2016
‘Masdan ang Inyong mga Musmos’: Pagkatutong Magturo sa mga Bata
July 2016


PAGTUTURO SA PARAAN NG TAGAPAGLIGTAS

“Masdan ang Inyong mga Musmos”: Pagkatutong Magturo sa mga Bata

“Kinuha [ni Jesus] ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila. … At nangusap siya sa maraming tao, at sinabi sa kanila: Masdan ang inyong mga musmos” (3 Nephi 17:21, 23).

Kung kayo ay isang magulang o tinawag upang magturo sa mga bata, kayo ay nabigyan ng mahalagang kaloob. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “[Kayo] ang hinirang ng Diyos para ipadamang mabuti sa mga bata ngayon ang pagmamahal at alab ng pananampalataya at pag-unawa sa kanilang pagkatao.”1

Ang mga bata ay magdudulot sa inyo ng kagalakan at iimpluwensyahan kayo na maging mabuting halimbawa. Habang nalalaman ninyo ang katapatan, pagmamahal, tiwala, at pag-asa ng mga bata, mas mapapalapit kayo sa Panginoon at higit ninyong mauunawaan ang Kanyang utos na “maging tulad sa maliliit na bata” (Mateo 18:3).

Narito ang walong bagay na dapat tandaan tungkol sa mga bata habang sinisikap ninyong mahalin at turuan sila ayon sa paraan ng Tagapagligtas.

1. Ang mga bata ay madaling maniwala. Sila ay handang tumanggap ng katotohanan. Ituro sa kanila nang simple at malinaw ang tamang doktrina, gamit ang mga salita at mga halimbawa na mauunawaan nila.

2. Makikilala ng mga bata ang impluwensya ng Espiritu. Ituro sa kanila na ang nadarama nilang kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan kapag nagsasalita o kumakanta sila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay nagmumula sa Espiritu Santo. Tulungan silang maunawaan na ang mga nadarama nilang ito ay bahagi ng patotoo.

3. Mga simpleng ideya ang kayang maunawaan ng mga bata. Nalilito sila sa mga kumplikadong metapora o talinghaga. Kapag nagtuturo kayo, tukuyin ang mga pamilyar na pangyayari at gawain: tahanan, pamilya, at ang mundo sa paligid nila.

4. Ang mga bata ay sabik na matuto. Natutuwa silang mag-aral sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad at mga pandama. Tumutugon sila nang husto sa mga visual aid at sumasali sa talakayan at aktibidad sa mga lesson. Hayaan silang kumilos, magsiyasat, at sumubok ng mga bagong bagay.

5. Gusto ng mga bata na magbahagi at tumulong. Mayroon silang mga bagay na maituturo sa isa’t isa at sa inyo. Anyayahan silang ibahagi ang natututuhan nila. Bigyan sila ng pagkakataon na basahin ang mga banal na kasulatan, hawakan ang mga larawan, sumagot sa mga tanong, o magsulat sa pisara.

6. Ang mga bata ay mapagmahal at gusto nilang minamahal sila. Humanap ng mga pagkakataon na mapag-ibayo pa ang magiliw at mapagmahal na pag-uugali na likas sa kanila. Palakasin ang kanilang tiwala sa sarili sa pamamagitan ng pagpapakita ng inyong pagmamahal at pasasalamat at pakikinig nang mabuti sa sinasabi nila.

7. Tinutularan ng mga bata ang inyong halimbawa. Palagi kayong nagtuturo, kahit hindi ninyo ito napapansin. Mapapansin ng mga bata kung paano ninyo ipinamumuhay ang mga itinuturo ninyong alituntunin. Ang inyong mabuting halimbawa ay maaaring maging malakas na impluwensya sa lumalago nilang patotoo.

8. Ang maliliit na bata ay madaling mainip. Ang hindi nila pakikinig ay maaaring mangahulugan na pagod o gutom sila, na hindi nila nauunawaan ang isang bagay na inyong sinabi, na kailangan nilang kumilos, o nababagot na sila. Natutuwa silang mag-aral sa pamamagitan ng pag-uulit, paiba-iba ng gagawin, mga simpleng kuwento, awitin, at mga aktibidad. Hikayatin silang makibahagi sa mga lesson.

Larawan
little-girl-with-president-monson-quote

Tala

  1. M. Russell Ballard, “Great Shall Be the Peace of Thy Children,” Ensign, Abr. 1994, 60.