2016
Siyensya at ang Paghahanap Natin sa Katotohanan
July 2016


Siyensya at ang Paghahanap Natin sa Katotohanan

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Walang dapat ikabahala kung tila salungat ang pagkaunawa ninyo sa ebanghelyo sa natutuhan ninyo sa siyensya.

Larawan
microscope

Mawawari ba ninyo na nagpunta kayo sa dermatologist dahil sa malalang kaso ng acne at sinabihan kayo na kailangan kayong kunan ng dugo para gumaling? Maaaring kakatwa ito sa inyo, pero hindi ito mahirap paniwalaan ilang siglo na ang nakararaan. Noon, ang pagkuha ng maraming dugo ay itinuring na karaniwang pamamaraan ng panggagamot sa halos anumang sakit, kabilang na ang impatso, pagkabaliw, at maging ang acne. Walang nagduda rito. Bakit naman sila magdududa? Tutal, libu-libong taon nang ginagawa sa maraming iba’t ibang kultura ang pagpapakuha ng dugo.

Pinagdudahan lang ang pamamaraang ito nang baguhin ng mga doktor ang pamamaraan ng panggagamot ayon sa pananaw ng mga siyentipiko. Nang sa huli ay masuri nang mas mabuti ang pagpapakuha ng dugo, hindi na ito ginamit ng mga doktor sa lahat ng sakit maliban sa ilang partikular na karamdaman.1

Sa halimbawang ito sa kasaysayan, nakikita natin na hindi komo tanggap na ng lahat ang isang paniniwala o matagal na itong umiiral ay totoo na ito. At nakikita natin na ang siyensya ay maaaring maging magandang kasangkapan sa pagtuklas kung ano talaga ang totoo.

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, malaking bagay iyan. Kapag alam natin ang katotohanan, hindi lang tayo nagkakaroon ng mas magandang batayan sa paggawa ng praktikal na mga desisyon (“Hindi ako magpapakuha ng dugo ngayon, salamat!”), kundi nadaragdagan din nito ang ating pag-unawa sa ebanghelyo. Tulad ng itinuro ni Pangulong Brigham Young (1801–77), “Walang katotohanan na hindi nakapaloob sa Ebanghelyo. … Kung makatatagpo kayo ng katotohanan sa langit [o] lupa, … ito ay pag-aari ng aming doktrina.”2

Bakit Kumpara sa Paano

Mangyari pa, kapag pinag-uusapan natin kung paano nag-aambag ang siyensya sa mga katotohanang alam natin, kailangan nating tiyakin na nauunawaan natin ang uri ng katotohanang kayang tuklasin ng siyensya—at anong uri ang hindi. Ang isang paraan ng pagtingin dito ay itanong kung anong uri ng mga tanong ang kaya at hindi kayang sagutin ng siyensya.

Ganito ang paliwanag dito ni Sister Ellen Mangrum, na nag-aral ng chemical engineering sa Rensselaer Polytechnic Institute sa New York, USA: “Ipinaliliwanag ng siyensya ang paano. Subalit hindi nito maipaliwanag ang bakit.” Idinagdag pa niya na relihiyon ang nagpapaliwanag sa bakit, tulad ng bakit nilikha ang daigdig at bakit tayo narito.

Naniniwala rin ang bantog na physicist na si Albert Einstein na ang relihiyon at siyensya ay magkaiba ang mga layunin na tumutulong sa isa’t isa.

“Malilinaw lang ng siyensya kung ano ang isang bagay, ngunit hindi kung ano ang nararapat dito,” pagsulat niya. “Sa labas ng sakop [ng siyensya], kailangan pa ring gumawa ng lahat ng uri ng paghatol batay sa mga pinahahalagahang moral na hindi sakop ng siyensya.”3

Larawan
watering a plant

Ano ang kahulugan niyan sa mga Banal sa Huling Araw? Una, alam natin na patuloy na magbabago ang pag-unawa ng siyensya. Tutal, ang siyensya ay tungkol sa pagsisikap na makahanap ng mas magagandang paraan para maunawaan ang “mga paano” ng mundo sa ating paligid. Nababatid ito, hindi natin kailangang asahan ang pinakahuling pag-aaral para maunawaan ang “mga bakit” o “mga dapat” sa buhay. Makakaasa tayo sa di-nagbabagong ebanghelyo ni Jesucristo para makapagdesisyon tayo sa pagitan ng tama at mali.

Magkatugma ang Dalawa

Tinalakay ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at isang kilalang heart surgeon, kung paano nagkakatugma ang relihiyon at siyensya.

“Walang pagtatalunan ang siyensya at relihiyon,” sabi niya. “Nagkakaroon lamang ng pagtatalo kapag hindi sapat ang kaalaman tungkol sa siyensya o sa relihiyon, o sa dalawang ito. … Nagmula man ang katotohanan sa laboratoryo ng siyensya o sa paghahayag mula sa Panginoon, magkatugma ito.”4

Larawan
atom

Kaya kung nagkaroon man kayo ng mga tanong kung paano tumutugma sa ebangheyo ang edad ng mundo o mga dinosaur o evolution o anupamang ibang bagay na natutuhan ninyo sa isang klase sa siyensya, maganda iyan! Talagang magkatugma ang dalawa, ngunit napakarami pa ring tanong dahil napakarami pa rin nating nalalaman. Sinabi ni Brother Brian Down, isang pharmaceutical scientist sa Quebec, Canada, na inaasam niya ang panahon na lahat ng bagay ay ihahayag sa atin (tingnan sa D at T 101:32–34).

