2018
Si Jesus ang Cristo: Ang Patotoo ng mga Propeta sa mga Huling Araw
March 2018


Si Jesus ang Cristo: Ang Patotoo ng mga Propeta sa mga Huling Araw

Larawan
Jesus Christ

Mga paglalarawan ni Jim Madsen

Nag-anyaya ang Panginoong Jesucristo, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (D at T 19:23). Gaya ng alam ninyo, ang talatang ito sa banal na kasulatan ang tema ng Mutwal sa taong ito. Naisip ba ninyo kung paano kayo matututo sa Kanya at makikinig sa Kanyang mga salita?

Ang isang paraan na matututo tayo sa Kanya ay sa pamamagitan ng mga Pangulo ng Simbahan; bilang mga propeta sa mga huling araw na tinawag na maging mga natatanging saksi ni Cristo, nagpatotoo sila, at patuloy na nagpapatotoo, sa mga banal na tungkulin ng Tagapagligtas sa walang hanggang plano ng Ama sa Langit sa buhay bago tayo isinilang, sa buhay sa mundo, at sa kabilang-buhay.

Buhay Bago Tayo Isinilang

Larawan
space

“Alam natin na ang kaligtasan ay na kay Cristo; na Siya ang Panganay na Anak ng Amang Walang Hanggan; na Siya ay pinili at inorden noon pa man sa mga kapulungan ng langit na magsagawa ng walang-katapusan at walang-hanggang Pagbabayad-sala; na Siya ay isinilang sa mundo bilang Anak ng Diyos; at na dinala Niya ang buhay at imortalidad sa mundo sa pamamagitan ng ebanghelyo.”1

Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), ika-10 Pangulo ng Simbahan

“Ang Anak ng Diyos … ay may kapangyarihang lumikha ng mga daigdig, at pangasiwaan ang mga ito. Pumarito Siya bilang Bugtong na Anak upang isakatuparan ang isang misyon, … upang magdala ng kaligtasan sa buong sangkatauhan. Sa pag-aalay ng Kanyang buhay binuksan Niya ang pinto ng pagkabuhay na mag-uli at nagturo sa paraang matatamo natin ang buhay na walang hanggan.”2

Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), ika-11 Pangulo ng Simbahan

“Si Jesucristo noon at ngayon ang Panginoong Makapangyarihan. (Tingnan sa Mosias 3:5.) Siya ay pinili bago Siya isinilang. Siya ang makapangyarihang Maylalang ng langit at lupa. Siya ang pinagmumulan ng buhay at liwanag sa lahat ng bagay.”3

Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), ika-13 Pangulo ng Simbahan

Buhay sa Mundo

Larawan
Jesus talking to a woman

“Ang layunin ng misyon ni Cristo sa mundo ay ialay ang Kanyang sarili bilang sakripisyo upang tubusin ang sangkatauhan sa walang hanggang kamatayan. …

“Walang nilalang na may kapangyarihang iligtas ang mga kaluluwa ng tao at bigyan sila ng buhay na walang hanggan, maliban kay Jesucristo, sa utos ng Kanyang Ama.”4

Pangulong Wilford Woodruff (1807–98), ika-4 na Pangulo ng Simbahan

Larawan
Jesus talking to a group

“Si Jesus ang Manunubos ng daigdig, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. …

“Pumarito Siya upang ituro sa atin ang pagkatao ng Diyos, at sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin ay itinuro ang landas, na kung ating tatahakin, ay aakay sa atin pabalik sa Kanyang kinaroroonan. Pumarito Siya upang kalagin ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa atin, at ginawang posible ang pagkabuhay na muli kung saan napagtagumpayan ang kamatayan.”5

Pangulong Heber J. Grant (1856–1945), ika-7 Pangulo ng Simbahan

Larawan
Jesus giving a blessing

“Naimpluwensiyahan ni Jesucristo ang sangkatauhan nang higit sa sinumang nabuhay sa mundo. …

“… Pinagaling Niya ang mga maysakit, ipinanumbalik ang paningin ng bulag, pinalayas ang masasamang espiritu, binuhay ang mga patay, nagbigay aliw sa mga naaapi, ikinalat ang mabuting balita ng ebanghelyo ng pag-ibig, nagpatotoo tungkol sa Ama, itinuro ang walang hanggang plano ng kaligtasan, at inilatag ang batayan para sa isang organisasyon na makapagbibigay ng kaligtasan ng tao—ang Kanyang Simbahan.”6

Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), ika-12 Pangulo ng Simbahan

Kabilang-Buhay

Larawan
resurrected Christ

“Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”7

Pangulong Joseph Smith (1805-44), unang Pangulo ng Simbahan

“Kanyang napanagumpayan ang kamatayan, impiyerno at libingan, at tumayong matagumpay bilang Anak ng Diyos, na siya ring Amang walang hanggan, ang Mesiyas, ang Prinsipe ng kapayapaan, ang Manunubos, ang Tagapagligtas ng sanglibutan. … Napanagumpayan Niya ang lahat, at umakyat sa may kanang kamay ng Diyos magpakailanman.”8

Pangulong John Taylor (1808–87), ika-3 Pangulo ng Simbahan

“Taimtim at may pasasalamat na nagpapatotoo ako na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng mundo. Tunay na Siya ang sentro ng ating pagsamba at ang susi sa ating kaligayahan. Sundin natin ang Anak ng Diyos sa lahat ng bagay at aspeto ng ating buhay. Gawin natin Siyang ating huwaran at ating gabay.”9

Pangulong Howard W. Hunter (1907–95), ika-14 na Pangulo ng Simbahan

“Hindi sapat ang aking pasasalamat para sa Pagbabayad-sala na ginawa ng aking Tagapagligtas at aking Manunubos. Sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo sa pagtatapos ng isang buhay ng pagiging perpekto—ang sakripisyong iyon na inialay sa hindi masambit na pagpapakasakit—ang mga bigkis ng kamatayan ay nakalag, at ang pagkabuhay na muli ng lahat ay natiyak. Higit pa rito, nabuksan ang mga pintuan ng selestiyal na kaluwalhatian sa lahat na tatanggap ng banal na katotohanan at susunod sa mga tuntunin nito.”10

Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), ika-15 Pangulo ng Simbahan

Mga Tala

  1. Joseph Fielding Smith, “Out of the Darkness,” Ensign, Hunyo 1971, 2 (isinunod sa pamantayan ang malalaking titik).

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2001), 52.

  3. Ezra Taft Benson, “Jesus Christ: Our Savior and Redeemer,” Ensign, Nob. 1983, 6.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2004), 73, 80 (isinunod sa pamantayan ang malalaking titik).

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant (2002), 252–53. (isinunod sa pamantayan ang malalaking titik).

  6. Spencer W. Kimball, “The True Way of Life and Salvation,” Ensign, Mayo 1978, 6 (isinunod sa pamantayan ang malalaking titik).

  7. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 58.

  8. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor (2002), 53–54.

  9. Howard W. Hunter, “Follow the Son of God,” Ensign, Nob. 1994, 87 (isinunod sa pamantayan ang malalaking titik).

  10. Gordon B. Hinckley, “Ang Aking Patotoo,” Ensign, Nob. 1993, 52.