Para sa Lakas ng mga Kabataan
Kapag Ikaw ay Bigo
Marso 2025


Kapag Ikaw ay Bigo

Ang Doktrina at mga Tipan ay makatutulong kapag hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa paraang gusto mo.

isang kamay na may hawak na karayom na nakaakmang puputukin ang bula

Paglalarawan ni Luciana Abrão

Naranasan mo na bang mabigo? Naranasan ko na iyan. Ang totoo, nabigo ako noong nakaraang linggo lang. Hindi ako nagbibiro—napaiyak ako at lahat-lahat na.

Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith, “Maging matiisin sa mga paghihirap, sapagkat ikaw ay magdaranas ng marami.” Napalunok ako. Ayoko ng ganyang ideya.

Mabuti na lang, idinugtong ng banal na kasulatan: “Subalit tiisin ang mga ito, sapagkat, masdan, ako ay makakasama mo, maging sa katapusan ng iyong mga araw” (Doktrina at mga Tipan 24:8, idinagdag ang pagbibigay-diin). OK. Nakahinga ako nang maluwag.

Kapag iniisip ko ito, natatanto ko na kasama ko ang Panginoon sa bawat kabiguan na pinagdaanan ko. Narito ang ilang halimbawa:

Nang Hindi Ko Nakuha ang Role na …

Noong 15 anyos ako, nag-audition ako para sa isang dula-dulaan sa paaralan. Sinubukan kong mag-aplay para sa pangunahing tauhan, pero sa huli, hindi ko nakuha ang role.

Ang mas masama pa, lahat ng mas maliliit na role ay naibigay na ng guro, kaya wala nang natirang papel na gagampanan para sa akin. Ginawa niya akong Student Director, at dahil nakonsensya siya, nagdagdag rin siya ng bagong papel—nakatungtong ako sa entablado nang mga 30 segundo bilang walang-imik na madre.

Totoo ‘yan. Umiyak ako.

… Pinalakas Ako ng Panginoon

Ngayong inaalala ko ito, natanto ko na tinulungan ako ng Tagapagligtas na makayanan ang nakakalungkot na panahong iyon. Pinalakas niya ako para mapanatili ang magandang pananaw at higit na maging mapagkumbaba. Sa huli, natuwa ako sa naging papel ko sa dula-dulaan noong nasa ikasiyam na baitang ako.

“Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay na abot ng ating makakaya; at pagkatapos, nawa ay magpakatatag tayo, nang may lubos na katiyakan, na makita ang kaligtasan ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipakita” (Doktrina at mga Tipan 123:17, idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kapag ang Sports ay Hindi Nangyayari sa Paraan na Gusto Ko …

Sa huling taon ko sa high school, gusto kong makapasok sa varsity (o advanced) tennis team. Kinailangan kong talunin agad ang babaeng mas mataas ang rank kaysa sa akin para makapasok sa team. Pero noong makalaro ko siya, natalo ako.

Kahit nabigo ako, naglaro ako sa junior varsity team. Sa huling junior varsity tournament, una ako sa ranking. Pero alam n’yo ba ang nangyari? Natalo ako sa final match. Umiyak ako—muli.

Nabigo na naman ako kalaunan. Matapos akong makatanggap ng award para sa mataas na grado at sa paglalaro ng sports, nagpasiya silang bawiin ang award—dahil para lang pala iyon sa mga naglaro sa varsity.

… Iyon ay ”Maikling Sandali Lamang”

Malaking bahagi ng buhay ko ang tennis noong panahong iyon, at nadama ko na matindi ang mga kabiguang iyon. Ang hindi ko natanto ay palagi ko palang kasama ang Tagapagligtas, tinutulungan ako. Ang matitinding kabiguang iyon ay lumipas din, kahit na pakiramdam ko ay napakatagal nito.

Mapasaiyong kaluluwa ang kapayapaan; ang iyong paghihirap at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali lamang; at pagkatapos, kung pagtitiisan mo itong mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa kaitaasan” (Doktrina at mga Tipan 121:7–8, idinagdag ang pagbibigay-diin).

Nang Sinubukan Kong Labanan ang Kabiguan …

May mga pagkakataon na pinilit kong lubusang iwasang makadama ng kabiguan. Noong 13 taong gulang ako at hindi pinalad na maging miyembro ng student council, hindi na ako sumubok muli, kahit na ito ay isang bagay na marahil ay ikasisiya ko. Sumuko na ako dahil natatakot akong mabigong muli.

… Kailangan Kong “Huwag Matakot”

Kailangan kong alalahanin na kasama natin ang Panginoon, kahit sa ating mga kabiguan. Kung minsan ay hindi nangyayari ang mga bagay-bagay sa paraang gusto natin, pero matutulungan Niya tayong labanan ang mga negatibong damdamin at subukan ang mga bagong bagay.

“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36–37, idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kapag ang Paglilingkod sa Misyon ay Hindi Nangyari ayon sa Plano …

Pagkatapos ng high school, nagpasiya akong magmisyon. Pero may mga hindi inaasahang problema ako sa kalusugan na naging hadlang sa inaasahan kong pag-alis.

Kailangan kong magtiis at maghintay, at kalaunan ay tinawag akong maglingkod sa Mexico Guadalajara East Mission. Doon, nagturo ako sa maraming kahanga-hangang tao at tinulungan ko pa ang ilan sa kanila na mabinyagan. Pero sa kabila ng aking pananampalataya, pagsunod, at sigasig, wala ni isa man sa kanila ang nanatiling aktibo sa Simbahan.

… Nagtiwala Ako sa Kalooban ng Diyos

Kadalasan, ang mga pangyayari sa buhay ay hindi natin kontrolado. Hindi ko malulutas kaagad ang mga problema ko sa kalusugan. At hindi ko mapipilit ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo. Pero mapagkakatiwalaan ko ang sariling panahon at paraan ng Panginoon.

“Samakatwid, pabanalin ang inyong sarili upang ang mga isipan ay matuon sa Diyos, at darating ang mga araw na inyo siyang makikita; … at iyon ay sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa kanyang sariling kalooban” (Doktrina at mga Tipan 88:68, idinagdag ang pagbibigay-diin).

Nang Nabigo Ako Noong Nakaraang Linggo …

Isa na akong adult ngayon. Pero may mga kabiguan pa rin ako. Sa katunayan, nitong nakaraang linggo lang, dumalo ako sa isang kumperensya para sa mga manunulat. Malaki ang kumpiyansa ko na maganda ang naisulat ko, pero nakatanggap ako ng ilang mga nakakadismayang feedback mula sa iba pang mga manunulat.

… Siya ay Kasama Ko

Ngayon, sinisikap kong dagdagan pa ang pagtitiwala ko sa Panginoon. Ang kabiguan ay bahagi ng buhay. Hindi ibig sabihin nito ay may nagawa kang anumang pagkakamali.

Kaya, balikan natin ang banal na kasulatang nabanggit sa simula. Oo, maaaring magkaroon tayo ng “maraming” paghihirap at kabiguan. Ngunit alam ko na ang Panginoon ay makakasama ko sa lahat ng ito. At sasamahan ka rin Niya.

“Maging matiisin sa mga paghihirap, sapagkat ikaw ay magdaranas nang marami, subalit tiisin ang mga ito, sapagkat, masdan, ako ay makakasama mo, maging sa katapusan ng iyong mga araw” (Doktrina at mga Tipan 24:8, idinagdag ang pagbibigay-diin).