Kabanata 7
(Disyembre 1830)
Si Enoc ay nagturo, pinamunuan ang mga tao, tininag ang mga bundok—Ang lunsod ng Sion ay itinatag—Nakita ni Enoc ang pagparito ng Anak ng Tao, ang kanyang pagbabayad-sala, at ang pagkabuhay na mag-uli ng mga Banal—Kanyang nakita ang Pagpapanumbalik, ang Pagtitipon, ang Ikalawang Pagparito, at ang pagbabalik ng Sion.
1 At ito ay nangyari na nagpatuloy si Enoc sa kanyang pagsasalita, nagsasabing: Masdan, itinuro ng ating amang si Adan ang mga bagay na ito, at marami ang naniwala at naging mga anak ng Diyos, at marami ang hindi naniwala, at mga nasawi sa kanilang mga kasalanan, at mga tumatanaw nang may takot, sa pagdurusa, sa matinding galit ng kapootan ng Diyos na mabubuhos sa kanila.
2 At mula sa panahong yaon, si Enoc ay nagsimulang magpropesiya, nagsasabi sa mga tao, na: Habang ako ay naglalakbay, at nakatayo sa dako ng Mahujah, at nagsusumamo sa Panginoon, ay may nangusap na isang tinig mula sa langit, nagsasabing—Bumalik ka at magtungo ka sa bundok ng Simeon.
3 At ito ay nangyari na ako ay bumalik at umakyat sa bundok; at habang ako ay nakatindig sa bundok, aking namalas ang kalangitan na bumukas, at ako ay nabalot ng kaluwalhatian;
4 At aking nakita ang Panginoon; at siya ay nakatayo sa aking harapan, at siya ay nakipag-usap sa akin, maging gaya ng pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa, nang harap-harapan; at kanyang sinabi sa akin: Tumingin ka, at aking ipakikita sa iyo ang daigdig sa loob ng maraming salinlahi.
5 At ito ay nangyari na aking namalas sa lambak ng Shum, at masdan, maraming tao ang naninirahan sa mga tolda, na mga tao ng Shum.
6 At muling sinabi sa akin ng Panginoon: Tumingin; at ako ay tumingin sa dakong hilaga, at aking namalas ang mga tao ng Canaan, na naninirahan sa mga tolda.
7 At sinabi ng Panginoon sa akin: Magpropesiya; at ako ay nagpropesiya, nagsasabing: Masdan ang mga tao ng Canaan, na napakarami, ay hahayo sa digmaan laban sa mga tao ng Shum, at papatayin sila kung kaya’t sila ay ganap na malilipol; at ang mga tao ng Canaan ay maghihiwa-hiwalay sa mga pangkat sa lupain, at ang lupain ay magiging tigang at hindi magbubunga, at walang ibang taong maninirahan doon maliban sa mga tao ng Canaan;
8 Sapagkat masdan, susumpain ng Panginoon ang lupain nang matinding init, at ang pagkatigang niyon ay magpapatuloy magpakailanman; at may kaitimang pumasalahat ng anak ng Canaan, kung kaya’t sila ay kinamuhian sa lahat ng tao.
9 At ito ay nangyari na sinabi sa akin ng Panginoon: Tumingin; at ako ay tumingin, at aking namalas ang lupain ng Sharon, at ang lupain ng Enoc, at ang lupain ng Omner, at ang lupain ng Heni, at ang lupain ng Sem, at ang lupain ng Haner, at ang lupain ng Hanannihah, at lahat ng naninirahan doon;
10 At sinabi sa akin ng Panginoon: Humayo sa mga taong ito, at sabihin sa kanila—Magsisi, na baka ako ay lumabas at bagabagin sila ng isang sumpa, at sila ay mamatay.
11 At binigyan niya ako ng isang kautusan na ako ay nararapat magbinyag sa pangalan ng Ama, at ng Anak, na puspos ng biyaya at katotohanan, at ng Espiritu Santo, na nagpapatotoo sa Ama at sa Anak.
