Nais ng Iyong Ama sa Langit na Mangusap sa Iyo
Manampalataya na ang iyong Ama sa Langit ay nangungusap sa iyo. Nariyan Siya at mahal ka Niya nang higit pa sa mailalarawan ng mga salita.
Tayo ay mga anak ng Diyos, na sama-samang naninirahan sa mundo malayo sa ating tahanan sa langit. Ito ang mortalidad, isang panahon para tanggapin ang ating katawan, piliin ang mabuti kaysa masama, palakasin ang ating pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang sagradong Pagbabayad-sala, at tanggapin ang plano ng kaligayahan ng ating Ama.
Dahil walang alaala ng ating buhay bago tayo isinilang, kung minsan, nangungulila tayo sa mundong iniwan natin. Binigyan tayo ng ating Ama ng espirituwal na kaloob na manatiling konektado sa Kanya at tumanggap ng patnubay, tagubilin, at kapanatagan mula sa Kanya. Alam na alam natin ang kaloob na ito; ito ay tinatawag na panalangin.
For Those Who Will Believe in Me [Para sa mga Taong Maniniwala sa Akin], ni Dan Wilson
Manalangin sa Iyong Ama sa Langit
Iniutos ng isang anghel kina Adan at Eva at lahat ng susunod sa kanila na “magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman” (Moises 5:8).
Itinuro ni Jesus:
-
“Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan” (Mateo 7:7).
-
“Kapag ikaw ay nananalangin, … manalangin sa iyong Ama … na nasa lihim” (Mateo 6:6).
-
“Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo” (Mateo 6:9).
Patuloy na nanalangin si Jesus sa Kanyang Ama (tingnan sa Lucas 6:12; Marcos 6:46). Sa Getsemani, sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Maupo kayo rito habang ako’y nananalangin” (Marcos 14:32). Habang nasa krus, ipinagdasal ni Jesus ang mga kawal na nagpako sa Kanya sa krus: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).
Pinapayuhan tayo na “laging manalangin.” Kapag tayo ay “[n]akipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng [ating] mga gawain, … gagabayan [niya tayo] sa kabutihan” (Alma 37:37). Bukod pa rito, “[ibinibigay natin] ang lahat ng pasasalamat at papuri na makakayang taglayin ng [ating] buong kaluluwa” (Mosias 2:20).
Ngunit higit na maluwalhati, ang ating Ama sa Langit ay tumutugon sa ating mga panalangin! Ang isang pag-iisipang tanong para sa atin ay paano natin mas matatanggap at mauunawaan ang mga sagot, patnubay, at kapanatagan na nagmumula sa ating Ama?
Ang pagtanggap ng mga sagot sa ating mga panalangin ay nagsisimula sa pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Nagtitiwala tayo sa ating Ama, ginagawa ang lahat ng makakaya natin para sundin ang mga kautusan, at hinahanap ang Kanyang paggabay sa lahat ng bagay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:21).
Ang iyong Ama sa Langit ay sasamahan ka, palalakasin ang iyong mga kakayahan, papanatagin ka, at “ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan” (2 Nephi 2:2) kapag nananawagan ka sa Kanya.
Pakinggan ang Kanyang Tinig
Kapag sumampalataya tayo sa Diyos at sumunod sa Kanyang mga kautusan, likas nating natututuhan na mas marinig ang Kanyang tinig.
Noong 1993, si Pangulong James E. Faust (1920–2007), na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay inanyayahan kami ng asawa kong si Kathy na dumalo sa isang debosyonal sa Brigham Young University kasama niya. Ang debosyonal na ito ay naganap bago pa man ang malawakang pagkakaroon ng mga smartphone, social media, at internet.
Sa kanyang mensahe, nagbabala si Pangulong Faust: “Sa inyong henerasyon ay babagabagin kayo ng maraming tinig na nagsasabi sa inyo kung paano mamuhay, kung paano bigyang-kasiyahan ang inyong mga hilig, kung paano magkaroon ng lahat ng ito.” Ngunit “ang tinig na dapat ninyong matutuhang pakinggan ay tinig ng Espiritu.” Upang magawa ito, “dapat nating buksan ang ating mga tainga, ibaling ang mata ng pananampalataya sa pinagmumulan ng tinig, at matatag na tumingin sa langit.”
Pagkaraan ng ilang taon, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kung mas binibigyan ninyo ng atensyon ang mga feed ninyo sa social media kaysa sa mga bulong ng Espiritu, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa espirituwal na kapahamakan.”
Ang tinig ng Espiritu ay dumarating kapwa sa ating isipan at damdamin. “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (Doktrina at mga Tipan 8:2). Makinig sa iyong budhi—ang paghahayag ay kadalasang nagsisimula roon.
Manalangin nang May Pusong Naniniwala
Hindi maaaring pilitin ang mga sagot at impresyon mula sa Diyos. Nagdarasal tayo at naghihintay nang may pusong mapagsampalataya. Ang ilang sagot ay hindi darating sa buhay na ito, ngunit sa mabubuti, laging ipadadala ng Panginoon ang Kanyang kapayapaan (tingnan sa Juan 14:27). Kung minsan, ang mga sagot ay dumarating nang “taludtod sa taludtod, utos sa utos” (Doktrina at mga Tipan 98:12).
Ang tinig ng langit ay maaaring dumating nang hindi inaasahan madalas sa tahimik at mga sagradong lugar. Sa katahimikan ng aking mga panalangin at pagninilay sa madaling araw, nakakakita ako ng mga di-pangkaraniwang pagpapala. Ang araw-araw, personal, at walang-tigil na pagbabasa ng mga banal na kasulatan, bagama’t karaniwan kung minsan, ay maaaring magdala ng tinig ng Espiritu sa ating puso na parang apoy sa ibang pagkakataon.
Habang napalilibutan tayo ng ingay at mga bagay na nakakagambala sa mundo, iniutos ng Panginoon sa Kanyang propeta na magtayo ng mas maraming templo. Sa mga sagradong bahay na ito ng Panginoon, kapag iniwan natin ang ating mga hamon sa labas at pumasok na may mga panalangin at alalahanin sa ating puso, tinuturuan tayo ng mga katotohanan ng kawalang-hanggan. Isang taon na ang nakararaan, nangako si Pangulong Nelson na kapag sumamba tayo sa templo, “Wala nang higit na magbubukas ng kalangitan. Wala!”
Ang bawat pangkalahatang kumperensya ay nagdudulot din ng karagdagang masaganang pagpapala. Sa darating na buwan ng Abril, muli tayong magkikita sa pangkalahatang kumperensya para marinig ang tinig ng Panginoon. Ipinapangako ko na kapag naghanda ka at mapanalanging nagpunta sa pangkalahatang kumperensya, makikita mo ang mga sagot sa iyong mga alalahanin at malalaman mo na “ang paggabay ng langit” ay nasa iyo.
Manampalataya na ang iyong Ama sa Langit ay nangungusap sa iyo. Siya ay nangungusap sa iyo! Hayaan mong tulungan ka ng pananampalataya mo sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na mahawi ang tabing at tanggapin ang tinig ng iyong Ama. Nagpapatotoo ako na nariyan Siya at mahal ka Niya nang higit pa sa mailalarawan ng mga salita.