2016
Paano Makakayanang Harapin ang Pag-uwi nang Maaga
July 2016


Paano Makakayanang Harapin ang Pag-uwi nang Maaga

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang pag-uwi nang maaga mula sa misyon, kahit problema sa kalusugan ang dahilan, ay maaaring maging nakapanlulumong karanasan. Gayon ang naranasan ko. Ngunit magagawa mo itong isang hakbang pasulong, hindi paurong.

Larawan
sister-missionary-returning-home

Paglalarawan ni Colin Ligertwood

Nasa ibang bayan si Itay para sa isang business trip, kaya si Inay lang ang sumalubong sa akin nang paika-ika akong bumaba sa eroplano mula sa aking misyon. Niyakap niya ako at nag-iyakan kami.

Sumailalim ako sa maraming medical test, pero hindi makita ng mga doktor ang problema. Ang pagtatanggal ng missionary tag ko nang mas maaga nang siyam na buwan ang pinakamahirap na bagay na nagawa ko. Pakiramdam ko ay bigo ako dahil hindi ko natapos ang aking misyon.

Nakatakdang Maging Missionary

Noon pa man ay plano ko nang maging missionary. Nang umalis ang kuya ko para magmisyon, nagsuot ako ng name tag na gawa-gawa ko lang nang ihatid namin siya. Nang ipahayag ang pagbabago sa edad ng pagmimisyon noong 2012, kararaan lang ng ika-19 na kaarawan ko at alam ko na ang pahayag ay sagot sa aking mga dalangin. Sumayaw-sayaw ako sa buong silid, pinunan ko ang aking mga papeles sa araw na iyon, nagpaiskedyul ako ng medical appointment, at isinumite ang mga papeles ko sa loob ng linggong iyon. Natanggap ko ang tawag na magmisyon sa California Anaheim Mission pagkaraan ng dalawang linggo at nagtungo ako sa missionary training center dalawang buwan pagkatapos niyon.

Nang dumating na ako ako sa misyon, punung-puno ako ng sigla na karaniwan sa isang “bagong dating” at ayaw kong maghinay-hinay. Talagang binilisan namin ng trainer ko ang pag-aaral ng ilang lesson dahil gustung-gusto na naming magturo. Para sa akin, ang pagiging full-time missionary ang pinakanatural na gawin sa mundo. Naasiwa at nahirapan ako paminsan-minsan, pero wala nang ibang mas kamangha-mangha para sa akin kaysa pagiging missionary.

Nang mga walong buwan na ako sa misyon, binigyan kaming magkompanyon ng bisikleta dahil hindi sapat ang mga kotse para sa mga missionary. Matagal na akong hindi nakapagbisikleta at hindi ako sigurado kung paano gawin iyon nang nakapalda, pero natuwa pa rin ako. Gayunman, makalipas ang ilang linggo, may sumakit sa tagiliran ko na pasumpung-sumpong. Binalewala ko ito at nagpatuloy ako sa gawain.

Dumalas at tumindi ang pananakit hanggang sa isang gabi ay kinailangan na akong dalhin ng kompanyon ko sa emergency room. Sumailalim ako sa maraming medical test pero hindi makita ng mga doktor ang pinagmumulan ng sakit.

Nang sumunod na mga linggo, ipinagdasal ko sa Ama sa Langit na mawala na ang pananakit at tumanggap ako ng ilang basbas ng priesthood, pero lalo lang itong lumala. Anumang pihit ng katawan ko ay masakit; panay ang sakit. Pero ipinasiya ko na makasanayan na lang ito at nagpatuloy ako sa gawain.

Isang araw napahandusay ako sa tabi ng kalsada, at hindi na ako makagalaw. Dinala ako sa ospital para masuri at wala na namang nakitang dahilan. Sinikap kong maghinay-hinay at maupo sa mga bangko ng bus-stop na kasama ang mga kompanyon ko at magturo sa mga taong naghihintay ng bus nila. Nakaupo ako habang nagtuturo ng mga lesson, at nagkakagat-labi tuwing sasakit ito. Kalaunan ay naabuso ko nang husto ang sarili ko at muli akong naospital. Natanto ko na baka tuluyan ko nang ipahamak ang sarili ko kung manatili ako sa misyon. Matapos ang maraming panalangin, natanggap ko ang sagot na dapat akong umuwi para malunasan ang problema ko sa kalusugan.

Isang Hakbang Pasulong

Larawan
young-adult-studying-scriptures-with-family

Nang matanto ko na hindi na ako makakabalik sa misyon, nanlumo ako. Pero pinilit kong patuloy na manampalataya at mag-aral ng banal na kasulatan. Maayos itong nakayanan ng pamilya ko, pero hindi sigurado ang ibang tao sa paligid ko kung paano tutugon sa sitwasyon ko. Tanong sila nang tanong sa akin, at nahirapan akong magpigil ng damdamin. Gayunman, hindi inaasahang may tumawag na isang lalaki sa akin at sinabi na umuwi nang maaga ang kanyang anak mula sa misyon matagal na panahon na ang nakararaan. Sinabi niya na ang pagsubok na ito ay kayang wasakin ang aking pananampalataya at kaligayahan at na madalas itong mangyari sa maraming missionary na umuwi nang maaga. “Ang kailangan mong tandaan,” sabi niya, “ay na basta’t sinisikap mo sa abot ng iyong makakaya na mamuhay nang matwid, lagi itong isang hakbang pasulong anuman ang mangyari na hindi mo kayang kontrolin.”

Iyan ang naging motto ko sa buhay, at lubos ko itong pinanghawakan sa sumunod na taon. Sa loob ng walong buwan halos hindi ako makalakad, pero hinusgahan pa rin ako ng mga tao nang malaman nila na umuwi ako nang maaga. Sabi nila may mga tao raw na mas malala pa ang kundisyon ng kalusugan pero nakatapos sa misyon. Hindi nila naunawaan kung bakit hindi ako nakatapos, kahit tinitiis ko ang sakit ko. Napakasakit na marinig ito dahil minahal ko nang labis ang aking misyon, pero nanampalataya ako na may layunin ang Ama sa Langit sa pagsubok ko at magiging hakbang ito pasulong.

Nag-aral akong muli at nagsimulang makipagdeyt. Nakita ko na unti-unti na akong umuunlad, pero dama ko na lagi kong maaalala ang aking misyon nang may kaunting kapaitan. Pagkatapos ay ipinaalala sa akin ng isang kaibigan na mapapagaling ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang lahat ng pasakit at kapaitan. Sa tulong Niya maaari akong lumigaya kapag inisip ko ang aking misyon.

Lumuhod ako at nagdasal sa aking Ama sa Langit. Sinabi ko sa Kanya ang lahat ng pasakit at pagsisikap kong gumaling at mapanatag. Tinanong ko kung papawiin Niya ang pait na nadama ko. Pagkatapos kong magdasal, binigyan ako ng kakayahan ng Panginoon na makita ang aking misyon sa Kanyang pananaw. Ang aking paglilingkod at pag-uwi nang maaga ay kapwa bahagi ng plano ng Panginoon na tulungan akong maging katulad ng gusto Niyang kahihinatnan ko. Nakita ko ang mga himala Niya simula nang umuwi ako. Nahirapan ako, pero ngayo’y maaari kong gunitain ang pag-uwi ko nang maaga nang may kapayapaan, batid na hangad ng Diyos ang pinakamabuti para sa akin.