12 At ito ay nangyari na si Enoc ay nagpatuloy sa pananawagan sa lahat ng tao, maliban sa mga tao ng Canaan, na magsisi;
13 At napakalaki ng pananampalataya ni Enoc kung kaya’t pinamunuan niya ang mga tao ng Diyos, at ang kanilang mga kaaway ay sumalakay upang makidigma laban sa kanila; at kanyang sinabi ang salita ng Panginoon, at ang lupa ay nayanig, at ang mga bundok ay natinag, maging alinsunod sa kanyang utos; at ang mga ilog ng tubig ay lumiko mula sa kanilang pinag-aagusan; at ang atungal ng mga leon ay narinig mula sa ilang; at ang lahat ng bayan ay labis na natakot, napakamakapangyarihan ng salita ni Enoc, at napakalakas ng kapangyarihan ng wikang ibinigay ng Diyos sa kanya.
14 Mayroon ding lumitaw na isang lupain mula sa ilalim ng dagat, at napakalaki ng takot ng mga kaaway ng mga tao ng Diyos, kung kaya’t nagsitakas sila at tumayo sa malayo at nagtungo sa lupain na lumitaw mula sa ilalim ng dagat.
15 At ang mga higante rin ng lupain ay tumayo sa malayo; at doon sumapit ang isang sumpa sa lahat ng taong lumalaban sa Diyos;
16 At magmula sa panahong yaon ay nagkaroon ng mga digmaan at pagdanak ng dugo sa kanila; subalit ang Panginoon ay dumating at nanirahang kasama ng kanyang mga tao, at sila ay namuhay sa kabutihan.
17 At ang takot sa Panginoon ay napasalahat ng bayan, napakadakila ng kaluwalhatian ng Panginoon, na napasakanyang mga tao. At pinagpala ng Panginoon ang lupain, at sila ay pinagpala sa ibabaw ng mga kabundukan, at sa ibabaw ng matataas na lugar, at nanagana.
18 At tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila.
19 At si Enoc ay nagpatuloy sa kanyang pangangaral sa kabutihan sa mga tao ng Diyos. At ito ay nangyari na sa kanyang mga araw, siya ay nagtayo ng isang lunsod na tinawag na Lunsod ng Kabanalan, maging ang Sion.
20 At ito ay nangyari na si Enoc ay nakipag-usap sa Panginoon; at kanyang sinabi sa Panginoon: Tiyak ang Sion ay mamumuhay sa kaligtasan magpakailanman. Subalit sinabi ng Panginoon kay Enoc: Ang Sion ay pinagpala ko, subalit ang labi ng mga tao ay isinumpa ko.
21 At ito ay nangyari na ipinakita ng Panginoon kay Enoc ang lahat ng naninirahan sa mundo; at kanyang namasdan, at namalas, ang Sion, sa paglipas ng panahon, ay dinala sa langit. At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Masdan ang aking tahanan magpakailanman.
22 At namalas din ni Enoc ang labi ng mga tao na mga anak ni Adan; at silang lahat ay pinagsama-samang mga binhi ni Adan maliban sa mga binhi ni Cain, sapagkat ang mga binhi ni Cain ay maiitim, at walang lugar sa kanila.
23 At pagkatapos na ang Sion ay dinala sa langit, namasdan ni Enoc, at namalas, ang lahat ng bayan sa mundo ay nasa kanyang harapan;
24 At nagdaan ang bawat sali’t salinlahi; at si Enoc ay marangal at dinakila, maging sa sinapupunan ng Ama, at ng Anak ng Tao; at masdan, ang kapangyarihan ni Satanas ay nasa ibabaw ng buong mundo.
25 At siya ay nakakita ng mga anghel na bumababa mula sa langit; at kanyang narinig ang isang malakas na tinig na nagsasabing: Sa aba, sa aba sa mga naninirahan sa mundo.
26 At kanyang namasdan si Satanas; at siya ay may malaking tanikala sa kanyang kamay, at tinalukbungan nito ang ibabaw ng buong mundo ng kadiliman; at siya ay tumingala at tumawa, at ang kanyang mga anghel ay nagsaya.
27 At namasdan ni Enoc ang mga anghel na bumababa mula sa langit, nagpapatotoo sa Ama at Anak; at ang Espiritu Santo ay tumahan sa marami, at sila ay natangay sa pamamagitan ng mga kapangyarihan ng langit sa Sion.
28 At ito ay nangyari na ang Diyos ng langit ay tumingin sa labi ng mga tao, at siya ay nanangis; at pinatotohanan ito ni Enoc, nagsasabing: Paanong ang kalangitan ay nananangis, at pumapatak ang kanilang mga luha gaya ng ulan sa ibabaw ng mga bundok?
