2016
Pamimilit ng Barkada at Pisto
July 2016


Pamimilit ng Barkada at Pisto

Ang awtor ay naninirahan sa Saltillo, Mexico.

Nasa party na ako kasama ang lahat ng kaibigan ko, pero lahat sila ay nag-iinuman.

Larawan
girl at party

Noong 12 anyos ako, niyaya ako ng ilan sa mga babae sa bagong paaralan ko sa isang birthday party. Ito ang unang pagkakataon na naimbitahan ako sa isang party na kasama ang mga kaibigan kong ito. Nang itanong ko sa mga magulang ko kung puwede akong sumama, hindi sila pumayag dahil gabing-gabi nang nagsimula ang party.

Hindi nagtagal, may nag-imbita ulit sa akin. Muli akong nagpaalam sa mga magulang ko, pero hindi na naman sila pumayag, at nagalit ako. Hindi ba ako puwedeng magsaya?

Pagkatapos ay nagplanong magpa-party ang isa sa pinakamatatalik kong kaibigan. Isa ako sa mga unang inimbitahan niya. Nagsimula ang party nang mas maaga kaysa iba. Pribadong party iyon at gaganapin malapit sa bahay namin. Nagpaalam ako sa mga magulang ko, at pumayag sila! Tuwang-tuwa ako.

Sumapit ang araw. Nang ihatid ako ng mga magulang ko, sinabi nila na susunduin nila ako nang alas-10:00 n.g. Pagdating ko sa party, naroon na ang mga kaibigan ko. Pagkaraan ng dalawampung minuto, hindi ko pa nakikita ang may kaarawan.

Maya-maya pa, lumapit sa amin ang isang binata at nagtanong, “Nagdala ba kayo ng pera para sa pisto?” Sumenyas siya para ipaalam sa akin na ang “pisto” ay serbesa. Nagbigay ang mga kaibigan ko ng hinihinging pera. Wala akong dalang pera, kaya nagpasiya akong makihalubilo sa iba pang mga babae habang nagbabayad sa lalaki ang mga kaibigan ko.

Sa wakas, dumating ang may kaarawan—na huli nang isang oras. Binati ko siya, at habang nag-uusap kami, dumating ang isang malaking trak. Limang lalaki ang bumaba at nagdiskarga ng dalawang kahon ng serbesa. Nagkulumpunan doon ang lahat at nagsimulang mamigay ng serbesa. Nagpuntahan doon ang mga kaibigan ko, at naiwan akong mag-isa, na pinanonood ang mga kabataang iyon na nag-aagawang makainom ng serbesa.

Lumapit sa akin ang mga kaibigan ko at inalok ako. “Hindi na, salamat,” sabi ko sa kanila. Nagpilit silang muli. Tumanggi akong muli. Nagsimulang bumilis ang pintig ng puso ko, at kakaiba ang nadama ko, na para bang nasa isang nakakatakot na pelikula ako kung saan ako ang bida at nakulong ako sa gitna ng kawalan. Pagkatapos ay narinig ko ang busina ng isang kotse—mga magulang ko iyon! Mabilis akong nagpaalam at tumakbo papunta sa kotse.

Sumakay ako, na humihingal. Inisip ko kung gaano katindi ang panganib sa lugar na pinanggalingan ko. Tinanong ako ni inay kung ayos lang ako. “Opo,” sagot ko, “pero nabigla po ako sa nangyari.”

“Ano ang nakabigla sa iyo?” tanong ng tatay ko.

“Lahat po ng kaibigan ko ay nag-iinuman, at naroon ako, sindak, naghihintay na may mabuting mangyari. Ipinagdasal ko na dumating na kayo, at ngayo’y narito na ako.” Tiningnan ko ang orasan ng kotse; wala pang alas-10:00.

Sabi ng nanay ko, “Ganyan ang mga party sa mundo. Kaya ayaw ka naming payagang dumalo sa mga naunang party.”

Nang magdasal ako nang gabing iyon, pinasalamatan ko ang aking Ama sa Langit sa maagang pagdating ng mga magulang ko.

Tayong mga miyembro ng Simbahan ay nasa mundo, pero hindi tayo katulad ng mga tao sa mundo. Natutuhan ko na kung patuloy akong dumalo sa gayong mga party, baka nalabag ko na ang Word of Wisdom at maging ang batas ng kalinisang-puri. Nangyari ito sa marami sa mga kakilala ko, na karamihan ay hindi miyembro ng Simbahan, pero kahit mga miyembro ng Simbahan mismo ay maaari ding matukso kung hindi sila mananatiling matatag.

Masaya ako sa desisyong ginagawa ko na huwag uminom. Akala ko pagtatawanan ako pagkatapos niyon, pero mas nirespeto pa ako ng mga kaibigan ko dahil alam nila ang mga pamantayan ko. Mula noon, hindi na ako takot humindi sa mga bagay na alam kong makakasama sa akin.