Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Isaias 1–12


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Isaias 1–12

Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Dakila ang mga salita ni Isaias” (3 Nephi 23:1), at iniutos Niya sa atin na masigasig na saliksikin ang mga propesiya ni Isaias. Si Isaias ay isang propeta sa Katimugang Kaharian ng Juda noong huling kalahati ng ikawalong siglo BC. Naganap ang kanyang ministeryo noong sakupin ng Asiria ang Hilagang Kaharian ng Israel at nagbantang gawin din iyon sa Juda. Tinawag ng Diyos si Isaias sa isang pangitain. Naghatid siya ng mga mensahe ng babala, paghatol, at pag-asa sa mga tao noong kanyang panahon. Isinumpa niya ang kanilang masasamang gawain, pagsamba sa diyus-diyosan, at kawalang-katarungan at inanyayahan niya ang mga tao na magsisi. Ipinropesiya rin ni Isaias ang pagsilang ni Jesucristo, ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, at ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Ano ang aklat ni Isaias?

Ang aklat ni Isaias ay naglalaman ng mga isinulat at propesiya ni Isaias, isang propetang nanirahan sa Jerusalem noong huling kalahati ng ikawalong siglo BC. Ang ibig sabihin ng pangalan ni Isaias ay “ang Panginoon ay kaligtasan,” isang ideya na makikita sa kanyang mga isinulat. Nabuhay si Isaias sa panahong laganap ang kasamaan at kaguluhan sa politika. Ang imperyo ng Asiria ang pinaka-nangingibabaw at pinakamapanganib na kapangyarihan sa politika sa kapanahunan nito. Marami sa mga propesiya ni Isaias ang tumatalakay sa panganib na idinulot ng Asiria kapwa sa Hilagang Kaharian ng Israel at sa Katimugang Kaharian ng Juda. Nagkaroon ng malakas na impluwensiya si Isaias kay Haring Hezekias ng Juda.

Madalas na banggitin ang mga salita ni Isaias sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan—nang higit kaysa iba pang propeta sa Lumang Tipan. Nagsalita siya nang malawakan tungkol sa sambahayan ni Israel at sa pagpapanumbalik nito sa mga huling araw. Ang pinakamahalagang bahagi marahil sa mga isinulat ni Isaias ay ang kanyang patotoo tungkol sa Banal ng Israel, ang ipinangakong Mesiyas. Isinulat ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Si Isaias ayon sa lahat ng pamantayan ang propeta sa Lumang Tipan na nagpropesiya tungkol sa Mesiyas at dahil diyan ay siya ang pinaka-nakaaantig na tinig ng propeta sa talaang iyon.” Nang dalawin ng nabuhay na muling si Jesucristo ang mga Nephita at Lamanita sa mga lupain ng Amerika, itinuro Niya, “Isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo na masigasig ninyong saliksikin ang mga bagay na ito; sapagkat dakila ang mga salita ni Isaias.”

isang lalaking nakaupo sa harap ng mesa at nagsusulat sa mga scroll

Marami sa mga propesiya ni Isaias ay may dalawang aspekto ng katuparan dahil natupad ang kanyang mga mensahe sa kanyang sariling panahon, ngunit ang mga ito ay halimbawa o simbolo rin ng mga pangyayaring magaganap sa hinaharap. Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang aklat ni Isaias ay naglalaman ng maraming propesiya na tila maraming katuparan. Ang isa ay tila may kinalaman sa mga tao noong panahon ni Isaias o sa kalagayan ng susunod na henerasyon. Ang isa pang kahulugan, na kadalasa’y simboliko, ay tila tumutukoy sa mga pangyayari sa kalagitnaan ng panahon. … Ang isa pang kahulugan o katuparan ng propesiya ring iyon ay tila nauugnay sa mga kaganapang mangyayari sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang katotohanan na maaaring magkaroon ng maraming kahulugan ang marami sa mga propesiyang ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng ating paghingi ng paghahayag mula sa Espiritu Santo para tulungan tayong bigyang-kahulugan ang mga ito.”

Ang aklat ni Isaias ay maaaring isaayos sa sumusunod na mga bahagi:

  1. Isaias 1–12: Ang pagtawag ng Panginoon kay Isaias, ang kanyang mensahe ng babala, at ang kanyang mga propesiya tungkol sa pagkawasak at pagpapanumbalik ng Juda at Israel.

  2. Isaias 13–23: Mga propesiya tungkol sa mga hatol ng Diyos sa masasamang bansa at isang pangitain tungkol sa katanyagan ng Israel sa hinaharap.

