siyang nakuhang karagdagang impormasyon tungkol sa kanyang pamilya. Ang hangarin at pag-asa ko ay naglaho. Bigong sinabi ko sa aking sarili, “Gawa nang lahat ang family history ko. Saan ako kukuha ng mga pangalang dadalhin sa templo?”

Nagpasiya akong tingnan ang mga impormasyon ng aking ama sa kanyang FamilySearch tree at may tinig na nagsabi sa akin na marami pang kailangang gawin. Nagsimula akong maghanap ng impormasyon sa buong internet. Nakakita ako ng maraming taong kaapelyido ko, ngunit wala akong nakitang kaugnayan sa mga taong iyon.

Nang halos nawawalan na ako ng pag-asa, nagpasiya akong mag-ayuno kasama ng aking ina para magtagumpay sa aming family history. Nang sumunod na Linggo ng umaga samantalang naghahanda kami para magsimba, naghanap na naman ako gamit ang internet, at hindi inaasahang natagpuan ko ang isang pahina ng impormasyon na hindi ko pa kailanman nakita. Isa itong himala!

Sa tulong ng bagong impormasyon, ako, sa edad na 14, ay nakapagdala ng 400 pangalan ng pamilya sa templo. Napakasaya ko. Ang pinakagusto kong parte ay ang pagbabahagi ng mga pangalang iyon sa mga kabataan at nakikita ang kanilang kaligayahan dahil sa maraming card sa kanilang mga kamay.

Nagpapatotoo ako sa dakila at kamangha-manghang gawaing ito. Kapag gumagawa tayo ng family history, tumutulong ang Espiritu para magtagumpay tayo at inaantig ang ating puso.

Guillermo T., Chile