2018
Pagtatanim ng mga Binhi ng Ebanghelyo sa Puso ng Aking Ina
March 2018


Pagtatanim ng mga Binhi ng Ebanghelyo sa Puso ng Aking Ina

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ginawa ko ang lahat na maiisip ko upang turuan ang aking ina tungkol sa Simbahan, ngunit isang open house sa templo ang nagdulot ng lahat ng kaibhan.

Larawan
planting gospel seeds

Mga imahe mula sa Getty Images

Sumapi ako sa Simbahan noong 14 taong gulang ako. Pinayagan ako ng aking mga magulang na magpabinyag, ngunit wala ni isa sa kanila ang interesado sa pagsapi o kahit mag-aral tungkol sa Simbahan.

Sa mahigit na 10 taon, ninais kong malaman ng aking pamilya ang kaligayahan na naramdaman ko sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, ngunit noong dekadang iyon, nagsimba ako, natanggap ang aking endowment, at naglingkod sa full-time mission nang walang suporta ng pamilya.

Nang bumalik ako sa Mexico kasunod ng aking misyon sa Temple Square sa Salt Lake City, Utah, USA, nanirahan ako kasama ang aking ina. (Nagdiborsiyo ang mga magulang ko habang nasa high school ako.) Nagsimula akong magtrabaho sa Mexico Missionary Training Center, kaya matalinong inanyayahan ko siya upang makilala ang mga elder at sister na tinuturuan ko. Hindi kapansin-pansin (at paminsan-minsan ay kapansin-pansin) kong inanyayahan ang mga missionary na naglilingkod sa aking ward na samahan kami ng aking ina sa paghahapunan. Ginawa ko ang lahat ng magagawa ko upang makasalamuha niya ang mga missionary, umaasa na maaari siyang magtanong nang higit pa tungkol sa ebanghelyo, ngunit ang aking mga pagsisikap ay tila walang kabuluhan.

Sa palagay ko nakilala niya ang bawat magkasamang missionary na nakaugnayan ko sa tatlong taon na iyon, at wala pa ring nangyari.

Noong 2008, lumipat ako sa Estados Unidos upang matamo ang isang degree sa nursing. Sa pagtatapos ng taon, kasunod ng malawakang pagbabago, nagdaos ang Mexico City Mexico Temple ng isang open house. Hinimok ko ang aking ina na magpunta at makita kung ano ang lahat tungkol sa templo habang may pagkakataon siya. Pagkatapos ng labis na paghimok na ginawa ko, sumang-ayon siya na magbiyahe ng 70-milya (113 km) upang dumalo sa open house.

Nang muli ko siyang makausap, ibinulalas niya ang tungkol sa kamangha-manghang karanasan niya. Sinabi niya sa akin na may plano siyang bumalik muli. Sa katunayan, nagawa niyang pumunta nang maraming beses pa sa loob ng natitirang linggo ng open house. Dumalo pa nga siya sa kultural na pagdiriwang bago ang muling paglalaan ng templo.*

Nang sumunod na pag-uusap namin sa telepono, sinabi ni Inay na aanyayahan niya ang mga missionary na turuan siya. Tila mula sa kawalan, nagtatanong siya at nagtutuon ng pansin sa mga paraan na matagal nang inaasahan ko. Nang umuwi ako sa Kapaskuhan habang wala akong pasok sa eskuwela, napansin ko na siya ay naiiba. Bagamat siya ay palaging mabait at mahabagin, nagkaroon ng malalim na pagbabago sa kanya—isang pagbabagong-loob.

Nagbalik ako sa paaralan na namamangha sa kung ano ang nagaganap. Pagkaraan ng isang linggo, tumawag si Inay at sinabing, “Sonia, nais ko lang malaman kung kailan ka babalik sa Mexico, dahil bibinyagan ako.”

Labis-labis ang tuwa ko, masayang-masaya! Umuwi ako noong Pebrero para sa kanyang binyag. Kamangha-mangha sa akin na makita siyang dumadalo sa simbahan, makita siyang tumatanggap at naglilingkod sa isang tungkulin, at lumalago sa ebanghelyo. Alam ko na alam niya na totoo ito.

Nakapagbibigay-lakas ding marinig siyang nagdarasal. Naantig akong marinig lalo na ang kanyang panalangin para sa akin at sa aking kaligtasan bago ako bumalik sa Estados Unidos. Walang katulad ang panalangin ng isang magulang para sa isang anak.

Bakit hindi agad naganap ang mga bagay-bagay? Hindi ko alam. Marahil ay kailangan muna ng aking ina na magkaroon ng mga binhi na naitanim sa kanyang buhay bago niya matanggap ang ebanghelyo. Marahil naantig siya ng templo sa isang paraan at sa isang pagkakataon na hindi magagawa ng aking mas maagang pagsisikap. Ang makita ang pagkilos ng Panginoon sa buhay ng aking ina ay nagpapaalala sa akin ng mga oras na nakita ko ang Kanyang kamay sa sarili kong buhay, at ito ay nagbibigay sa akin ng malaking pag-asa para sa kung ano ang maipahahayag Niya sa buhay ng iba pang mga miyembro ng aking pamilya.

Alam ko na alam ng Panginoon ang nangyayari sa atin at pinapatnubayan Niya ang ating buhay. Kapag pinahihintulutan ko Siyang patnubayan ang aking buhay, napupunta ako sa mga tamang lugar. Kapag sinusunod ko ang aking sariling kalooban, nagiging mas matagal at karaniwang mas mahirap. Mas gusto kong sorpresahin ako ng Panginoon at ipakita sa akin kung anong mga dakilang bagay na mayroon Siya na nakalaan sa akin.

  • Ang Mexico City Mexico Temple ay muling inilaan noong Nobyembre 16, 2008, ni Pangulong Thomas S. Monson at, kasunod ng pangalawang renobasyon, ay muling inilaan noong Setyembre 15, 2015, ni Pangulong Henry B. Eyring.