  3. Isaias 24–35: Mga karagdagang propesiya tungkol sa paghuhukom at pagkawasak.

  4. Isaias 36–39: Ang makasaysayang salaysay tungkol sa pagsalakay ng Asiria sa Jerusalem, na halos katulad ng salaysay na matatagpuan sa 2 Mga Hari 18–20.

  5. Isaias 40–48: Mga pangako ng kaligtasan para sa mga Judio na ipinatapon sa Babilonia.

  6. Isaias 49–59: Mga propesiya tungkol sa mga lingkod ng Diyos, pati na tungkol sa Mesiyas, na maghahatid ng kaligtasan sa Israel.

  7. Isaias 60–66: Mga pangako tungkol sa huling pagpapanumbalik ng Israel, sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at sa Kanyang paghahari sa milenyo.

Isaias 1

Ano ang mahalaga tungkol sa Isaias 1?

Ang Isaias 1 ay malamang na mas huling isinulat kaysa sa iba pang mga paghahayag ni Isaias. Ito ay isang pambungad o paunang salita sa natitirang bahagi ng aklat, katulad ng paraan ng paggamit sa bahagi 1 sa Doktrina at mga Tipan. Ang Kabanata 1 ay nagbubuod ng isang mahalagang mensahe sa Isaias: Kapag nilabag ng mga tao ng Diyos ang kanilang tipan, mawawala sa kanila ang Kanyang mga pagpapala at proteksyon. Ngunit kapag bumalik sila sa Kanya, patatawarin at pagpapalain Niya sila nang labis.

Isaias 1:18

Ano ang matututuhan natin mula sa inilarawang matingkad na pula, mapulang-mapula, mapuputi na parang niyebe, at parang balahibo ng tupa?

Inihambing ni Isaias ang mga kasalanan ng Israel sa matingkad na pula at mapulang-mapula—mga kulay ng pula na nagmumula sa mga tina. Nakiusap siya sa kanyang mga tao na “maghugas” at linisin ang kanilang sarili. Nagpatotoo si Isaias na ang kanilang mga kasalanan na matingkad na pula at mapulang-mapula ay maaaring maging “mapuputi na parang niyebe” at “parang balahibo ng tupa.” Ang makapangyarihang paglalarawang ito ay maaaring magpaalala sa atin na ang mga kasalanan ng mga taong nagsisisi ay maaaring “[m]ahugasang maputi sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.”

Tungkol sa mga simbolong ito, itinuro ni Sister Sharon Eubank, dating miyembro ng Relief Society General Presidency, na: “Ang tina na mapula sa Lumang Tipan ay hindi lamang matingkad kundi hindi rin ito kumukupas, ibig sabihin ang matingkad na kulay nito ay kumakapit nang husto sa lana at hindi kumukupas maraming beses man itong labhan. Ginagamit ni Satanas ang pangangatwirang ito para madama natin na hindi na tayo mapapatawad: ang maputing lana na namantsahan ng mapula ay hindi na kailanman babalik sa pagiging maputi. Ngunit ipinahayag ni Jesucristo, ‘Ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad’ [Isaias 55:9] at ang himala ng Kanyang biyaya ay na kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan, ibabalik tayo ng Kanyang mapulang dugo sa kadalisayan. Hindi ito lohikal, gayunpaman ito ay totoo.”

telang tininaan ng matingkad na pula

Isaias 2:1–3

Ano ang “bundok ng bahay ng Panginoon”?

Ang propesiya ni Isaias ay maraming katuparan. Sa kasalukuyang konteksto nito, tumutukoy ito sa isang partikular na panahon na itatayo ng Panginoon ang Kanyang templo sa Jerusalem sa mga huling araw, at ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay darating upang sumamba roon. Itinuro din ng mga propeta sa mga huling araw na ang propesiyang ito ay angkop sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo at sa pagtatatag ng mga templo sa buong mundo.

Isaias 2:3

Ano ang kahulugan ng pariralang “mula sa Sion ay lalabas ang [batas], at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem”?

Ang pariralang ito ay gumagamit ng isang anyo ng tulang Hebreo na kilala bilang paralelismo, kung saan dalawang linya ang nagpapahayag ng iisang ideya gamit ang magkaibang salita. Sa buong Lumang Tipan, ginagamit ang salitang Sion na kasingkahulugan ng Jerusalem at ng bundok ng templo. Ipinahihiwatig ng propesiya ni Isaias na sa mga huling araw, lalaganap ang salita ng Panginoon at ang Kanyang sagradong batas mula sa Jerusalem, kung saan itatayo ang templo.