29 At sinabi ni Enoc sa Panginoon: Paanong kayo ay nananangis, nakikitang kayo ay banal, at mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan?
30 At kung mabibilang ng tao ang maliliit na bahagi ng mundo, oo, milyun-milyong mundo na tulad nito, ito ay hindi magiging simula sa bilang ng inyong mga nilikha; at ang inyong mga tabing ay nakaladlad pa rin; at gayon pa man kayo ay naroon, at ang inyong sinapupunan ay naroon; at gayon din kayo ay makatarungan; kayo ay maawain at mabait magpakailanman;
31 At kinuha ninyo ang Sion sa inyong sariling sinapupunan, mula sa lahat ng inyong mga nilikha, mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan; at wala maliban sa kapayapaan, katarungan, at katotohanan ang tahanan ng inyong trono; at ang awa ay mababanaag sa inyong mukha at walang wakas; paanong kayo ay nananangis?
32 At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Masdan ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay, at ibinigay ko sa kanila ang kanilang kaalaman, sa araw na aking nilalang sila; at sa Halamanan ng Eden, ibinigay ko sa tao ang kanyang kalayaang mamili;
33 At sa iyong mga kapatid aking sinabi, at nagbigay rin ng kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa’t isa, at na kanilang nararapat piliin ako, na kanilang Ama; subalit masdan, sila ay walang pagmamahal, at kinapopootan nila ang kanilang sariling dugo;
34 At ang apoy ng aking galit ay nagsusumiklab laban sa kanila; at sa init ng aking hinanakit ay magpapadala ako ng mga baha sa kanila, sapagkat ang aking matinding galit ay nagsusumiklab laban sa kanila.
35 Masdan, ako ang Diyos; Taong Banal ang aking pangalan; Taong Tagapayo ang aking pangalan; at Walang Wakas at Walang Hanggan ay akin ding pangalan.
36 Kaya nga, maiuunat ko ang aking mga kamay at mahahawakan ang lahat ng nilalang na aking nilikha; at ang aking mata ay maaari ring tumagos sa kanila, at sa lahat ng gawa ng aking mga kamay ay walang naging kasingsama gaya sa iyong mga kapatid.
37 Subalit masdan, ang kanilang mga kasalanan ay mapapataw sa ulo ng kanilang mga ama; si Satanas ang kanilang magiging ama, at pagdurusa ang kanilang kahahantungan; at ang buong kalangitan ay mananangis dahil sa kanila, maging ang lahat ng gawa ng aking mga kamay; dahil dito, hindi ba nararapat lamang na manangis ang kalangitan, nakikitang sila ay magdurusa?
38 Subalit masdan, sila na nakikita ng iyong mga mata ay masasawi sa mga baha; at masdan, aking ikukulong sila; isang bilangguan ang aking inihanda para sa kanila.
39 At yaong aking napili ay nagmakaawa sa aking harapan. Anupa’t siya ay magdurusa para sa kanilang mga kasalanan; yayamang sila ay magsisisi sa araw na ang aking Pinili ay magbabalik sa akin, at hanggang sa dumating ang araw na yaon sila ay masasadlak sa pagdurusa;
40 Kaya nga, dahil dito ang kalangitan ay mananangis, oo, at lahat ng gawa ng aking mga kamay.
41 At ito ay nangyari na ang Panginoon ay nangusap kay Enoc, at sinabi kay Enoc ang lahat ng ginagawa ng mga anak ng tao; kaya nga nalaman ni Enoc, at tiningnan ang kanilang kasamaan, at ang kanilang pagdurusa, at nanangis at iniunat ang kanyang mga bisig, at ang kanyang puso ay lumaki gaya ng kawalang-hanggan; at ang kanyang puso ay naawa; at ang buong kawalang-hanggan ay nayanig.
42 At nakita rin ni Enoc si Noe, at ang kanyang mag-anak; na ang mga angkan ng lahat ng anak na lalaki ni Noe ay maliligtas ng kaligtasang temporal;
43 Samakatwid nakita ni Enoc si Noe na gumawa ng isang arka; at na ang Panginoon ay ngumiti rito, at hinawakan ito ng kanyang sariling kamay; subalit sa labi ng masasama, ang baha ay dumating at nilulon sila.
