Makinig sa Espiritu
Nais ng Ama sa Langit na mangusap sa iyo. Narito ang mga paraan kung paano mo maaaring mapanatili ang komunikasyong iyon.
Kilala at mahal ka ng iyong Ama sa Langit. Pinakikinggan ka Niya kapag nagdarasal ka, at nais Niyang mangusap sa iyo. Ang matuklasan kung paano Siya nangungusap ay mahalaga—at iba-iba ito para sa ating lahat. Ngunit kadalasan, mapapansin mo na ang Ama sa Langit ay nangungusap sa iyong isipan at puso kapag ikaw ay nakikinig—namumuhay at kumikilos nang may pananampalataya.
Manatiling Nakakonekta
Mapapanatili mo ang koneksyon mo sa Ama sa Langit kapag palagi at taos-puso kang nagdarasal sa Kanya. Basahin ang Kanyang mga salita sa mga banal na kasulatan. Pakinggan at sundin ang Kanyang mga piniling lingkod—ang mga propeta at apostol. At gawin ang lahat ng makakaya mo para masunod ang Kanyang mga kautusan.
Ang pananatiling konektado sa Ama sa Langit ay nagdudulot ng kaligayahan at kahulugan sa ating buhay. Tinutulungan tayo nito na mas maunawaan ang Kanyang plano at madama ang Kanyang pagmamahal. Nalalaman natin kapag nangungusap Siya habang sinisikap nating manatiling mataas ang antas ng ating espirituwalidad.
Mapanatag
Sa mga banal na kasultan, ipinaalala sa atin ng Panginoon na “magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos” (Mga Awit 46:10; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:16). Ang mundo ay puno ng ingay at mga pagkagambala, ngunit ang Ama sa Langit ay hindi maingay. Nangungusap Siya sa “banayad at munting tinig” (1 Mga Hari 19:12). Makikilala natin ang Kanyang impluwensya kapag tayo ay tahimik.
Halimbawa, maghanap ng isang tahimik na lugar upang manalangin, maglaan ng oras na palibutan ang iyong sarili ng kagandahan ng mga nilikha ng Diyos sa kalikasan, o makinig ng nakapagpapasiglang musika at sining. Ang mga bagay na ito ay tumutulong na mapanatili ang ating isipan at puso na bukas sa mga natatanging karanasan sa Ama sa Langit.
Sundin ang mga Pahiwatig
Madalas mangusap sa atin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga pahiwatig. Ngunit paano natin matitiyak kung ang isang pahiwatig ay nagmumula sa Kanya? Nagbigay si propetang Mormon ng mabuting gabay: “Bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya ay pinapatnubayan ng Diyos” (Moroni 7:13). Minsan ay sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Iyan ang pagsubok, matapos [masabi at magawa] ang lahat. Hinihikayat ba nito ang isang tao na gumawa ng mabuti, bumangon, manindigan, gumawa ng tamang bagay, maging mabait, maging mapagbigay? Kung gayon ito ay nagmumula sa Espiritu ng Diyos.”
Kadalasan, ang isang pahiwatig ay “[humayo at gumawa]” (tingnan sa 1 Nephi 3:7) o magsabi ng isang bagay. Kapag kumilos tayo ayon sa mga pahiwatig na iyon—lalo na sa unang pagkakataon na nadama natin ito—mas maraming karanasan ang darating. Kaya, kung sa palagay mo ay dapat mong sabihin o gawin ang isang bagay na mabuti at positibo, gawin ito! Ang kumpirmasyon na ikaw ay nasa tamang landas ay dumarating kapag ikaw ay nakinig at kumilos.
Magpatuloy nang May Pananampalataya at Tiwala
Ang matukoy na ang Diyos ang nangungusap ay isang proseso. Kailangang manampalataya at magtiwala na nangungusap sa iyo ang Ama sa Langit at tutulungan kang gawin ang higit pa sa magagawa mo nang mag-isa. Mahalagang tandaan din na nagtitiwala ang Ama sa Langit sa iyo na hihilingin mong gabayan Niya hindi lamang ikaw kundi pagpalain din at patatagin ang mga nakapaligid sa iyo.
Hindi lahat ng sagot ay maibibigay mo. Hindi inaasahang gawin mo ito. Ngunit hinihikayat kang kumilos nang may pananampalataya. Kapag ginawa mo ito, malalaman mo na ang Diyos ay maaaring mangusap sa mas maraming paraan kaysa sa maiisip mo. Sa paglipas ng panahon, ang Kanyang tinig ay magiging mas malinaw, ang Kanyang patnubay ay mas maliwanag, at ang Kanyang presensya ay mas kapansin-pansin upang matulungan kang maging kung ano ang alam Niyang maaari mong maging.