2018
Ang Salita ng Diyos para sa Kanyang mga Anak
March 2018


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ang Salita ng Diyos para sa Kanyang mga Anak

Larawan
taking notes during general conference

Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na ang unang ginawa ng Diyos matapos likhain ang lalaki at babae ay kausapin sila.1 Mayroon Siyang mahalagang impormasyon at mga natatanging tagubilin na ibibigay sa kanila. Ang layunin Niya ay hindi para pahirapan o mag-alala sila kundi para gabayan sila tungo sa kaligayahan at walang-hanggang kaluwalhatian.

At simula pa lamang iyon. Mula noon hanggang ngayon, patuloy na nangungusap ang Diyos sa Kanyang mga anak. Ang Kanyang mga salita ay napangalagaan, naingatan, at napag-aralan ng mga disipulo sa bawat henerasyon. Iginagalang ang mga ito ng mga naghahangad na malaman ang kalooban ng Diyos, at nagpapatotoo sa katotohanan na “ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.”2

Ganito na ang nangyayari noong una pa man, at patuloy itong nangyayari ngayon. Hindi lamang ito isang magandang kuwento sa Biblia; ito ang itinatag na paraan ng paghahatid ng Diyos ng mahahalagang mensahe sa Kanyang mga anak. Nagbabangon Siya ng mga tao sa ating paligid, tinatawag silang maging propeta, at binibigyan sila ng mga sasabihin, na inaanyayahan tayong “[tanggapin], na parang mula sa sarili [Niyang] bibig.”3 Sinabi Niya, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”4

Ito ang isa sa pinakamaluwalhati, nakahihikayat, at nagbibigay-pag-asang mensahe ng Panunumbalik—hindi nananahimik ang Diyos! Mahal Niya ang Kanyang mga anak. Hindi pa Niya tayo hinahayaang magpagala-gala sa kadiliman.

Dalawang beses sa isang taon, tuwing Abril at Oktubre, may pagkakataon tayong marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod sa ating napakagagandang pangkalahatang kumperensya.

Personal kong pinatototohanan sa inyo na bago pa man maglakad nang mahaba ang isang tagapagsalita sa pangkalahatang kumperensya papunta sa pulpito, nakapag-ukol na siya ng malaking pagsisikap, pagdarasal, at pag-aaral para maihanda ang kanyang mensahe. Bawat mensahe sa kumperensya ay bunga ng maraming oras ng paghahanda at taos-pusong pagsamo na maunawaan ang nais ng Panginoon na marinig ng Kanyang mga Banal.

Ano kaya ang mangyayari kung tutumbasan nating mga tagapakinig ang paghahanda ng mga tagapagsalita? Paano kaya magbabago ang ating pag-uugali sa pangkalahatang kumperensya kung itinuring natin itong isang pagkakataon para makatanggap ng mga mensahe mula sa Panginoon mismo? Sa pamamagitan ng mga mensahe at musika sa pangkalahatang kumperensya, makakaasa tayong makatanggap ng mga kasagutang para lamang sa atin sa mga tanong o problemang maaaring kinakaharap natin.

Kung mapaisip kayo kung talaga bang mangungusap sa inyo ang Ama sa Langit, ipapaalala ko sa inyo ang simple ngunit malalalim na salitang kinakanta ng ating mga batang Primary: “[Ikaw] ay anak ng Diyos, dito’y isinilang.” Layunin Niyang tulungan kayo na “Siya’y makapiling.”

Kung lalapit kayo sa Ama sa Langit bilang Kanyang anak, taos-puso ninyong mahihiling sa Kanya, “Akayin at patnubayan [Ninyo ako] sa tamang daan. Turuan [Ninyo ako] ng gagawin.” Mangungusap Siya sa inyo sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu, at nasa inyo na kung ang “nais N’ya’y susundin.” Ipinapangako ko na kung gagawin ninyo ito, “biyaya’y kakamtin.”5

Ang patnubay ng Panginoon ay kailangan ngayon na katulad sa anumang panahon sa kasaysayan ng mundo. Sa paghahanda nating makinig sa salita ng Panginoon, nawa’y masigasig nating hangarin ang Espiritu ng katotohanan para kapag nangusap ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, tayo’y sama-samang makaunawa, mapatibay, at magalak.6

Pinatototohanan ko na “sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa [atin]; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan [natin], at payayanigin ang kalangitan para sa [ating] ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan.”7