44 At habang nakikita ito ni Enoc, siya ay nakadama ng kapaitan ng kaluluwa, at tinangisan ang kanyang mga kapatid, at sinabi sa mga kalangitan: Ako ay tatangging maaliw; subalit sinabi ng Panginoon kay Enoc: Pasiglahin ang iyong puso, at magalak; at tumingin.
45 At ito ay nangyari na tumingin si Enoc; at mula kay Noe, kanyang namasdan ang lahat ng mag-anak sa mundo; at siya ay nagsumamo sa Panginoon, nagsasabing: Kailan darating ang araw ng Panginoon? Kailan ibubuhos ang dugo ng Mabuti, upang lahat silang tumatangis ay mapabanal at magkaroon ng buhay na walang hanggan?
46 At sinabi ng Panginoon: Ito ay mangyayari sa kalagitnaan ng panahon, sa mga araw ng kasamaan at paghihiganti.
47 At masdan, nakita ni Enoc ang araw ng pagparito ng Anak ng Tao, maging sa laman; at ang kanyang kaluluwa ay nagsaya, nagsasabing: Ang Mabuti ay dinakila, at ang Kordero ay pinatay mula sa pagkakatatag ng daigdig; at sa pamamagitan ng pananampalataya ako ay napasa sinapupunan ng Ama, at masdan, ang Sion ay kasama ko.
48 At ito ay nangyari na tumingin si Enoc sa mundo; at kanyang narinig ang isang tinig mula sa kaloob-looban niyon, nagsasabing: Sa aba, sa aba ko, ang ina ng mga tao; ako ay nasasaktan, ako ay napapagod, dahil sa kasamaan ng aking mga anak. Kailan ako mapapahinga, at magiging malinis sa karumihang sumibol sa akin? Kailan ako pababanalin ng aking Tagapaglikha, upang ako ay makapagpahinga, at ang kabutihan sa isang panahon ay tumahan sa aking mukha?
49 At nang marinig ni Enoc ang pagdadalamhati ng mundo, siya ay nanangis, at nagsumamo sa Panginoon, nagsasabing: O Panginoon, hindi ba kayo maaawa sa mundo? Hindi ba ninyo pagpapalain ang mga anak ni Noe?
50 At ito ay nangyari na si Enoc ay nagpatuloy sa kanyang pagsusumamo sa Panginoon, nagsasabing: Aking hinihiling sa inyo, O Panginoon, sa pangalan ng inyong Bugtong na Anak, maging si Jesucristo, na inyong kaawaan si Noe at ang kanyang mga binhi, upang ang mundo ay hindi na muling matabunan pa sa pamamagitan ng mga baha.
51 At ang Panginoon ay hindi makapagkait; at siya ay nakipagtipan kay Enoc, at nangako sa kanya lakip ang isang sumpa, na kanyang papawiin ang mga baha; na kanyang tatawagin ang mga anak ni Noe;
52 At siya ay nagpadala ng isang hindi mababagong kautusan, na isang labi ng kanyang mga binhi ay matatagpuan sa tuwina sa lahat ng bansa, habang ang mundo ay nakatindig;
53 At sinabi ng Panginoon: Pinagpala siya na kung kaninong binhi ang Mesiyas ay magmumula; sapagkat kanyang sinabi—Ako ang Mesiyas, ang Hari ng Sion, ang Bato ng Langit, na kasinlawak ng kawalang-hanggan; sinuman ang papasok sa pasukan at aakyat sa pamamagitan ko ay hindi kailanman babagsak; kaya nga, pinagpala sila na aking mga binanggit, sapagkat sila ay magsisiawit ng awitin ng walang hanggang kagalakan.
54 At ito ay nangyari na si Enoc ay nagsumamo sa Panginoon, nagsasabing: Kapag ang Anak ng Tao ay pumarito sa laman, ang mundo ba ay mamamahinga? Aking isinasamo sa inyo, ipakita ninyo ang mga bagay na ito sa akin.
55 At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Tingnan, at siya ay tumingin at namasdan ang Anak ng Tao na itinaas sa krus, alinsunod sa pamamaraan ng mga tao;
56 At siya ay nakarinig ng isang malakas na tinig; at ang kalangitan ay natalukbungan; at ang lahat ng nilikha ng Diyos ay nagdalamhati; at ang mundo ay dumaing; at ang mga bato ay nabiyak; at ang mga banal ay nagsibangon, at mga pinutungan sa kanang kamay ng Anak ng Tao, ng mga putong ng kaluwalhatian;
57 At kasindami ng mga espiritung nasa bilangguan ay nagsipagbangon, at tumayo sa kanang kamay ng Diyos; at ang mga natira ay inilaan sa mga pagkakagapos ng kadiliman hanggang sa paghuhukom ng dakilang araw.
