Paglalakbay sa Pamamagitan ng Sinaunang Tabernakulo
Tulad sa mga modernong templo, ang mga simbolo sa tabernakulo ay makapagtuturo sa atin tungkol sa ating paglalakbay pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.
Sa loob ng libu-libong taon, ang mga templo ay naging isang lugar kung saan ginagamit ng Diyos ang mga ordenansa ng priesthood at mga sagradong tipan para ituro sa Kanyang mga anak ang mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa Kanyang plano ng kaligtasan.
Sa kanilang mga paglalakbay sa ilang, inutusan ang mga tao ni Israel na magtayo ng tabernakulo para ang Diyos ay “tumahan sa gitna nila” (Exodo 29:46). “Ang literal na kahulugan ng tabernakulo ay ‘lugar na tirahan’ at tinawag nang gayon sa paniniwala na literal na nanirahan ang Diyos sa loob ng sagradong looban nito. Nang magkampo ang Israel, itinayo ang tabernakulo sa gitna mismo ng kampo (na sumasagisag sa ideya na ang Diyos ang magiging sentro ng buhay ng kanyang mga tao).”1
Isipin ang mga item na ito sa tabernakulo at kung ano ang maituturo nito sa atin tungkol sa pagbalik natin sa kinaroroonan ng Diyos.
Dambana [Altar]: Itinakda ng batas ni Moises ang mga sakripisyong iaalay rito, na nagpapahiwatig sa Tagapagligtas at sa Kanyang “dakila at huling hain” (tingnan sa Alma 34:10). Ang sakripisyo ay maaari ding maging simbolo ng ating pagsisisi—pagtalikod sa ating mga kasalanan at pag-aalay ng bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 3 Nephi 9:19–20; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sakripisyo”).
Hugasang may tubig: Bago pumasok sa dakong banal, ginamit ng mga saserdote ang hugasang tansong may tubig para paghugasan ng kanilang mga kamay at paa (tingnan sa Exodo 30:19–21), na nagpapaalala sa atin na kailangan nating maging malinis habang naghahanda tayong bumalik sa kinaroroonan ng Panginoon (tingnan sa 3 Nephi 27:19–20).
Kandelero: Ang pitong ilawan ay nagliliyab sa dalisay na langis ng olibo, na nagbibigay ng liwanag sa dakong banal (tingnan sa Levitico 24:2–4). Maaari nitong ipaalala sa atin ang Liwanag ni Cristo at ang Espiritu Santo, ang mga pinagmumulan ng espirituwal na liwanag.
Dulang ng Tinapay na Handog: Labindalawang tinapay na walang lebadura ang inilalagay tuwing Sabbath sa dulang ng tinapay na handog, isang salita na nangangahulugang “tinapay na handog sa harap” sa Hebreo (tingnan sa Exodo 25:30). Ang mga tinapay ay kinakain sa dakong banal tuwing Sabbath bilang “pinakatipang walang hanggan” (tingnan sa Levitico 24:5–9).
Dambana ng Kamangyan: Nagsusunog ng kamangyan ang mga saserdote gabi’t umaga sa isang dambanang nasa harapan ng tabing. Ang umaakyat na usok ay maaaring kumatawan sa mga panalanging umaakyat sa langit (tingnan sa Apocalipsis 5:8).
Tabing: Pumapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalang Dako sa pamamagitan ng tabing o lambong. Ang querubin, o mga anghel, ay nakaburda sa tabing o lambong (tingnan sa Exodo 26:31–33; D at T 132:19). Ang tabing o lambong ay maaaring magpaalala sa atin na ngayong natatabingan tayo mula sa kinaroroonan ng Diyos, mahahawi ng dakilang Mataas na Saserdote—si Jesucristo—ang tabing o lambong.
Kabanal-banalang Dako: Pumapasok ang mataas na saserdote sa pinakasagradong bahaging ito ng tabernakulo minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-sala. Ang Kabanal-banalang Dako ay kumakatawan sa kinaroroonan ng Diyos at naroon ang kaban ng tipan, na ang takip ay tinawag na luklukan ng awa. “Diya’y makikipagkita ako sa iyo,” sabi ng Panginoon kay Moises, “at makikipanayam sa iyo” (Exodo 25:22; tingnan din sa Exodo 29:43; 30:36).2