2018
Sundin ang Propeta
March 2018


Sundin ang Propeta

Lahat ng pagpapalang natatanggap ko ngayon ay nagsimula sa pagkakaroon ng patotoo tungkol sa mga makabagong propeta.

Larawan
young man reading Book of Mormon

Mga paglalarawan ni David Malan

Nabinyagan ako noong ako’y 28 taong gulang. Tinanggap ko ang ebanghelyo dahil sa pananampalataya at kaalamang natamo ko tungkol sa mga makabagong propeta.

Noong 12 taong gulang ako, ang mga missionary ay nakilala namin ng pamilya ko—ng mga magulang ko, isang kapatid na lalaki, at dalawang kapatid na babae—at nagbahagi sila tungkol sa pamilya. Sinabi nila na ang mga miyembro ng Simbahan ay may isang gabi para sa pamilya at ipinaliwanag ang family home evening.

Sinabi ng aking ama, “Maraming salamat sa pagdalaw ninyo sa amin, pero hindi kami interesado.” Nalungkot ako nang husto, pero ipinaliwanag niya: “Anak, mayroon tayong pitong araw na gabi ng pamilya, at ang sabi nila sa atin na kailangan lamang natin ng isa. Wala silang maituturo sa atin.”

Lumipas ang limang taon, noong ako’y 17 taong gulang na, nagkatrabaho ako sa ibang lungsod at namuhay nang mag-isa. Noong panahong malayo ako sa aming tahanan, muling kumatok ang mga missionary sa pintuan ng mga magulang ko. Sa pagkakataong ito, nakinig ang pamilya ko at nabinyagan. Nang ipaalam ito sa akin ng mga magulang ko, sinabi ko, “Hindi ako interesado sa relihiyon sa ngayon.”

Lumipas muli ang limang taon, at namalagi ako sa tahanan ng mga magulang ko samantalang nagpapalit ako ng trabaho. Ang aking ama ang ward mission leader, at dinadalaw siya saglit ng mga missionary tuwing hapon para mag-update at i-coordinate ang mga plano. Isang araw tinanong nila siya, “Sino ang binatang iyon?”

Sinabi niya, “Siya ang anak ko na nakatatanda.”

“Miyembro ba siya?”

“Hindi.”

“Kailangan namin siyang makausap.”

Pero ang sabi ko, “Hindi ako interesado.”

Nalaman ang tungkol kay Joseph Smith

Isang araw, pumayag ang aking ama na turuan ng mga missionary sa aming bahay ang isang babae. Dumating sila ng mga alas-5:00 nang hapon at nagsimulang turuan ito—at alam nila na nasa kabilang kuwarto ako’t gumagawa ng sandwich bago umalis para makipagkita sa mga kaibigan ko. Itinuro nila ang tungkol sa isang batang propeta—si Joseph Smith—at ang Unang Pangitain. At mula sa kabilang kuwarto, ako ay nakinig.

Nang sa wakas ay umalis ako ng bahay, nagsimulang kumilos ang Espiritu sa aking puso at may ilang katanungang pumasok sa isipan ko: “Bakit hindi mo gawin ang itinuro ng mga sister sa babaing iyon? Bakit hindi mo pag-aralan ang kasaysayan ni Joseph Smith at tanungin ang Panginoon kung totoong isa siyang propeta?” At sinabi ko sa aking sarili, “Masaya ako. Gumagawa ako ng mabubuting bagay. Hindi ko kailangan iyan.” Pero nagsimula akong bagabagin ng Espiritu, at nagpasiya akong huwag makipagkita sa mga kaibigan ko nang gabing iyon. Umuwi ako ng bahay.

Tinanong ko ang aking ina, “Saan ko po mababasa ang kasaysayan ni Joseph Smith?” Ibinigay niya sa akin ang kanyang mga banal na kasulatan at ipinakita sa akin ang Joseph Smith—Kasaysayan, at binasa at ipinagdasal ko. Binasa ko ang unang talata, pinagnilayan ito, at tinanong ang Ama sa Langit kung totoo ang nakasulat dito. Ginawa ko ito sa bawat talata hanggang sa matapos ko itong basahin. Sabik ang puso ko sa kasagutan. Nagbasa at nagdasal ako buong gabi, hanggang sa alas 9:20 nang sumunod na umaga.

Inihayag ng Panginoon sa akin na si Joseph Smith ay isang propeta. Napakasagrado ng naging karanasan ko. Nang matapos ako sa pagdarasal, nangako ako na hahanapin ko ang mga missionary at magpapabinyag dahil nakatitiyak ako sa kaalamang ito.

Sinabi ko sa mga sister, “Kailangan akong mabinyagan ngayon.” Ipinaliwanag nila ang mga lesson na kailangan kong pakinggan at ang mga pangakong kailangan kong gawin. Pero ang sabi ko, “Ayokong sayangin ang isang araw na ipinaalam ng Panginoon sa akin na si Joseph Smith ay isang propeta.”

