Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Sikreto para Hindi na Kailanman Mabigong Muli
Marso 2025


Ang Sikreto para Hindi na Kailanman Mabigong Muli

Mas simple ito kaysa inaakala mo.

lalaking may hawak na bumbilya sa pinakaitaas na baitang

Mga paglalarawan ni Eric Chow

“Gustung-gusto ko na nabibigo!”

Malamang hindi iyan ang isang bagay na naririnig mong sinasabi ng maraming tao. Karamihan sa atin ay hindi natutuwang mabigo. Maaari itong makasakit, makahadlang sa ating mga plano, at kung minsan ay labis na makapagpahiya sa atin.

Pero paano kung may sikreto para hindi na kailanman mabigong muli?

“Parang imposible naman iyan,” ang maaaring iniisip mo. “Walang taong perpekto. Lahat tayo ay nagkakamali. Paanong mangyayaring hindi kailanman mabibigo ang isang tao?”

Natuklasan ni Thomas Edison ang sikreto nang maraming beses niyang tangkaing imbentuhin ang bumbilya. “Hindi ako nabigo nang 1,000 beses,” ang naiulat na sinabi niya. “Ang bumbilya ay isang imbensyon na may 1,000 hakbang.”

Nabigo si Edison nang paulit-ulit, ngunit hindi niya pinili na makita ito sa ganoong paraan. At iyan ang sikreto! Baguhin ang iyong pananaw! Kapag binago mo ang iyong pananaw, ang iyong “mga kabiguan” ay maaaring maging isang bagay na bago at positibo.

Narito ang apat na paraan upang mabago ang iyong pananaw tungkol sa kabiguan:

binatilyo na pilit pinipigilan ang kamay ng isang napakalaking timbangan
  1. Alamin kung ano ang maaari at hindi mo maaaring kontrolin. Kung minsan ang mga bagay na pinaka-inaalala natin ay hindi natin kontrolado. Halimbawa na lang ang pag-apply ng trabaho. Maaari mong kontrolin ang pagsisikap na ginawa mo para makapag-apply sa trabaho, ngunit hindi mo makokontrol ang resulta. Sa halip na magsayang ng lakas sa pag-aalala na “mabibigo ka,” sikaping pagsikapan ang kontrolado mo at magtiwala sa Panginoon. Ipinangako Niya na “sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya” (Roma 8:28). At kung hindi mo makuha ang trabahong iyon? Hindi ka bigo! Kahit hindi mo makuha ang resultang inaasam mo, ibinigay mo ang lahat ng makakaya mo, isang tagumpay na iyan!

    dalagita na ginuguhitan ang isang malaking mapa na kanyang kinauupuan
  2. Kunin ang mabuti at magpatuloy. Kapag pakiramdam mo ay nabibigo ka, subukang tingnan nang mas malalim ang iyong karanasan. Hindi ka ba nakapasok sa sports team? Nakakuha ng nakakadismayang grado sa isang pagsusulit? Ang pagtingin sa kung saan ka nahirapan ay magbibigay sa iyo ng isang mahusay na mapa ng mga dapat mong gawin sa hinaharap. Kung ang isang karanasan ay nagpaparamdam sa iyo nang hindi maganda, huwag itong ikaila at pagkatapos ay magpasiyang ipagpatuloy kung ano ang mabuti. Ang kabiguan ay makatutulong sa iyo na magpatuloy sa bago at mas mahusay na direksyon.

    binatilyo na nakatingin sa paakyat at paliku-likong daan
  3. Tandaan na hindi ito ang katapusan. May karaniwang kasabihan: “Lahat ay magiging maayos sa huli. Kung hindi maayos ngayon, hindi iyan ang katapusan.” Katulad nito ang itinuro ni Moroni. Sabi niya, “Ang katapusan ay dumating na ba? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; at ang Diyos ay hindi tumitigil na maging Diyos ng mga himala” (Mormon 9:15). Habang nagtitiwala tayo sa Diyos, nagpapatuloy nang may pananampalataya, at tinatandaan na ang ating mga kuwento ay hindi nagtatapos kapag may mali, maaaring mangyari ang mga himala at ang anumang “mga kabiguan” na maaaring danasin natin ay maaaring maging kamangha-manghang mga tagumpay sa huli.

  4. Tumayong Kasama ni Cristo. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, walang kabiguan na permanente. Lagi tayong may pagpipilian na magsisi, ibalik ang ating puso sa Diyos, at humingi ng tulong sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kahit gaano karaming pagkakamali ang nadama mo … , pinatototohanan ko na hindi ka lumampas sa abot ng banal na pagmamahal. Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.” Kaya, sa isang banda, kapag kasama mo si Cristo, hindi ka mabibigo!

Kapag itinuturing mo ang iyong mga kabiguan bilang mga hakbang sa tagumpay, ginagamit mo ang sikreto na hindi na kailanman mabigong muli.

Kaya subukan ito! At kung mabigo ka? Basta tandaan mo—hindi ka talaga nabibigo. Sumusulong ka lang nang paisa-isang hakbang.

Mga Tala

  1. Thomas Edison, sa Zorian Rotenberg, “To Succeed, You Must Fail, and Fail More,” Nob. 13, 2013, insightsquared.com.

  2. Jeffrey R. Holland, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2012 (Liahona, Mayo 2012, 33).