2018
Pagtawid sa mga Baybayin: Ang Aming Paglalakbay Papunta sa Templo
March 2018


Pagtawid sa mga Baybayin: Ang Aming Paglalakbay Papunta sa Templo

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Bagama’t kaunti lang ang pera namin at isang mapanganib na paglalakbay ang susuungin namin, alam naming mag-asawa na dapat kaming mabuklod sa templo.

Noong Oktubre 1979, isang araw pagkatapos ikasal kaming mag-asawa sa isang sibil na seremonya, ang aking asawa, si Maria Ondina, at ako ay umalis sa aming bayan sa Arequipa, Peru, malapit sa baybayin ng Karagatang Pasipiko, upang maglakbay papunta sa São Paulo Brazil Temple, sa baybayin ng Atlantiko, upang mabuklod. Kami ang unang mag-asawa mula sa Arequipa na naglakbay sa lupa upang mabuklod sa bagong inilaang templo—ang unang itinayo sa Timog Amerika. Nagplano kaming gawin ang papunta at pabalik na paglalakbay sa loob ng 10 araw, ngunit sa huli, nangailangan kami ng halos 30 araw dahil sa isang mapanganib na situwasyong pampulitika. Hindi ko alam kung paano ito matutupad—ang alam ko lang ay nangako ako sa Diyos na pagkatapos ng aking misyon, ako ay mabubuklod sa isang karapat-dapat na babae.

Larawan
map to La Paz

Mula Arequipa patungong Juliaca hanggang Puno

Pagkatapos ng siyam na oras na paglalakbay sa gabi, dumating kami sa Juliaca, Peru. Huwebes noon, at kailangan pa naming mapatatakan ang aming mga pasaporte at mga exit permit upang makaalis kami ng bansa. Ang sumunod na araw ay isang pista-opisyal, at ang mga tanggapan ng pamahalaan ay isasara para sa pagtatapos ng linggo, kaya dumating kami sa pila sa Bank of the Nation ng umagang iyon upang matiyak na magkakaroon kami ng sapat na oras bago magsara ang lahat ng opisina sa tanghali.

Nang sa wakas ay narating namin ang counter alas-11:00 n.u., ang ginoo ay nagpakita ng pag-aalala. “Sori,” sabi niya. “Hindi namin pinoproseso ang mga ganitong uri ng mga dokumento dito. Kailangan ninyong pumunta sa aming opisina sa Puno.” Pareho kaming nagulat at nasiphayo—ang Puno ay 45 minuto ang layo.

Mula Puno patungong La Paz hanggang Cochabamba

Matapos ang mahirap na paghahanap ng taxi, nakarating kami sa opisina sa Puno nang ala-1:30 n.h. Sarado na ang mga pinto. Kinatok ko ang mga doorknocker na bakal nang malakas sa abot-kaya ko. Isang taong lubhang nabalisa ang nagbukas ng pinto at nagtanong, “Anong gusto ninyo?” Sinambit ko ang isang tahimik, taimtim na panalangin at tinitigan ang estranghero. “Sir,” sabi ko, “Isa akong Mormon, ikakasal ako sa templo sa São Paulo, Brazil, at matutulungan mo ako.” Nagbago ang pagalit niyang saloobin. “Ikinalulungkot ko, Sir,” sabi niya, “pero lampas isang oras nang sarado ang lahat, at halos lahat ay umalis na.” Sumagot ako, “Papasukin mo ako at hayaang tulungan ako ng aking Diyos na makita ang aking hinahanap.” Pinapasok niya ako.

Matapos mahanap ang manager, si Rosa, ipinaliwanag ko ang aming sitwasyon. Magalang siyang tumugon, “Ang mga form na iyan ay pinoproseso ng tatlong magkakaibang empleyado, at sa palagay ko ay umalis na sila.” Ngunit ang tatlong lalaki ay nandoon pa rin, at sinabihan niya sila na magpahuli upang tulungan ako.

Ang unang lalaki ay nagtanong sa akin ng mga form na wala ako. “Dapat sana pumunta ka sa Ministri ng Ekonomiya, bumili ng anim na form, at dinala dito para maproseso,” paliwanag niya. “Kailangan mong maghintay hanggang Lunes.”

Natigilan ako—Hindi ako makapaniwala! Muli akong bumanggit ng tahimik na panalangin. “Sir,” sabi ko, “Isa akong Mormon, at pupunta ako sa templo sa São Paulo, Brazil, upang makasal. At matutulungan mo ako.” Hindi na siya parang nagmamadali. Naghanap siya sa bawat drawer at sa wakas ay natagpuan ang inaasam na mga form. Mabilis na siniyasat ng sumunod na clerk ang mga ito at tinatakan ang aming mga pasaporte.

Sa kasunod na window, nang binabayaran ko ang exit tax sa US dollars, ang cashier ay tila nagagalak sa pagsasabi, “Sori po. Nakikita mo ba ang karatulang ito?” Isang abiso sa pader ang nakasulat, “Hindi tinatanggap ang mga dolyar.” Mabibigo na ang aming plano—wala na akong magagawa pa.

“Tanggapin mo ang bayad,” narinig kong sinabi ni Rosa mula sa aming likuran. Tinanggap ng kahera ang pera at ibininigay sa akin ang mga dokumento. Papunta na kami!

Habang papunta sa downtown ng La Paz, Bolivia, dumidilim na nang nagsimulang pukulin ng mga bato ang aming bus. Nakikita namin sa bintana ang galit na mga tao sa mga kalye na naghahagis ng mga bato at naglalagay ng mga hadlang upang ihinto ang trapiko. Patuloy na tumakbong mabilis ang aming bus patungo sa kalagitnaan ng bayan. Ang gabing iyon ang simula ng isang rebolusyon sa Bolivia.

