2016
Sumusuporta sa Kalayaang Pangrelihiyon
July 2016


Nagsasalita Ngayon ang mga Propeta at Apostol

Sumusuporta sa Kalayaang Pangrelihiyon

Bisitahin ang news.lds.org para sa iba pang mga balita at kaganapan sa Simbahan.

Ang mga tao sa lahat ng bansa ay dapat magtulungan para itaguyod ang kalayaang pangrelihiyon, na paulit-ulit na sinasabi ng mga lider ng Simbahan.

“Hangad ng mga miyembro ng Simbahan ang mabuting pakikipagkapwa sa lahat ng relihiyon, paniniwalang pampulitika, at sa bawat lahi,” sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa John A. Widtsoe Religious Symposium sa University of Southern California sa Los Angeles, California, USA, noong Abril 2015.

Larawan
president-uchtdorf-speaking-with-others

“Ang pagsisikap na tanggalin ang pagdududa at kakitiran ng isip at tunay na unawain ang isa’t isa nang may bagong pananaw—ituring ang bawat isa hindi bilang mga taga ibang lupa o kaaway kundi bilang kapwa mga manlalakbay, kapatid, at mga anak ng Diyos—ay isa sa pinakamahirap gawin ngunit kasabay nito ang pinaka kapaki-pakinabang at nagpapadakilang mga karanasan sa ating buhay,” sabi ni Pangulong Uchtdorf. Ito ay isa sa mga pakiusap para sa paggalang at pag-unawa na ginawa ng mga propeta at apostol kamakailan.

“Dapat ay walang pag-aaway sa pagitan ng relihiyon at pamahalaan,” sabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Court/Clergy Conference at Congregation B’nai Israel sa Sacramento, California, USA, noong Oktubre 2015. “Lahat ay talo kapag nananaig ang galit o pagkapoot o pagtatalo,” sabi niya.

Larawan
elder-oaks-at-religious-conference

“Ang mga pamahalaan at kanilang mga batas ay makapagbibigay ng mahalagang proteksyon para sa mga nananalig at mga relihiyon at kanilang mga aktibidad,” sabi niya, pinapansin na ang alituntuning pangrelihiyon, mga turo, at organisasyon “ ay makatutulong sa paglikha ng mga kundisyon kung saan ang pampublikong mga batas at mga institusyon sa pamahalaan at kanilang mamamayan ay mananagana,” upang ang lahat ay “mamuhay nang magkakasama sa kaligayahan, pagkakasundo at kapayapaan.”

Nagsalita rin si Elder Oaks tungkol sa kalayaang pangrelihiyon sa isang pagtitipon sa Argentina (tingnan sa “Balita sa Simbahan,” Liahona, Ene. 2016, 16).

Larawan
elder-holland-meets-with-parliamentary-group-in-london

Nagsalita si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa All-Party Parliamentary Group on Foreign Affairs sa House of Lords sa London, England, noong Hunyo 2015. “Sa matinding panawagan ukol sa personal na pinahahalagahan ng tao,” sabi niya, “ang mga relihiyon at organisasyong pangrelihiyon ay may kakaibang kakayahan na humikayat sa mga tao at, kasabay nito, makatulong para lalo pang bumuti ang ugaling mapagpatawad, madaling makipagbati, at kahandaang sikaping muli na matamo ang pinakamabuti sa kanilang personal na buhay at sa lipunan.”

Larawan
elder-christofferson-meets-with-people-of-faith-in-brazil

“Ang kalayaang pangrelihiyon ay ang batong panulok ng kapayapaan sa mundo na may napakaraming nagtutunggaliang pilosopiya,” ang sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol sa iba’t ibang grupo ng relihiyon sa Brazil Mosque sa São Paulo, Brazil, noong Abril 2015. Nagsalita siya sa wikang Portuges sa mga naroon na kinabibilangan ng mga Muslim, Katoliko, Adventist, Judio, Evangelical, mga Banal sa mga Huling Araw, katutubong espiritista, taong walang partikular na pananampalataya, at iba pa, sa isang kaganapan kung saan ipinagdiriwang ang malakas na suporta ng bansa sa kalayaang pangrelihiyon. “Nawa’y pagsikapan nating matamo ang kapayapaan,” sabi niya, “sa pamamagitan ng pagtutulungan para maingatan at maprotektahan ang kalayaan ng lahat ng tao na manampalataya sa piniling relihiyon, ito man ay para sa sarili o komunidad kasama ang iba, sa tahanan o sa ibang lugar, sa publiko o pribado, at sa pagsamba, paggalang, pagsasanay, at pagtuturo.”

“Ang mga taong may pananampalataya ang dapat manguna upang maprotektahan ang kalayaang pangrelihiyon—isang kalayaan kung saan nagmula ang maraming iba pang mahahalagang kalayaan,” sabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol habang ibinabahagi niya ang Annual Religious Liberty Lecture sa University of Notre Dame Australia sa Sydney, Australia, noong Mayo 2015. “Hindi lamang ang ating kakayahang ihayag ang ating sariling relihiyon ang dapat nating protektahan kundi ang karapatan din ng bawat relihiyon na pangasiwaan ang sarili nitong doktrina at mga batas,” sabi niya.

Larawan
elder-rasband-address-byu-students

Si Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ay naglilingkod noon bilang Senior President ng Pitumpu nang magsalita siya sa mga estudyante sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, noong Setyembre 2015.

“Nag-iisip ang ilan sa grupo ninyo kung bakit nakikilahok sa pulitika ang mga relihiyon, at sila ay madalas magduda sa mga motibo ng mga relihiyosong tao kapag sumasali ang mga ito sa pulitika,” sabi niya. Ang sama-samang tinig ng grupo na naniniwalang hindi dapat makibahagi ang relihiyon sa pulitika ay naging mas malakas nitong mga nagdaang taon, at inihahayag ang “panganib na madamay ang isa pang mabibiktimang grupo: mga taong nananampalataya, katulad natin.”

Sinabi ni Elder Rasband sa mga estudyante na kailangan ng mundo ang aktibong paglahok mula sa kanilang henerasyon tungkol sa paksang ito. “Kailangan namin sa inyong henerasyon ang likas ninyong pag-unawa tungkol sa pagkahabag, paggalang, at pagiging makatarungan. Kailangan namin ang inyong positibong pananaw at inyong determinasyong malampasan ang mga kumplikadong isyu sa lipunan.” Ang sagot, sabi niya, ay nagsisimula sa mga utos ng Tagapagligtas na “kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na kung paanong iniibig ko kayo” (Juan 13:34).