58 At muli, si Enoc ay nanangis at nagsumamo sa Panginoon, nagsasabing: Kailan ba mamamahinga ang mundo?
59 At namasdan ni Enoc ang Anak ng Tao na umaakyat sa Ama; at siya ay nanawagan sa Panginoon, nagsasabing: Hindi ba kayo muling paparito sa mundo? Yayamang kayo ay Diyos, at akin kayong nakikilala, at kayo ay nangako sa akin, at inutusan ako na ako ay humiling sa pangalan ng inyong Bugtong na Anak; kayo ang lumikha sa akin, at binigyan ako ng karapatan sa inyong trono, at hindi dahil sa aking sarili, kundi sa pamamagitan ng inyong sariling biyaya; kaya nga, ako ay nagtatanong sa inyo kung hindi ba kayo paparitong muli sa mundo.
60 At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Yayamang ako ay buhay, gayon pa man ako ay paparito sa mga huling araw, sa mga araw ng kasamaan at paghihiganti, upang tuparin ang sumpang aking ginawa sa iyo hinggil sa mga anak ni Noe;
61 At darating ang araw na ang mundo ay mamamahinga, subalit bago dumating ang araw na yaon ang kalangitan ay magdidilim, at isang tabing ng kadiliman ay babalot sa mundo; at ang kalangitan ay mayayanig, at gayon din ang lupa; at matinding paghihirap ang mapapasa mga anak ng tao, subalit ang aking mga tao ay pangangalagaan ko;
62 At kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit; at katotohanan ay aking ipadadala sa lupa, upang magpatotoo sa aking Bugtong na Anak; ang kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay; oo, at ang pagkabuhay na mag-uli rin ng lahat ng tao; at kabutihan at katotohanan ay papapangyarihin kong umabot sa mundo gaya nang isang baha, upang tipunin ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo, sa isang lugar na aking ihahanda, isang Banal na Lunsod, upang ang aking mga tao ay makapagbigkis ng kanilang mga balakang, at umasa sa araw ng aking pagparito; sapagkat doon ang aking magiging tabernakulo, at ito ay tatawaging Sion, ang Bagong Jerusalem.
63 At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Pagkatapos ikaw at ang lahat ng iyong lunsod ay sasalubong sa kanila roon, at tatanggapin natin sila sa ating sinapupunan, at makikita nila tayo, at tayo ay yayapos sa kanilang mga leeg at sila ay yayapos sa ating mga leeg, at hahalikan natin ang isa’t isa;
64 At doon ang aking magiging tahanan, at ito ay magiging Sion, na lalabas mula sa lahat ng aking mga nilalang na aking nilikha; at sa loob ng isanlibong taon ang mundo ay mamamahinga.
65 At ito ay nangyari na nakita ni Enoc ang araw ng pagparito ng Anak ng Tao, sa mga huling araw, upang manahanan sa mundo sa kabutihan sa loob ng isanlibong taon;
66 Subalit bago ang araw na yaon kanyang nakita ang matinding paghihirap sa masasama; at kanya ring nakita ang dagat, na ito ay naligalig, at ang mga puso ng tao ay manlulumo, naghihintay nang may takot para sa mga kahatulan ng Pinakamakapangyarihang Diyos, na mapapasa masasama.
67 At ipinakita ng Panginoon kay Enoc ang lahat ng bagay, maging hanggang sa wakas ng daigdig; at kanyang nakita ang araw ng mabubuti, ang panahon ng kanilang pagkatubos, at pagtanggap ng ganap na kagalakan;
68 At ang lahat ng araw ng Sion, noong araw ni Enoc, ay tatlong daan at animnapu’t limang taon.
69 At si Enoc at ang lahat ng kanyang mga tao ay lumakad kasama ang Diyos, at siya ay nanirahan sa gitna ng Sion; at ito ay nangyari na ang Sion ay naglaho, sapagkat tinanggap ito ng Diyos sa kanyang sariling sinapupunan; at magmula noon, humayo ang kasabihang: Ang Sion ay Naglaho.