Ang propesiya ni Isaias ay maaari ding tumukoy sa Bagong Jerusalem, na itatayo sa lupalop ng Amerika at kung saan maghahari si Cristo sa Milenyo. Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang sumusunod tungkol sa dalawang lungsod na ito: “Ang Jerusalem noong unang panahon … ay magiging isang banal na lungsod kung saan mananahan ang Panginoon at mula roon ay ipadadala niya ang kanyang salita sa lahat ng tao. Gayundin, sa lupalop [ng Amerika], ang lungsod ng Sion, ang Bagong Jerusalem, ay itatayo, at mula rito ay lalaganap din ang batas ng Diyos.”

Isaias 3–4

Sino ang “mga anak na babae ng Sion”?

Karamihan sa mga iskolar ay sumasang-ayon na ang pariralang anak na babae ng Sion sa isahang anyo nito ay tumutukoy sa mga tao ng Jerusalem at Juda. Ang pangmaramihang anyo na, “mga anak na babae ng Sion,” ay lumitaw lamang nang ilang beses sa Lumang Tipan. Maaaring may ibang kahulugan ito mula sa isahang anyo, na posibleng partikular na tumutukoy sa kababaihan ng Jerusalem o sa mga naninirahan kapwa sa Hilaga at sa Katimugang Kaharian. Anuman ang partikular na kahulugan nito, ang paglalarawan ni Isaias sa mga anak na babae ng Sion ay nagpapakita na naging ugali na ng mga tao ang pagiging palalo at mayabang.

Ipinropesiya ni Isaias na sa huli ay huhugasan ng Panginoon “ang karumihan ng mga anak na babae ng Sion.” Sa halip na pabayaan ang Israel na walang sinumang nagmamalasakit sa kanila, patuloy na tutuparin ng Diyos ang Kanyang tipan sa kanila. Ipinropesiya ni Isaias na ang Panginoon ay pasasagitna ng Israel bilang proteksyon at kanlungan sa mga huling araw.

Isaias 5:25

Ano ang ibig sabihin ni Isaias nang sabihin niya na ang kamay ng Panginoon ay “laging nakaunat”?

Ang pariralang “Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit, kundi laging nakaunat ang kanyang kamay” ay naganap nang ilang beses sa mga unang kabanata ng Isaias. Sa bawat pagkakataon, inuugnay ang parirala sa pagpaparusa sa masasama. Ginamit ni Isaias ang pariralang ito para bigyang-diin na dahil ang mga nakaraang parusa ay hindi humantong sa pagsisisi ng Israel, mananatiling nakaunat ang kamay ng Diyos sa paghatol. Maaari ding ipakita sa mga talatang ito na ang nakaunat na mga kamay at bisig ng Panginoon ay ginagamit para ilarawan ang Kanyang awa.

Isaias 6:2

Ano ang serafin?

Ang serafin ay mga nilalang na anghel na naglilingkod sa mga hukuman ng Diyos. Ang mga pakpak ng serafin ay simbolo ng kapangyarihan nilang gumalaw o kumilos.

Isaias 6:9–10

Iniutos ba ng Panginoon na magturo si Isaias sa paraan na hindi mauunawaan ng mga tao?

Ang salin sa talata 9–10 ay tila nagsasabi na iniutos kay Isaias na magpropesiya sa paraan na magiging dahilan para patigasin ng mga tao ang kanilang puso at maging espirituwal na bingi at bulag. Naniniwala ang ilang iskolar na inilalarawan ng mga talatang ito ang umiiral na espirituwal na kalagayan ng mga tao, samantalang ang iba ay naniniwala na ang mga ito ay isang propesiya kung paano tutugon ang mga tao sa mensahe ni Isaias. Ang isa pang posibilidad ay inutos noon ng Panginoon kay Isaias na iparating ang kanyang mensahe sa paraang hindi makakaunawa ang mga taong may matigas na puso, ngunit makakaunawa ang mga taong espirituwal na handa.

Isaias 7:1–9

Ano ang nangyari sa pagitan nina Ahaz, Rezin, at Peka?

Noong 735 BC, ang imperyo ng Asiria ay mabilis na lumawak at naging malaking banta sa kalapit na mga kaharian. Kabilang dito ang Hilagang Kaharian ng Israel (kilala rin bilang Efraim) at ang kaharian ng Siria (kilala rin bilang Aram). Bilang tugon, bumuo ng alyansa sina Haring Peka ng Hilagang Kaharian at Haring Rezin ng Siria para ipagtanggol ang kanilang mga kaharian laban sa Asiria. Hinimok nila si Haring Ahaz ng Katimugang Kaharian na sumama sa kanila, ngunit tumanggi ito. Bilang ganti, sinalakay nina Peka at Rezin ang kaharian ni Ahaz, at binalak na palitan si Ahaz ng isang pinunong sasali sa kanilang alyansa. Sa panahong ito nagpropesiya si Isaias kay Haring Ahaz.

