2016
Ang Ating Potensyal na Maging Magulang
July 2016


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang Ating Potensyal na Maging Magulang

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano lumalakas ang pananampalataya ninyo sa Diyos kapag naunawaan ninyo “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” at paano napagpapala ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa karagdagang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Larawan
family-with-little-girl

“Kinakailangang isilang sa mundo ang mga espiritung anak ng Diyos at magkaroon ng pagkakataong umunlad tungo sa buhay na walang hanggan,” itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Kung iisipin ang pinakalayunin ng dakilang plano ng kaligayahan, naniniwala ako na ang pinakamahalagang kayamanan sa lupa at sa langit ay ang ating mga anak at angkan”1

Sinabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Naniniwala tayo na mahalaga ang mga pamilya at mga anak. …

“‘… Sinabi ng Dios [kina Eva at Adan], Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa’ [Genesis 1:28]. …

“Ang utos na ito ay hindi nalimutan o naisantabi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”2

Bagama’t hindi lahat sa atin ay magiging magulang sa buhay na ito, maaari nating pangalagaan ang mga bata sa kahit anong edad. Tinatamasa natin ang mga pagpapala ng pagiging bahagi ng pamilya ng Ama sa Langit, at nakadarama tayo ng kagalakan at dumaranas ng mga pagsubok ng pagiging bahagi ng isang pamilya sa lupa. At para sa marami, ang pagiging magulang ay naghihintay sa kanila sa kawalang-hanggan.

Mga Karagdagang Banal na Kasulatan

Awit 127:3; Mateo 18:3–5; 1 Nephi 7:1; Moises 5:2–3

Mga Kuwento ng Buhay

“Maraming tinig sa mundo ngayon ang nagbabale-wala sa kahalagahan ng pagkakaroon ng anak o nagmumungkahing ipagpaliban o limitahan ang bilang ng anak sa isang pamilya,” sabi ni Elder Andersen. “Kamakailan ay ipinabasa sa akin ng mga anak kong babae ang blog na isinulat ng isang inang Kristiyano (hindi natin kamiyembro) na may limang anak. Sabi niya: ‘[Lumaki ako] sa kulturang ito, at napakahirap kumuha ng pananaw sa Biblia tungkol sa pagiging ina. … Ang pag-aaral ay inuuna kaysa pag-aanak. Siguradong inuuna rin ang paglalakbay sa iba’t ibang lugar. Inuuna rin ang paglabas sa gabi kapag ginusto. Inuuna ang pagpapaganda ng katawan sa gym. Inuuna ang trabahong inyong papasukan o inaasam na pasukan.’ Idinagdag pa niya: ‘Ang pagiging ina ay hindi isang libangan, ito ay isang tungkulin. Hindi kayo nagpaparami ng mga anak dahil sa mas cute sila kaysa mga stamp. Hindi ito isang bagay na isisingit kapag may panahon kayo. Binigyan kayo ng Diyos ng panahon para dito.’”3

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 72, 75.

  2. Neil L. Andersen, “Mga Anak,” Liahona, Nob. 2011, 28.

  3. Neil L. Andersen, “Mga Anak,” 28.