Para sa Lakas ng mga Kabataan
Isang Sariwang Pananaw sa Pagsisisi
Marso 2025


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 18

Isang Sariwang Pananaw sa Pagsisisi

Ang pagsisisi ay higit pa sa pagsisisi ng iyong mga kasalanan—ito ay pagiging mas katulad ni Jesucristo.

binatilyo

Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagsisisi—palagi. Bakit?

Ginagawa natin ito dahil ang pagsisisi ay isa sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4). Hindi lamang ito magandang gawin o paraan para “makalimutan” ang ating mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:42). Talagang mahalaga ito sa ating pagiging higit na katulad ng Tagapagligtas at sa pamumuhay balang-araw na kasama ang Ama sa Langit at ang ating mga pamilya magpakailanman.

Ang pagsisisi ay “pagbabago ng pag-iisip at kalooban na nagdudulot ng pangkalahatang bagong saloobin sa Diyos, sa sarili, at sa buhay.” Kaya, ang punto ng pagsisisi ay tulungan tayong magbago at makita ang Diyos, ang ating sarili, at ang mortalidad sa iba at mas mainam na paraan. Pero paano natin gagawin iyan?

Paglapit kay Cristo

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang salitang Swedish para sa “magsisi” ay omvänd, na literal na nangangahulugang “lumiko pabalik.” Sabi niya, “Ang tunay na pagsisisi ay kailangan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pananampalataya na kaya Niya tayong baguhin, pananampalataya na kaya Niya tayong patawarin, at pananampalataya na tutulungan Niya tayo na makaiwas sa iba pang mga pagkakamali. Ginagawang mabisa sa ating buhay ng ganitong uri ng pananampalataya ang Kanyang Pagbabayad-sala.”

Ang pagsisisi ay hindi lamang pagtalikod sa kasalanan kundi isang kumpleto, sinasadya, lubusang pagharap kay Jesucristo. Isipin ito sa ganitong paraan: Kung sinusubukan mong maglakad papunta sa isang tao para makipag-usap sa kanila, naglalakad ka ba nang paatras? Nakakarating ka ba sa kanila sa pamamagitan ng palilu-likong mabigat na paglalakad? Medyo mahihirap na paraan iyan sa pakikipagkita sa isang tao. Kung hindi ka pa lubos na nakaharap sa pupuntahan mo (o sa sinumang pakikiharapan mo), madali kang maliligaw ng landas. Sa kabuuan, masasabi na magiging mas madali at mas maganda ang usapan kapag lumapit ka sa tao habang nakaharap ka sa kanila.

Ganoon din ang pagsisisi. Tinatanggap at mahal ng Tagapagligtas ang ating mga pagsisikap na magsisi, pero epektibo lamang ang mga ito kapag nakapokus ito sa Kanya. Kapag mas sumasampalataya tayo kay Jesucristo, kinikilala ang ating mga pagkakamali, humihingi ng paumanhin para dito, at sinisikap na ayusin ang mga ito, mas magiging katulad Niya tayo.

Ang Tawag ng Tagapagligtas sa Atin

Isipin kung gaano kasaya ang Tagapagligtas na makita kayong nagsisikap nang husto na bumuti! Sabi niya: “Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya. …

“At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!” (Doktrina at mga Tipan 18:11, 13).

Si Jesucristo ay nagdusa upang magkaroon tayo ng pagkakataong magsisi. Kung hindi tayo magsisisi, hindi natin hahayaan na maimpluwensyahan ng Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan ang ating buhay. Kapag nagpapakumbaba tayo at umaasa sa Tagapagligtas, nagiging mas mabuti tayo, at nagiging mas katulad Niya tayo.

Tulad ng nagagalak ang Tagapagligtas kapag nagsisisi tayo, madarama rin natin ang kagalakang iyan. Itinuro ni Elder Craig C. Christensen ng Pitumpu na, “Sa pagsisisi natin sa ating mga kasalanan, dapat tayong nakapokus sa malaking kagalakang kasunod nito. Ang mga gabi ay tila mahaba, pero dumarating nga ang umaga, at o kayganda ng kapayapaan at masiglang kagalakang nadarama natin kapag pinalalaya tayo ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas mula sa kasalanan at pagdurusa.”

At huwag nating kalimutan: Nais ng Ama sa Langit na umuwi sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga anak. Tinatawag tayo na magsisi, ibahagi ang ebanghelyo, at anyayahan ang lahat na magsisi at magpakabuti. Hindi ibig sabihin nito na nagsisisigaw tayo ng, “Magsisi, magsisi!” sa mga tao sa kalye. Sa halip, kapag angkop, magiliw nating hinihikayat ang mga nakapaligid sa atin na lumapit sa kanilang Tagapagligtas na si Jesucristo at maging mas mabuti kaysa dati.