Tingnan din sa “2 Mga Hari 16:7–9. Bakit humingi ng tulong si Haring Ahaz sa Asiria?”

Isaias 7:10–16

Ano ang tanda na ibinigay kay Ahaz?

Hinimok ni Isaias si Ahaz at ang mga tao ng Juda na umasa sa Panginoon para maligtas mula sa mga hukbo nina Peka (hari ng Israel) at Rezin (hari ng Siria). Hinikayat din niya si Ahaz na huwag humingi ng tulong sa Asiria. Para palakasin ang pananampalataya ni Ahaz sa propesiya, nangako ang Panginoon ng isang tanda: “Narito, isang birhen ang maglilihi, at manganganak ng isang lalaki, at kanyang tatawagin ang kanyang pangalan na Emmanuel.” Maaaring ang kahulugan lamang ng salitang Hebreo na isinalin bilang “birhen” ay isang dalagang nasa edad na para mag-asawa. Tiniyak ng Panginoon kay Ahaz na bago umabot sa hustong gulang ang batang ito, lilipulin sina Peka at Rezin.

Sa kabila ng payo ni Isaias, pinili ni Ahaz na humingi ng tulong sa Asiria. Dahil dito, napailalim ang Juda sa kontrol ng Asiria. Nagsimulang matupad ang propesiya ni Isaias noong 732 BC, nang sirain ng Asiria ang alyansa sa pagitan nina Peka at Rezin at lupigin nito ang Damasco sa Siria at ang ilang bahagi ng kaharian ng Israel.

Bukod pa sa kasalukuyan nitong kontekstong pangkasaysayan, may mas malalim na kahalagahan ang propesiya tungkol kay Emmanuel. Tinukoy ito sa Ebanghelyo ni Mateo bilang isang propesiya tungkol sa pagsilang ni Jesucristo sa birheng si Maria. Ang ibig sabihin ng pangalang Emmanuel ay “kasama natin ang Diyos.”

Si Maria na karga ang sanggol na si Jesus

“Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki” (Isaias 9:6).

Isaias 8:18

Ano ang makabuluhan sa mga pangalan ng mga anak ni Isaias?

Ipinahayag ni Isaias, “Ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Panginoon ay mga tanda at kababalaghan sa Israel.” Ang mga pangalan ni Isaias at ng kanyang mga anak ay naglalaman ng mga simbolikong mensahe na magsisilbing mga paalala tungkol sa mga propesiya ni Isaias sa mga tao. Ang Maher-shalalhash-baz (“upang mapabilis ang pagsamsam, minadali niya ang pagwasak”) ay babala tungkol sa pagkawasak na mararanasan ng mga tao kung magpapatuloy sila sa kasamaan. Ang Sear-jasub (“babalik ang nalabi”) ay tumutukoy sa pagtitipon ng Israel kalaunan pabalik sa lupang pangako at sa walang-hanggang tipan ng Diyos. Ang pangalang Isaias (“si Jehova ang kaligtasan”) ay kumakatawan sa kapangyarihan ni Jesucristo na iligtas ang Kanyang mga tao.

Isaias 9:1–7

Ano ang ibig sabihin ni Isaias nang sabihin niyang, “Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata”?

Sa Isaias 9, ipinropesiya ni Isaias ang isang panahon ng “pagkahapis” at “kadiliman.” Malamang na ang tinutukoy niya ay ang mga pagsalakay ng mga taga-Asiria sa Hilagang Kaharian ng Israel na nangyari noong 732 BC. Ang mga pagsalakay na ito ay nagdulot ng malaking banta sa Hilagang Kaharian, gayundin sa Katimugang Kaharian ng Juda. Sa kabila ng mga panganib na ito, ipinropesiya ni Isaias ang pagdating ng “dakilang liwanag” at ang pagsilang ng isang batang maghahatid ng kapayapaan at katarungan.