Tinawagan ng mga sister ang zone leader nila. Pumayag ito sa mabilis na pagtatakda ng mga lesson. Itinakda niya ang interbyu sa binyag at sinabi sa akin na kailangan din niyang kausapin ang ward mission leader, at sinabi kong, “Huwag mo nang alalahanin iyon, ako ang kakausap sa ward mission leader. Tatay ko siya. Maraming taon na niyang ipinagdarasal na mabinyagan ako.”

Ang binyag ko ay isang karanasang maaalala ko magpakailanman. Kaytamis at kayganda ng pakiramdam. Nadama ko na ibang tao na ako. Malinis ako. Pakiramdam ko’y napakalapit ko sa Diyos, at napakasaya ko.

Pagsunod sa Buhay na Propeta

Dahil matibay ang patotoo ko tungkol sa nangyari sa Sagradong Kakahuyan noong 1820, noon pa ma’y aktibo na ako sa ebanghelyo at sa Simbahan. Nagsimula akong maglingkod, gumanap ng mga calling, at ibigay ang lahat ng makakaya ko sa Simbahan.

Dalawang linggo matapos akong mabinyagan, tinawag ako ng aking stake president bilang pinuno ng young single adults sa aking stake (kahit pa kinailangan kong itanong sa kanya kung ano ang isang stake). Dalawang linggo pa ang lumipas, nag-organisa ako ng isang singles conference sa rehiyon. Ito ang pinakamagandang singles conference sa kasaysayan ng Simbahan, dahil dito ko nakilala ang aking asawa.

Pagkalipas ng isang taon kami ay ikinasal. Kami ay 38 taon nang masayang nagsasama ng asawa ko. May apat kaming anak at 10 apo, at lahat ng pagpapalang tinatamasa namin ay dahil sa pagpapasiyang ginawa namin. Bago kami nagpakasal, tinanong ko siya, “Susuportahan mo ba ako na maging ganap na 100 porsiyentong masunurin sa mga buhay na propeta?” Sinabi niyang, “Oo.”

Matapos akong mabinyagan, ang unang mensaheng narinig ko mula sa propetang si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), ay tungkol sa pagiging self-reliant at matalino sa paghawak ng pera. Sinabi rin niya na bigyan ng magandang edukasyon ang inyong mga anak.1 Ang dalawang dakilang bagay na ito ay itinuro namin sa aming pamilya at naging malaking pagpapala. Maayos ang lagay ng mga anak ko ngayon—hindi dahil sa napakatalino ko; dahil pinili kong sundin ang mga propeta.

Gustung-gusto kong pinaglilingkuran ang Panginoon at ang aking kapwa dahil iyon ang natutunan ko mula sa mga propeta.

Pagkakaroon ng Sarili Mong Patotoo

Larawan
young woman reading scriptures

Sundin ang mga propeta. Pakinggan ang kanilang mga salita at isabuhay ang kanilang itinuturo, at magiging maligaya kayo. Nagmula ang aking pananampalataya at kaalaman tungkol sa Simbahan at sa ebanghelyo sa aking patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta.

Mahal ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Hangad kong makasama Sila magpakailanman. Kaya nga mahalagang makinig sa mga propeta—alam nila ang daan pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.

Sa palagay ko kailangang basahin ng bawat kabataan ang kasaysayan ni Joseph Smith nang may tunay na layunin, bukas ang puso at isipan, at tanungin ang Ama sa Langit. At nakatitiyak ako na sasagutin ito ng Panginoon, gaya ng pagsagot Niya sa akin. Kung babasahin ninyo ang bersyon na mayroon tayo sa mga banal na kasulatan, magkakaroon kayo ng malakas na patotoo. Pagkatapos ay maaari na ninyong basahin ang iba pang bersyon nito.2

Nakita ni Joseph Smith ang liwanag, nakita niya ang Diyos Ama at si Jesucristo, at nakipag-usap Sila sa kanya. Ito ay banal na kaalamang nagmumula sa Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu.

Matapos ninyong matanggap ang pagpapatibay na ito sa inyong puso, magtakda ng mithiin na malaman ang mga salita ng mga buhay na propeta. Pag-aralan ang kanilang mga salita sa mga banal na kasulatan, sa pangkalahatang kumperensiya, Para sa Lakas ng mga Kabataan, mga magasin ng Simbahan, at LDS.org. Alamin ang kanilang mga payo sa seminary, Sunday School, at sa mga miting ng korum o klase. Gumawa ng mga mithiing nakabatay sa mga prayoridad na inilatag ng mga propeta. Pagkatapos ay gawin lamang ito.

Madarama ninyong mas napapalapit kayo sa Panginoon. Madarama ninyong lumalawak ang inyong pang-unawa sa paaralan at sa lahat ng bagay. At tandaan na hindi kayo kailanman nag-iisa. May mga matulunging tao sa paligid ninyo na handang tumulong, kabilang na ang inyong bishop o branch president. At ang Panginoon at Kanyang Espiritu ay mapapasainyo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Spencer W. Kimball, “Welfare Services: The Gospel in Action,” Ensign, Nob. 1977, 76–79.

  2. Tingnan sa “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.