Samantala, “limitado ang kakayahan nating unawain ang lahat ng hiwaga ng mundo sa ating paligid sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng siyensya,” wika niya. “Gayundin, limitado ang pang-unawa natin sa mga hiwaga ng Diyos at sa Kanyang dakilang plano para sa Kanyang mga anak.”

Walang dapat ikabahala, kung gayon, kung tila salungat ang pagkaunawa ninyo sa ebanghelyo sa natututuhan ninyo sa siyensya. Ang totoo, walang inihahayag ang siyensya na maaaring pasinungalingan ang inyong pananampalataya.

Kaya kung gusto ninyo ang siyensya, alamin ang lahat ng kaya ninyo tungkol sa mga bagay na interesado kayong malaman! Maaari pa ngang makatulong sa inyo ang inyong pananampalataya. Sinabi ni Brother Richard Gardner, isang associate professor ng biology sa Southern Virginia University, na ang kanyang pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo ay naging malaking tulong sa kanya.

“Kung minsan kapag humirap ang pagsasaliksik, at tila walang nangyayari—karaniwa’y ganyan ang pagsasaliksik—nakatulong sa akin ang pagkakaroon ng pananaw sa mga pagpapala ng ebanghelyo para malagpasan ang mga ito,” wika niya.

Nadarama rin ni Brother Down na nakatulong sa kanya ang kanyang pananampalataya sa kanyang gawain sa siyensya.

“Lagi akong nagtatrabaho na nananampalataya na may kabuluhan at kaayusan ang lahat ng bagay at na kung magsasaliksik ako tungkol sa isang katanungan nang matagal at masidhi, kalaunan ay ihahayag ng Ama sa Langit ang sagot sa aking isipan,” wika niya.

Kagalakan sa Tuklas ng Siyensya

Ang pananampalataya natin kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo ay matutulungan din tayong manatiling mapagpakumbaba at bukas ang isipan sa katotohanang hinahanap natin, tuklas man ito ng siyensya o isang espirituwal na bagay.

“Napakarami pa nating hindi alam sa siyensya, at napakarami pa tungkol sa Diyos na hindi pa Niya inihahayag,” sabi ni Propesor Gardner. “Kaya mahalagang manatiling bukas ang isipan sa mas marami pang impormasyong dumarating sa atin, at hindi muna mag-alala sa ngayon.”

Halimbawa, naniniwala ang ilang tao sa Diyos dahil lamang sa wala silang nakikitang ibang paliwanag sa mga naoobserbahan nila sa mundo. Ito ay tinatawag na paniniwala sa isang “Diyos na sagot sa mga tanong na hindi masagot ng siyensya,” at pakakabahin nito ang mga tao tungkol sa mga tuklas ng siyensya. Nagbigay ng halimbawa si Propesor Gardner:

“Naniniwala sa Diyos ang ilang tao dahil kulang ang impormasyon tungkol sa buhay noong unang panahon (ibig sabihin, para sa kanila, hindi maipaliwanag ng evolution kung paano tayo napunta rito). Ngunit ano ang mangyayari sa ating pananampalataya kapag nasagot nito ang mga tanong na ito ng mga bagong tuklas ng siyensya? Bagkus, kailangan tayong magkaroon ng positibong katibayan tungkol sa Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, nang sa gayon ay magalak tayo sa anumang tuklas ng siyensya sa halip na mabahala tungkol dito.”

Kapag nag-isip tayo sa ganitong paraan, maaalala natin na matutulungan tayo kapwa ng siyensya at ng relihiyon sa paghahanap sa katotohanan, at na, sa huli, lahat ng katotohanang iyan ay iisa ang pinagmulan: ang Diyos.

Larawan
lightbulb

“Maihahayag ng Diyos ang anumang gusto Niya, pati na ang lahat ng impormasyon sa siyensya,” sabi ni Propesor Gardner. “At talagang nabigyang-inspirasyon Niya ang mga siyentipiko, imbentor. at inhinyero—ngunit hindi lang Niya ibinibigay nang basta-basta ang lahat ng sagot. Nais Niyang gamitin nila, at natin, ang ating utak, kaya hinahayaan Niyang pag-aralan natin ang siyensya, at sa halip ang Kanyang mga paghahayag sa Simbahan ay tungkol sa kung paano itatag ang Simbahan, at higit sa lahat kung paano tayo maaaring lumapit kay Cristo at maligtas.

“Ang mga personal na paghahayag Niya sa atin ay maaaring tungkol sa anumang paksa, ngunit higit sa lahat ay para ipaalam sa atin na Siya ay buhay at mahal niya tayo, na binigyang-bisa ni Cristo ang plano ng kaligtasan, na mayroon tayong buhay na propeta ngayon, na maaari nating sundin ang plano ng Diyos, at na lubos na kapaki-pakinabang na gawin ito.”

Mga Tala

  1. Tingnan, halimbawa, sa K. Codell Carter at Barbara R. Carter, Childbed Fever: A Scientific Biography of Ignaz Semmelweis (1994).

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 19.

  3. Albert Einstein, sa “Science and Religion,” sa Ken Wilber, Quantum Questions: Mystical Writings of the World’s Greatest Physicists 1984).

  4. Russell M. Nelson, sa Marianne Holman Prescott, Church Leaders Gather at BYU’s Life Sciences Building for Dedication,” Church News, Abr. 17, 2015, LDS.org.