Sa kasalukuyang konteksto nito, ang propesiyang ito ay maaaring tumutukoy sa pagsilang ni Haring Hezekias. Nang maging hari ng Juda si Hezekias, nagdala siya ng espirituwal na liwanag sa mga tao sa pagtulong sa kanila na tumalikod sa pagsamba sa diyus-diyosan at umasa sa Panginoon. Noong naghahari si Hezekias, mahimalang naiwasan ng tao ng Jerusalem ang pagkawasak sa mga kamay ng mga taga-Asiria. Higit sa lahat, si Jesucristo ang banal at sukdulang katuparan ng propesiya ni Isaias. Siya ang dakilang liwanag na mauupo magpakailanman “sa trono ni David” bilang Hari ng mga hari.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Tulad ng ipinropesiya ng propetang si Isaias, at binanggit sa Handel’s Messiah, kapag bumalik si Jesucristo, ‘ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman’ [Isaias 40:5].

“Sa araw na iyon, ‘ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat; at ang kanyang pangalan ay tatawaging Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan’ [Isaias 9:6].”

ang propetang si Isaias na ipinopropesiya ang pagsilang ni Cristo

The Prophet Isaiah Foretells Christ’s Birth [Ang Propetang si Isaias na Ipinopropesiya ang Pagsilang ni Cristo], ni Harry Andersen

Isaias 10

Ano ang ipinropesiya ni Isaias tungkol sa Asiria?

Ipinropesiya ni Isaias ang pagkawasak ng Asiria sa Isaias 10. Ang Asiria ay isang nangingibabaw na kapangyarihan na sumakop kalaunan sa Hilagang Kaharian ng Israel at ikinalat ang mga tao nito. Ang Asiria ay nagdulot din ng malaking banta sa Katimugang Kaharian ng Juda. Ipinropesiya ni Isaias na sasalakayin ng hukbo ng Asiria ang Juda at isinulat pa ang mga pangalan ng mga lungsod na babagsak sa daraanan nito. Pagkatapos ay inilarawan niya ang hukbo na papalapit sa Jerusalem, at lulusob hanggang sa punto na “kakalugin [nito] ang kamao [nito]” laban sa lungsod.

Bagama’t malapit nang mawasak ang Jerusalem, ipinropesiya ni Isaias na mamamagitan ang Panginoon para iligtas ang Kanyang mga tao. Inihambing niya ang Asiria sa isang kagubatan ng mga puno na puputulin. Nangyari ang isang katuparan ng propesiyang ito sa panahon ng paghahari ni Haring Hezekias, nang magbanta ang isang hukbo ng 185,000 taga-Asiria na wawasakin ang Jerusalem. Gayunman, bago pa nakasalakay ang mga taga-Asiria, nagpadala ng salot ang Panginoon sa kampo ng Asiria, at mahimalang naligtas ang Jerusalem. Makalipas ang ilang dekada, sinakop ng Babilonia ang Asiria at hindi na ito naging imperyo pa.

Isaias 11:1–9

Ano ang “tuod ni Jesse” at ang sangang sumibol dito?

Ang propesiya ni Isaias ay maraming katuparan. Sa isang banda, ang Isaias 11:1 ay maaaring ituring na gumagamit ng magkakasinghulugan na paralelismo, isang anyo ng tula sa Hebreo kung saan pinagtitibay ng pangalawang bahagi ng isang parirala ang kahulugan ng una. Sa sitwasyong ito, ang usbong ay maihahalintulad sa sanga, at ang tuod (natirang ibabang bahagi ng puno) sa mga ugat. Sa madaling salita, ipinropesiya ni Isaias ang isang usbong o sanga na sisibol mula sa tuod o mga ugat ng puno. Ito ay tinupad ni Jesucristo, na isang sangang sumibol mula sa mga ugat ni Jesse. Si Jesse ay ama ni Haring David at ninuno ni Jesucristo.

Ang banal na kasulatan ng pagpapanumbalik ay tumutulong para maunawaan natin ang isa pang katuparan ng propesiya ni Isaias. Noong gabi ng Setyembre 21, 1823, nagpakita ang anghel na si Moroni sa 17-taong-gulang na si Joseph Smith at sinabi rito ang gawaing ipagagawa ng Diyos kay Joseph. Bilang bahagi ng pagdalaw na ito, bumanggit si Moroni ng maraming propesiya sa Lumang Tipan, kabilang na ang Isaias 11. Sinabi niya kay Joseph na ang propesiyang ito ay “malapit [nang] matupad.” Makalipas ang halos 15 taon, noong Marso 1838, sinagot ni Propetang Joseph Smith ang mga tanong tungkol sa Isaias 11. Ang kanyang mga inspiradong sagot, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 113, ay ipinaliliwanag ang ilang bahagi ng propesiyang ito.

Nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 113:1–2 na si Jesucristo “ang Puno [Tuod] ni Jesse.” Ipinaliliwanag sa talata 3–6 na ang taong sinisimbolo ng usbong at ugat ay isang inapo ni Jesse at ni Ephraim na hahawak ng “mga susi ng kaharian … para sa pagtitipon ng mga tao [ng Panginoon] sa mga huling araw.” Malamang na tumutukoy ito kay Propetang Joseph Smith.

drowing ng ibabang bahagi ng isang putol na puno

Isaias 11:10–12

Ano ang “sagisag ng mga bayan”?

Noong panahon ni Isaias, ang sagisag ay isang watawat o bandila na dinadala ng isang hukbo na nagpapakita kung saang bansa sila nagmula. Itinataas ang sagisag kapag may digmaan upang makapagtipon ang mga sundalo ng hukbo sa ilalim nito o magmartsa sa likuran nito. Ang sagisag na pinag-uusapan sa Isaias 11:10, na hinahanap ng mga Gentil, ay ang “walang-hanggang tipan,” o ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay isang sagisag na tipunin ang nakalat na Israel pabalik sa Kanya.

Isaias 11:16

Ano ang maaaring kinakatawan ng “lansangan … para sa nalabi”?

Binanggit ni Isaias ang isang lansangang tatahakin ng mga nakalat na mga lipi pabalik sa Israel. Bagama’t posible na ang tinutukoy ni Isaias ay isang pisikal na daan, maaaring simboliko niyang tinutukoy ang makipot at makitid na landas ng tipan.

Alamin ang Iba pa

Mga tulong para maunawaan ang Isaias

  • Bruce R. McConkie, “Ten Keys to Understanding Isaiah,” Ensign, Okt. 1973, 78–83

  • Bradley R. Wilcox, “Apat na Susi ni Nephi sa Pag-unawa sa Isaias,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2022, 11–13

  • Ryan S. Gardner at David A. Edwards, “How Can I Understand Isaiah?,” New Era, Mar. 2012, 18–22

Ang mga kasalanang matingkad na pula ay magiging maputi na parang niyebe

  • “Scarlet, Crimson, Snow, and Wool,” New Era, Peb. 2016, 8–9

“Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata”

Isang sagisag sa mga bansa

  • “An Ensign for the Nations,” Ensign, Set. 2018, 44–45

Media

Musika

  • “Sa Tuktok ng Bundok,” Mga Himno, blg. 4

  • “O Come, O Come Emmanuel,” Hymns—For Home and Church

Mga Video

“Isaiah Prophesied of Christ [Nagpropesiya si Isaias tungkol kay Cristo]” (4:51)

4:51

“Understanding Isaiah and Other Challenging Scriptures [Pag-unawa sa Isaias at sa Iba pang Mahirap Unawaing Banal na Kasulatan]” (3:03)

3:3

Mga Larawan

isang graph na nagpapakita ng mga Kaharian ng Israel at ng Juda
larawan ng propetang si Isaias

Isaias, ni Ted Henninger

Abidjan Ivory Coast Temple
mapa ng Banal na Lupain
ang sanggol na si Jesus habang natutulog sa isang puting kumot sa higaang dayami

For unto Us a Child Is Born [Sapagkat sa Atin ay Ipinanganak ang isang Bata], ni Simon Dewey

nagpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph Smith

The Angel Moroni Appears to Joseph Smith [Nagpakita ang Anghel na si Moroni kay Joseph Smith], ni Tom Lovell

Mga Tala

  1. Tingnan sa RoseAnn Benson at Shon D. Hopkin, “Finding Doctrine and Meaning in Book of Mormon Isaiah,” Religious Educator, tomo 15, blg. 1 (2014), 107. Tingnan din sa Bible Dictionary, “Isaiah”; Isaias 12:2–3.

  2. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Isaias,” Gospel Library. Tingnan din sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2009), 294.

  3. Tingnan sa Bible Dictionary, “Isaiah.” Si Isaias ang propeta na pinakamadalas banggitin sa Bagong Tipan pati na rin sa Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan (tingnan sa Russell M. Nelson, “Remnants Gathered, Covenants Fulfilled,” sa Sperry Symposium Classics: The Old Testament, inedit ni Paul Y. Hoskisson [2005], 5–7). Tingnan din sa 3 Nephi 23:1–3; 2 Nephi 25:7–8.

  4. Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon (1997), 75.

  5. 3 Nephi 23:1.

