Para sa Lakas ng mga Kabataan
Paano Ko Maipakikita ang Pagmamahal Ko sa Diyos?
Marso 2025


Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol

Paano Ko Maipakikita ang Pagmamahal Ko sa Diyos?

Narito ang apat na paraan para maipakita ang pagmamahal sa Diyos, tulad ng itinuro ni propetang Josue.

Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University–Idaho na ibinigay noong Pebrero 13, 2022.

pagtawid sa Jordan

Ang isa sa mga pinakadakilang katotohanan ay ang kapangyarihan ng pag ibig sa ating buhay. Gusto kong tingnan ang pag-ibig bilang nakahihikayat na doktrina at kautusan.

“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.”

Ang pagmamahal sa Diyos ay sumasaklaw kapwa sa Ama at sa Anak at ito ang pangunahing tema ng ebanghelyo at ng mga banal na kasulatan. Sa huling payo ni propeta Josue sa mga Israelita, sinabi niya: “Maingat ninyong gawin … na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga utos, manatili at maglingkod sa kanya nang inyong buong puso at kaluluwa.”

“Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti,” ang sabi ng Panginoon kay Josue, hindi minsan kundi apat na beses, nang sa wakas ay humayo siya kasama ang daan-daang libo upang makapasok sa lupang pangako. Hindi nahati ang Ilog Jordan habang papalapit ang mga tao. Pero isawsaw ng mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan, na kinatawan ng Panginoon, ang kanilang mga paa sa ilog, ang tubig ay nahawi at ang mga tao ay tumawid sa tuyong lupa.

Tulad ng mga Israelita noon, ikaw ay nasa gilid ng iyong Ilog Jordan na inaabangan ang lahat ng mayroon ang Diyos para sa iyo sa iyong mortal na paglalakbay. Pero maaari mo ring gawin ang pangako ngayon na mahalin ang Panginoon mong Diyos.

Ito ang unang dakilang utos, at hindi ito nagbago sa lahat ng mga dispensasyon. Ipinapangako ko na lahat ng iba pang bagay ay magiging maayos kung uunahin mo ang Panginoon.

Maaaring iniisip mo: Paano mo gagawing pinakadiwa ng iyong buhay, pagsamba, at debosyon ang tila napakaselan at perpektong konsepto ng pag-ibig ng Diyos? Ipinakita sa atin ni Josue ang daan, tulad ng ginawa niya sa mga Israelita. Isipin natin ang apat niyang paraan para maipakita mo ang pagmamahal mo sa Diyos.

1. Lumakad Ka sa Lahat ng Kanyang mga Landas

Lumalakad ka sa lahat ng Kanyang mga landas kapag nagpapakita ka ng pagpapakumbaba, pagtitiwala, pananampalataya, pagtitiis, at lakas-ng-loob na tulad ng mga taong naligaw ng landas sa loob ng apat na dekada. Mahigpit na hinawakan ng mga saserdote ang kaban ng tipan—isang representasyon ng Diyos—at may pananampalatayang lumusong sa tubig. Ikaw din, ay kailangang manampalataya at magtiwala sa Panginoon habang nahaharap ka sa mga balakid tulad ng malalim na tubig na tila humahadlang sa iyong pag-unlad. Pero ang mga Israelita ay tumawid sa tuyong lupa, at dahil nasa tabi mo ang Panginoon, gayon din ang gagawin mo.

Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay hindi paglalakad sa daan—malawak, makinis, at patag. Maaaring hindi ka dumaan sa mga ilog, pero mahaharap ka sa nakakatakot na mga hamon. Tandaan, ang pagmamahal mo sa Diyos ay maaaring magsagawa ng mga himala upang pagpalain ka.

Lumalakad ka sa Kanyang mga landas kapag may malasakit ka sa mga bagay na pinagmamalasakitan Niya.

Lumalakad ka sa Kanyang mga landas kapag nananatili ka sa landas ng tipan, nang hindi dumadaan sa mga shortcut at sa ibang mga kalye. Ang pagsentro sa mga tipan sa iyong buhay ay tutulong sa iyo na lumayo sa mga panggagambala, panlilinlang, at maging sa pagkamanhid na humihila sa iyo, na humahatak sa iyo mula sa landas ng Diyos at sa Kanyang mapagmahal na mga bisig.

