2016
Paano Makakamtan ang mga Pagpapala ng Templo
July 2016


Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan

Paano Makakamtan ang mga Pagpapala ng Templo

Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University noong Pebrero 10, 2009. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Larawan
room in the temple

Ang mga templo ay bahay ng Panginoon, kung saan ang mga turo ng ating Tagapagligtas ay pinagtitibay sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansang tulad ng binyag para sa mga patay at pag-aasawa, na pinag-iisa ang mga pamilya hanggang sa buong kawalang-hanggan.

Iminumungkahi ko na ugaliin ninyong sumamba sa templo—bilang mga indibiduwal at bilang mga pamilya—kapag pinag-isipan ninyo kung ano ang inyong pagtutuunan at bibigyan ng pansin, sa pagtatakda ng matitibay na huwaran sa inyong buhay. Alam ko na marami na sa inyo ang gumagawa nito, at dahil diyan lubos kaming nagpapasalamat sa inyo.

Nagpalabas ng paanyaya ang Unang Panguluhan sa lahat ng miyembro ng Simbahan, na talagang angkop sa inyo at sa akin: “Kung ipahihintulot ng panahon at mga pangyayari, hinihikayat ang mga miyembro na palitan ang ilang gawaing pang-libangan ng paglilingkod sa templo.”

Nawa’y atin ding isipin ang mga ipinangakong pagpapala ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag habang tapat tayong dumadalo sa templo. Ipinangako ni Pangulong Thomas S. Monson: “Magpunta sa templo at idulog ang inyong mga pasanin sa Panginoon at kayo ay mapupuspos ng panibagong sigla at pananalig sa hinaharap. Magtiwala sa Panginoon, at kapag ginawa ninyo ito susuportahan Niya kayo at pangangalagaan at aakayin sa bawat hakbang sa landas patungo sa kahariang selestiyal ng Diyos.”1

Ang isa pang nakapapanatag na pagpapala ng pagsamba sa templo ay ang katiyakang mabigyan ng proteksyon at kapayapaan mula sa mga paghihirap sa paligid sa ating panahon. Ang ilan sa pinakaligtas na mga lugar na naitayo ng Ama sa Langit para sa pagtitipon ng Kanyang mga tao ay nasa mga templo ng Panginoon.

Mababasa sa labas ng pader ng bawat templo ang pahayag na: “Kabanalan sa Panginoon / Ang Bahay ng Panginoon.” Pinatototohanan ko na lahat ng templo ng Panginoon ay Kanyang mga santuwaryo dito sa lupa. Inaanyayahan ko kayong lahat na dumalo nang mas madalas, kung tutulutan ng inyong sitwasyon, at kamtin ang inyong mga pagpapala at proteksyon na ipinangako sa inyo ng mga propeta ng Diyos.

Tala

  1. Thomas S. Monson, sinipi sa Dell Van Orden, “San Diego Temple: 45th House of the Lord Dedicated in ‘Season for Temple Building,’” Church News, Mayo 8, 1993, 12.