  6. Dallin H. Oaks, “Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 8.

  7. Iniisip ng maraming iskolar na ang kabanata 40–66 ng Isaias ay maaaring ibang tao ang sumulat at hindi si Isaias. Napansin nila ang mga pagkakaiba sa wika, estilo ng pagsulat, at mga tema kumpara sa kabanata 1–39. Bagama’t hindi natin mapapatunayan kung sino ang sumulat ng Isaias sa pamamagitan ng pag-aaral lamang nito, maaari tayong magtiwala na ang aklat ay inspiradong banal na kasulatan. Ang mga makabagong propeta at apostol ay nagtuturo mula sa Isaias at madalas nilang banggitin ito sa kanilang mga mensahe. Kasama rin sa Aklat ni Mormon ang mga talata mula sa una at ikalawang kalahati ng Isaias. Dahil dito, maraming iskolar na Banal sa mga Huling Araw ang naniniwala na si Isaias ang sumulat ng buong aklat (tingnan sa Kerry Muhlestein, Learning to Love Isaiah [2021], 2–3; Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 295; D. Kelly Ogden at Andrew C. Skinner, Verse by Verse: The Old Testament, tomo 2 [2013], 253–54). Ang iba pang mga iskolar na Banal sa mga Huling Araw ay nagbibigay ng karagdagang mga pananaw tungkol sa pagiging may-akda ni Isaias (tingnan sa Joshua M. Sears, “Deutero-Isaiah in the Book of Mormon: Latter-day Saint Approaches,” sa They Shall Grow Together: The Bible in the Book of Mormon, inedit nina Charles Swift at Nicholas J. Frederick [2022], 365–92).

  8. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Isaias,” Gospel Library; Jeffrey R. Chadwick, “The Great Jerusalem Temple Prophecy: Latter-day Context and Likening unto Us,” sa Ascending the Mountain of the Lord: Temple, Praise, and Worship in the Old Testament, inedit ni David Rolph Seely at iba pa (2013), 368–69.

  9. Tingnan sa Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 11.

  10. Tingnan sa “Scarlet, Crimson, Snow, and Wool,” New Era, Peb. 2016, 8–9.

  11. Alma 13:11. Tingnan din sa Apocalipsis 7:14; Terry B. Ball, “Isaiah and the Messiah,” sa Jesus Christ: Son of God, Savior, inedit ni Paul H. Peterson at iba pa (2002), 88.

  12. Sharon Eubank, “Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Liahona, Mayo 2019, 75.

  13. Tingnan sa Chadwick, “The Great Jerusalem Temple Prophecy,” 371–74. Makikita rin ang mga talatang ito sa Mikas 4:1–5. Hindi alam kung ang mga ito ay kay Isaias muna inihayag o kay Mikas.

  14. Tingnan sa Gary E. Stevenson, “Mga Araw na Hindi Malilimutan Kailanman,” Liahona, Nob. 2024, 90; Ronald A. Rasband, “Katuparan ng Propesiya,” Liahona, Mayo 2020, 76–77; Jeffrey R. Holland, “Isang Sagisag sa mga Bansa,” Liahona, Mayo 2011, 111; Bruce R. McConkie, The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man (1982), 275. Tungkol sa Isaias 2:2–5, itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Naniniwala ako na nauukol ang propesiyang iyon sa makasaysayan at kahanga-hangang Salt Lake Temple. Ngunit naniniwala rin ako na ito ay nauugnay sa napakagandang [Conference Center] na ito. Sapagkat mula sa pulpitong ito ipababatid at ipalalaganap ang batas ng Diyos, kasama ang salita at patotoo ng Panginoon” (“Ang Dakilang Milenyal na Taong Ito,” Liahona, Ene. 2001, 69).

  15. Tingnan sa Chadwick, “The Great Jerusalem Temple Prophecy,” 374–75.

  16. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Bagong Jerusalem” at “Sion,” Gospel Library.

  17. Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie (1956), 3:69–71. Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,” Liahona, Nob. 2024, 121, pati na ang mga banal na kasulatan sa endnote 6.

  18. Tingnan sa Isaias 3:16–24; 4:4; Awit ng mga Awit 3:11.

  19. Tingnan sa Donald W. Parry at iba pa, Understanding Isaiah (1998), 43, tala sa Isaias 3:16. Tingnan din sa Adele Berlin at Marc Zvi Brettler, mga editor, The Jewish Study Bible, ika-2 edisyon (2014), 773, tala sa Isaias 3:16–4:1; Ball, “Isaiah and the Messiah,” 91–94. Ang paglalarawan ni Isaias sa kapalaluan ng mga anak na babae ng Sion ay kasunod ng kanyang paglalarawan sa kapalaluan at mga maling gawain ng kalalakihan ng Juda (tingnan sa Isaias 2:10–22).