2. Sundin ang Kanyang mga Kautusan

Nang makita ng matagumpay na mga Israelita ang pagbagsak ng mga pader ng Jerico, sinabi ni Josue, “Ibinigay sa inyo ni Yahweh ang lunsod.” Bago ang pagsakop, nilinaw ni Josue na walang mangyayaring pandarambong, walang kukunin para sa personal na pakinabang.

Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa mga anak ni Israel at ang pagsalakay nila sa lunsod ng Ai ay nabigo dahil sa paglabag sa utos na huwag magnakaw. Dahil natanggal ang pagsuway, napasa kanila ang Panginoon, at nagtagumpay ang kanilang sumunod na pagsisikap.

Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang mga batas ng Diyos ay ginawa dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal sa atin at sa Kanyang hangarin para sa atin na maging mabuti sa abot ng makakaya natin.”

3. Kumapit sa Kanya

Kapag nakakapit ka sa Diyos nananatili kang malapit sa Kanya, naririnig mo Siya, at naririnig mo ang paghahayag para lamang sa iyo. Sa pakikinig sa Kanyang mga salita, handa kang harapin ang anumang darating.

Sinabi ni Pangulong Nelson na “[Habang nagsisikap tayong maging] mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.”

Naririnig ko Siya nang husto sa buhay ko kapag binabasa ko ang mga banal na kasulatan at lumalapit sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako.

Ipinapangako ko sa inyo ngayon na kung kakapit kayo sa Panginoon at sa Kanyang mga paghahayag, makikita ninyo ang mga himalang magtutulak sa inyong landas at magpapanatili sa inyo na malapit sa Kanya.

4. Paglingkuran Siya nang Inyong Buong Puso at Kaluluwa

Ang ikaapat at huling punto mula kay Josue ay ang “paglingkuran Siya nang buong puso at buong kaluluwa.”

“Ibig din ba ninyong umalis?” ang itinanong minsan ni Jesus kay Pedro. Sumagot si Pedro, “Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.” Tanong ko sa iyo, “Aalis ka ba?” Kapag nakatagpo kayo ng mahihirap na isyu o kapag may mga tanong kayo, hinahanap ba ninyo ang inyong mga sagot mula sa Panginoon at sa Kanyang mga lingkod? O sa internet kayo naghahanap? Maglilingkod ba kayo sa Panginoon, o mag-aatubili kayo?

Paano ninyo Siya pinaglilingkuran samantalang tila nagkakagulo ang lahat ng nakapaligid sa inyo? Ang sagot ay matatagpuan sa paglilingkod sa iba. Kumbinsido ako, kapag binabalikan ko ang buhay ko, na ang paglilingkod lalo na sa aking pamilya at sa Simbahan ay isa sa pinakamalalaking pagpapala sa paghubog sa akin.

Kapag naubos ng inyong pagmamahal sa Diyos ang inyong paglilingkod, interes, prayoridad, at pagmamahal, kayo ay pinagpapala, at ang kagalakan ay dumarating sa mga pagpapalang iyon.

Piliin na lumakad sa Kanyang mga landas, sundin ang Kanyang mga utos, kumapit sa Kanya, at maglingkod sa Kanya. Ito ang daan tungo sa buhay na walang hanggan at sa kaligayahan sa piling ng Ama.

Mga Tala

  1. Mateo 22:37.

  2. Josue 22:5.

  3. Josue 1:9.

  4. Josue 6:16.

  5. Tingnan sa Josue 6:24.

  6. Tingnan sa Josue 7:11.

  7. Tingnan sa Josue 8:1–29.

  8. Russell M. Nelson, “The Love and Laws of God” (debosyonal sa Brigham Young University, Set. 17, 2019), speeches.byu.edu.

  9. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2020 (Ensign o Liahona, Mayo 2020, 89).

  10. Josue 22:5.

  11. Juan 6:67–68.