2016
Mga Espirituwal na Buwaya
July 2016


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Mga Espirituwal na Buwaya

“Kalokohan,” sabi ko. “Walang mga buwaya roon.”

Larawan
crocodile-eye

Imahe © iStock/Thinkstock

Matagal ko nang gustong magpunta sa Africa at makita ang mga hayop, at sa wakas ay dumating ang pagkakataong iyon. …

Huminto kami sa isang inuman ng tubig upang masdan ang mga hayop na dumarating para uminom. Lubhang tagtuyot ang panahong iyon at walang gaanong tubig, talagang mapuputik na lugar lamang. Kapag tumapak ang mga elepante sa malambot na putik, tumatagas ang tubig sa naiwang lubak at umiinom ang mga hayop mula sa mga niyapakan ng elepante.

Ang mga usa, lalo na, ay takot na takot. Nilalapitan nila ang tubig sa putikan, para lamang pumihit at tumakbo sa labis na takot. Nakikita ko na walang mga leon sa paligid at tinanong ko ang guide kung bakit hindi sila umiinom. Ang sagot niya, at ito ang leksyon, ay “mga Buwaya.”

Alam ko na nagbibiro lang siya at tinanong ko siya nang seryoso, “Ano ang problema?” Muli niyang sagot: “mga Buwaya.”

“Kalokohan,” sabi ko. “Walang mga buwaya roon.” …

Halata niya na hindi ko siya pinaniwalaan at ipinasiya niya, sa palagay ko, na turuan ako ng leksyon. Naglakbay kami sa isa pang lugar kung saan ang sasakyan ay nasa isang dike sa itaas ng maputik na inuman kung saan matatanaw namin ang ibaba. “Hayun,” sabi niya. “Tingnan mo mismo.”

Wala akong makitang anuman maliban sa putik, kaunting tubig, at mga natatakot na hayop sa kalayuan. Pagkatapos ay bigla kong nakita iyon!—isang malaking buwaya, na nakapirmi sa putikan, na naghihintay sa ilang walang kahina-hinalang hayop na mauhaw nang sapat upang lumapit para uminom. …

Napakabait ng guide sa akin. Ang “mapagmagaling” na hamon ko sa una niyang sinabi na, “mga buwaya,” ay maaaring nagtulak sa kanya na sabihing, “Lumabas ka at tingnan mo mismo!”

Nakita ko mismo na walang mga buwaya. Sa sobrang tiwala ko na tama ako, lumabas na sana ako para tingnan lang kung ano ang naroon. Ang gayon kayabang na pamamaraan ay malamang na ikinamatay ko! Pero sapat ang tiyaga niya para turuan ako.

Mga kaibigan kong kabataan, sana’y maging mas matalino kayo sa pakikipag-usap ninyo sa inyong mga guide kaysa sa akin sa pagkakataong iyon. Ang mayabang at walang-galang na ideya na alam ko na ang lahat ay hindi nararapat sa akin, ni sa inyo. Hindi ko iyon ipinagmamalaki, at palagay ko mahihiya akong ibahagi iyon sa inyo kung hindi lang ito maaaring makatulong sa inyo.

Ang mga nakatatanda sa inyo na may mga karanasan na sa buhay ay binabalaan kayo sa mga panganib na maaari ninyong suungin. Hindi lamang ang malalaking buwaya na kaya kayong lapain, kundi ang mga espirituwal na buwaya, na talagang mas mapanganib, at mas mapanlinlang at mas mahirap pa ngang makita kaysa nakabalatkayong mga buwaya sa Africa.

Ang mga espirituwal na buwayang ito ay kayang patayin o luray-lurayin ang inyong kaluluwa. Kaya nilang sirain ang kapayapaan ng inyong isipan at ng isipan ng mga taong nagmamahal sa inyo. Ito ang mga bagay na dapat tayong mabigyang-babala, dahil talamak na ito ngayon sa buong mundo. …

Mabuti na lang at sapat ang mga gabay sa buhay upang mahadlangan ang mga bagay na ito kung handa tayong tanggapin ang kanilang mga payo paminsan-minsan.