Bumaba kami ng bus at nagsimulang maghanap ng isang hotel. Ang tanging nakita namin ay napakamahal, ngunit pagkatapos na paulit-ulit kong paliwanag sa isang mabuting tao na nagtrabaho doon, pinatuloy niya kami sa supply room ng paglilinis ng hotel na mas mura ang bayad. Naglatag siya ng kutson sa sahig at binigyan kami ng mga kumot upang protektahan kami mula sa lamig at ingay ng mga putok ng baril na umalingawngaw sa labas sa buong magdamag.

Umalis kami nang maaga kinaumagahan, takot at nagmamadali. Sa pagpunta namin sa bus stop, nakita namin ang mga sundalo na suportado ng mga tangke na pinapuputukan ang mga nagpoprotesta sa rebolusyon.

Nagsisimula nang maubos ang gasolina, at sa halip na tatlong biyahe ng bus sa isang araw gaya ng dati, isa lamang ang inanunsyo. Nabili nang lahat ang mga tiket sa upuan nang maaga pa. Natagpuan ko ang manager at sinabi ang mga salitang ginamit ko sa iba: “Sir, kami ay mga Mormon, at pupunta kami sa templo upang makasal. At matutulungan mo kami.” Tanong niya, “Saan ninyo kailangang pumunta?” “Cochabamba, sir.” Binuksan niya ang isang drawer at inilabas ang dalawang tiket. Nakikita ko na wala na. “Bilisan ninyo,” sabi niya, “papaalis na ang bus.” Tila walang bigat ang aming mga maleta, at ang aming mga paa ay halos hindi sumasayad sa lupa—hawak-hawak sa aming mga kamay ang pagpapala ng araw na iyon.

Larawan
map to the temple

Mula Cochabamba hanggang Santa Cruz

Dumating kami sa Cochabamba sa gitna ng mas marami pang kaguluhan dahil sa rebolusyon. Natagpuan namin ang isang palengke na puno ng mga tolda, kung saan hinayaan kami ng isang mabait na kapwa Peruvian na maghilamos at pagkatapos ay maghabilin ng aming mga maleta habang papunta kami sa bus terminal. Gamit ang aming parehong pakiusap, nakapaghintay kami sa isa pang bus at makalipas ang ilang araw ay dumating sa Santa Cruz, Bolivia, malapit sa hangganan ng Brazil. Sa tatlong umaga, nagpunta ako sa istasyon ng tren upang magtanong kung mayroon bang aalis. Ang sagot ay laging wala. Ngunit sa ikaapat na araw, kumalat ang balita na isang tren ang aalis sa lalong madaling panahon papuntang Brazil.

Sa puntong ito, kinukulang na kami ng pera. Sinabi ko ang aking mga alalahanin sa aking asawa, na matatag na tumugon, “Kahit na kailanganin nating dumating na naglalakad o sakay ng isang asno, makakayanan natin ito.” Naging masaya ako sa sagot niya. Hindi ako nababagabag tungkol sa pera sa natitirang bahagi ng paglalakbay dahil ang aming pagtitiwala ay nakabatay sa aming pananampalataya.

Habang nag-uusap kami, lumapit sa amin ang isang matandang babae. Tumigil siya sa harap ng aking asawa at sinabi, “Ne, baka gusto mo ng dalawang tiket para sa ngayon?” Halos hinablot ng aking asawa ang mga tiket sa kanyang kamay. Binayaran ko ang matandang babae, at nawala siya sa pulutong ng mga tao. Ilang segundo lang ang lumipas nang matanto namin na ang Panginoon at ang Kanyang mga anghel ay nasa tabi pa rin namin.

Mula Santa Cruz hanggang São Paulo

Nang sa wakas ay dumating kami sa São Paulo Temple, salamat sa isang huling biyaheng kaloob ng isang naging kaibigan namin sa tren, sarado na ang patuluyan ng templo. Wala na kaming magawa pa ngunit masaya, ginawa naming komportable ang aming sarili sa dalawang bangko sa labas ng templo. Hayun siya, maganda tulad ng aming pinangarap, may estatwa ng anghel na si Moroni sa itaas. Hatinggabi na, at kami ay umiyak habang magkayakap, pagod at basa dahil sa patak ng ulan. Hindi namin naramdaman ang halumigmig, ang gutom, o ang lamig, kundi isang di-mailalarawan na damdamin ng kaligayahan lamang sa pagiging malapit sa bahay ng Panginoon. Kami ay naging masunurin, at hayan ang aming gantimpala.

Habang kami ay nagpapainit ng katawan nang sandaling iyon, may isang taong tumapik sa aking balikat. Siya ay isang kasama ko dati sa misyon, na nabuklod sa templo nang araw na iyon at bumabalik mula sa hapunan kasama ang kanyang asawa. Hinayaan niya kaming makituloy sa kanilang apartment noong gabing iyon, at nang sumunod na araw ay naging saksi siya sa aming pagbubuklod, na isinagawa ng temple president mismo. Napakagandang pagmasdan ang aking asawa sa silid na selestiyal, lahat ay nakasuot ng puti.

Sa pamamagitan ng pautang mula sa aking kaibigang missionary at tulong mula sa temple president, nakapaglalakbay kaming pabalik nang wala pang limang araw, nang walang anumang pagkaantala—at may $20 lamang upang simulan ang isang buhay kasama ang aking asawang si Maria Ondina, bilang aking walang hanggang kabiyak.