  20. Isaias 4:4.

  21. Tingnan sa Isaias 4:1.

  22. Tingnan sa Isaias 4:5–6. Tingnan din sa Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 38, tala sa Isaias 4:5–6.

  23. Tingnan sa Isaias 5:25; 9:12, 17, 21; 10:24.

  24. Tingnan sa John Gee, “A Different Way of Seeing the Hand of the Lord,“ Religious Educator, tomo 16, blg. 2 (2015), 113–14.

  25. Tingnan sa 2 Nephi 28:32; Jacob 6:4; Alma 5:33; 3 Nephi 9:14. Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Mga Propetang Naritong Muli sa Lupa,” Liahona, Nob. 2006, 106–7.

  26. Tingnan sa Bible Dictionary, “Seraphim.”

  27. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 77:4.

  28. Tingnan sa Paul Y. Hoskisson, “A Latter-day Saint Reading of Isaiah: The Example of Isaiah 6,” sa Sperry Symposium Classics: The Old Testament, inedit ni Paul Y. Hoskisson (2005), 215–16.

  29. Tingnan sa Berlin at Brettler, The Jewish Study Bible, 779–80, tala sa Isaias 6:8–10.

  30. Tingnan sa Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 55–56, tala sa Isaias 6:9–10.

  31. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 296. Tingnan din sa “2 Mga Hari 16:7. Sino ang mga taga-Asiria?”

  32. Tingnan sa Isaias 7:3–17.

  33. Isaias 7:14. Hindi alam ang identidad ng bata pang ina. Iniisip ng ilan na posibleng siya ang asawa ni Isaias. Sinasabi ng iba na siya ang asawa ni Haring Ahaz (tingnan sa Jason R. Combs, “‘From King Ahaz’s Sign to Christ Jesus’: The ‘Fulfillment’ of Isaiah 7:14,” sa Prophets and Prophecies of the Old Testament, inedit ni Aaron P. Schade at iba pa (2017), 101–5.

  34. Combs, “From King Ahaz’s Sign to Christ Jesus,” 104.

  35. Tingnan sa Isaias 7:15–16.

  36. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 296.

  37. Tingnan sa Mateo 1:18–25.

  38. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Emmanuel,” Gospel Library.

  39. Isaias 8:18.

  40. Isaias 8:1. Tingnan din sa Isaias 8:1–4.

  41. Isaias 7:3.

  42. Benson at Hopkin, “Finding Doctrine and Meaning in Book of Mormon Isaiah,” 107.

  43. Isaias 9:1.

  44. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 294.

  45. Isaias 9:2.

  46. Tingnan sa Isaias 9:6–7.

  47. Tingnan sa Berlin at Brettler, The Jewish Study Bible, 784, tala sa Isaias 9:1–6.

  48. Tingnan sa 2 Mga Hari 18–19; “2 Mga Hari 18:7–13. Bakit naghimagsik si Hezekias laban sa Asiria?”; “2 Mga Hari 19. Paano tinulungan ng propetang si Isaias si Hezekias?”

  49. Tingnan sa Mateo 4:12–16; Juan 1:5.

  50. Isaias 9:7.

  51. Russell M. Nelson, “Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,” 121.

  52. Tingnan sa 2 Mga Hari 17. Tingnan din sa “2 Mga Hari 17:5–23. Ano ang nangyari sa mga lipi ng Israel matapos silang lupigin ng Asiria?”

  53. Tingnan sa Isaias 10:28–32.

  54. Isaias 10:32.

  55. Tingnan sa Isaias 10:33–34.

  56. Tingnan sa 2 Mga Hari 19; Isaias 37. Tingnan din sa “2 Mga Hari 19. Paano tinulungan ng propetang si Isaias si Hezekias?”

  57. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 285–86.

  58. Tingnan sa RoseAnn Benson, “Joseph Smith and the Messiah: Prophetically Linked,” Religious Educator, tomo 3, blg. 3 (2002), 69.

  59. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jesse,” Gospel Library.

  60. Joseph Smith—Kasaysayan 1:40. Tingnan din sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33–41.

  61. Doktrina at mga Tipan 113:6.

  62. Tingnan sa Bruce R. McConkie, The Millennial Messiah, 339–40.

  63. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sagisag,” Gospel Library.

  64. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:9.

  65. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley (2016), 63, 71. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 115:4–6.

  66. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 133:26–34.

  67. Tingnan sa Parry at iba pa, Understanding Isaiah, 124–25, tala sa Isaias 11:16. Tingnan din sa Gerrit W. Gong, “Ang Himala ng Pagiging Kabilang sa Tipan,” Liahona, Peb. 2019, 28.